“Good morning po,” nginitian ko ang
matandang babae sa consultation room.
Pang-apat na
eskuwelahan ko na ito, at bawat eskuwelahan, pag di ko na gusto o sawa na ako,
nilalayasan ko. At natutuhan ko sa mga ‘yon na pag bago ka pa lang sa trabaho,
kailangang maging palabati at palangiti. Hindi mo alam kung sino ang kakampi at
hindi. Isa sa mga dahilan kung bakit ayoko nang magturo. Kung bakit gustu-gusto
ko nang layasan ang akademya.
May itim na debateryang
radyo sa mesa niya, tumutugtog ang “Huwag Kang Matakot” ng Eraserheads.
“Magandang umaga
rin,” isinara niya ang binabasang aklat, iniwang nakaipit doon ang pink na
panyo. ‘Yon ay “Kilusang Pambansa-Demokratiko sa Wika” ni Monico Atienza.
Dahil doon, naisip
ko, siguro Filipino rin siya. Pero ayoko munang umasang hindi siya gaya ng
ibang Filipino teacher, na malalim ang pagtingin niya sa wika. Ilang beses na
akong nabigo sa ganoon.
“Anong
department ka, Anak?”
“Filipino po,”
umupo ako sa katapat niyang mesa, makitid na daan lang ang pagitan namin.
“A, ikaw ‘yung
bago?” lumitaw ang mapuputi niyang ngipin sa luwang ng ngiti niya.
Ngumiti lang
ako. May pagkapalengkera siya kung magsalita, mabilis na malakas.
“Jomar po,” dumukwang
ako nang konti, inilahad ang kamay ko.
“Evelyn,” inabot
niya ang kamay ko, “Evelyn Apigo. ‘Ma’am Evelyn’ na lang, Anak.”
Palagay ko,
mag-aanimnapu na siya. Maputi siya, makinis ang kamay at leeg. Pero maraming
mantsa sa mukha. Parang kung anu-ano ang ipinapahid noong kabataan pa. Makapal
ang make-up niya’t lipstick at maiksi ang makapal niyang buhok. May katabaan
siya, at parang nasa 4’11 o 5’0 lang. Nakasalamin ng tulad ng kay John Lennon.
Naka-lilac na blouse.
Tahimik sa silid.
Dinig na dinig ang ugong ng aircon at tugtog sa radyo.
Sinuyod ko ng
tingin ang consultation room.
Hindi ‘yon
kalakihan. Puti ang dingding at ang tiles sa sahig. May anim na mesang kahoy,
tatlo sa kanan at sa kaliwa. May dalawang silya sa bawat mesa. Nakataas ang venetian
ng bintana, tanaw na tanaw ang canteen at ang naglalakad na mga estudyante.
Sa harap namin, ang
malaking bintanang salamin, katabi ng pinto. Tanaw na tanaw ang hallway ng
second floor, ang nagwawalis na maintenance at ang nangakatambay na estudyante.
Nagmukha tuloy kaming mga isda sa aquarium.
Tumingin ako sa
cellphone ko, 8:59 am.
“Mam’ya pang
nine fifteen ang dating ng ibang faculty, Anak,” parang nabasa ni Ma’am Evelyn ang
iniisip ko. “Ilang taon ka na ba, Anak?” nagpatong siya ng maliit na notebook
sa mesa.
“Twenty-three
po.”
“Bata pa. E
ilang units ka?”
“Fourteen po.”
Itinaas niya ang
salamin niya, habang nakatingin sa akin. “E di part time ka lang?”
Tumango ako,
nakasimangot.
“Sa’n ka
nagpu-fulltime, Anak?”
“Sa bahay po.”
Natawa kaming
pareho. Malakas ang tawa niya.
Kahit 14 units
lang ako, limang araw ang pasok ko. Sabado lang ang wala. Ang MWF ko, puro
isang oras lang. Isang oras at kalahati pa man din ang biyahe at P150 lang ang
per hour ko. Lugi talaga.
Ganito raw rito,
sabi sa akin ng chairperson namin, ang mga regular at full timer ang unang
namimili ng schedule. ‘Yong matitira ang sa mga part time.
Ayoko sa
ganitong sistema. Hindi patas. May kinikilingan. Pare-parehas lang namang
nagtatrabaho. Gusto ko sanang banggitin ‘yon kay Ma’am Evelyn, para makahingi man
lang ng opinyon. Pero di ko na lang sinabi. Baka ma-offend siya. Mukha kasing
matagal na siya rito.
“Ma’am, ilang
taon na po kayo rito?” nasabi ko na lang.
“Seventeen
years,” nagbubuklat siya ng notebook, parang may hinahanap.
Nagulat ako. Marami
na akong narinig na gayong katagal sa pinapasukan nila, pero nagugulat pa rin
talaga ako. Hindi ko kasi ma-imagine ang sarili kong aabot man lamang ng 10
taon sa isang kumpanya. Ang gusto ko’y maglagalag, maglagalag nang maglagalag.
Nang marami akong maranasan. Nang marami akong magawang maikling kuwento.
“E di regular na
po kayo?”
Napatingin siya
sa akin, nakangiti, “oo naman, Anak.” Parang bumata ang boses niya.
May pumasok na
lalaking kalbo, may dalang 14 inches na itim na laptop, naka-polo barong. Sa
dulong mesa siya naupo.
Hininaan ni
Ma’am Evelyn nang konti ang radyo niya. “Baby Can I Hold You Tonight” ni Tracy
Chapman ang tumutugtog.
Naisip ko,
ganito talaga sa unibersidad. Sa laki, di na magkakalapit ang mga tao. Naalaala
ko ang college na inalisan ko. Wala pang 2 libo ang estudyante roon. Pero lahat
ng titser, magkakakilala, at marami
akong naging kaibigang estudyante. Hindi talaga totoo ang kasabihang “The more,
the merrier.”
May pumasok uli,
lalaking matangkad, naka-longsleeve na pink, nakasalamin. Mukhang abugado.
Nginitian niya si Ma’am Evelyn, nginitian rin siya ni Ma’am.
“Pag mga
gan’tong panahon naman, Anak, wala pang nagpapa-consult,” sabi niya sa akin. “Kaya
d’yan ka lang muna, magbasa-basa, mag-ayos ng lesson mo. Pag daan ng checker,
p’wede nang umalis.”
Bayad ang
consultation hour, katumbas ng teaching unit, paliwanag sa akin ng chairperson
namin. Kung 30 units ka, 27 lang doon ang teaching load. ‘Yong matitira,
consultation hours. Siyam na section lang, di bale.
Kami ang
mamimili ng schedule ng consultation namin. At kaming mga part timer, 2 oras
lang daw ang consultation namin. Dito kami pupuntahan ng mga estudyanteng
magpapa-tutor, di pa nag-i-exam, may ii-inquire at kung ano pa.
9-10 ng Martes
at Huwebes ang pinili ko.
9:37 sa
cellphone ko nang pumasok ang checker. Estudyante lang, lalaki. Isa-isa niya
kaming tinawag sa apelyido. Lima lang kami.
“O, pa’no, Anak,”
isinilid ni Ma’am Evelyn sa pulang shoulder bag ang radyo, “mauna na ‘ko?” 9:52
na noon sa cellphone ko.
“Sige po. Sa
faculty muna po ako, kakain.” Nagbabaon ako, nang nakatipid. “Eleven pa po’ng
klase ko we. Kayo po?”
“Sa library,”
isinukbit niya ang bag niya.
Napatingin ako
roon. Nakalobo ‘yon, sa dami nang laman. Hindi kaya siya nabibigatan? Ayaw niya
kayang iwan muna sa faculty ‘yung radyo? Pero hindi na ako kumibo.
‘CA’ ang tawag sa college namin,
College of Arts, binubuo ng tatlong department. Sa faculty room, tigdadalawang mahabang
mesang kahoy ang bawat department. Mga bata ang karamihan sa social science,
mga bading at babae ang sa English, at nasa edad trenta y singko pataas ang sa
Filipino. Sa Filipino raw ang pinakamaraming regular. Apat lang kaming hindi,
dalawang fulltime at dalawang part time.
May kanya-kanya
kaming locker, sky blue ang pintura. May pangalan ang bawat isa. Magkatabi ang sa
amin ni Ma’am Evelyn.
Kalaunan, nang
mag-iisang buwan na ako roon, nairita ako sa mga coteacher ko sa Filipino. Wala
silang alam pag-usapan kundi teleserye, bagong labas na tablet at cellphone,
buhay nina Marian Rivera at Dingdong Dantes. Minsan ko lang silang narinig na
nag-usap ng tungkol sa itinuturo nila. Mali-mali pa.
May isang
magpapabasa raw ng mga maikling kuwento, “Moses, Moses” ni Efren Abueg, “Walang
Panginoon” ni Deogracias Rosario at “Kuwento ni Mabuti” ni Genoveva Matute.
Saka ipasusuri sa mga estudyante ang banghay at kung sino ang mahusay sa
paggawa ng tauhan.
Hindi maikling
kuwento ang “Moses, Moses,” kundi dula. At si Rogelio Sikat ang may-akda niyon,
hindi si Abueg. Paano niya kaya ‘yon ipasusuri, kung siya mismo, parang di
nagbabasa at di alam ang ipinagagawa niya?
Minsan din, nang
i-quote ko si Socrates, sa kahulugan niya sa retorika, dahil may asignaturang
Retorika roon, ay tatlong araw nila akong ginaya.
“Ayon nga kay
Ginoong Socrates,” kumukumpas-kumpas pa ang isang regular na bading, sa tonong
parang nakikipagbalagtasan, “ang retorika ay sining ng pangungumbinsi.”
Tawanan.
Na-offend ako.
Inis na inis
ako. Hindi dapat pinakekealaman ng mga walang pagpapahalaga sa karunungan ang
mga taong nagsisikap na matuto.
Dahil sa mga
‘yon, lalong sumidhi ang kagustuhan kong lumipat sa mga TV network at maging
scriptwriter, at pikit-matang ibenta ang panulat at magpagamit sa pambubulag sa
mga tao, o lumipat sa radyo at maging staff o kung ano pa. Malayasan lang ang
pagtuturo.
Sa sumunod na mga consultation,
lagi na akong nagdadala ng mababasang aklat o papel na tsitsekan at iri-record.
Kahit 14 units lang ako, ayokong magpabaya, nang walang masayang na oras at mas
dekalidad ang maibigay kong pagtuturo.
Doon pa rin ako
sa dati kong puwesto, at lagi pa rin kaming nagkukuwentuhan ni Ma’am Evelyn.
Hanggang sa gumaan na ang loob ko sa kanya. Sa patuloy niyang pagtawag sa akin
ng anak, pakiramdam ko, nanay ko nga siya. Anak niya ako.
Isang beses,
naikuwento niyang biyuda na siya. Tatlumpung taon lang daw siya noon. At bata
pa ang mga anak nila, 5 at 7 taon. Nagulat ako. Di halata sa mga ngiti at tawa
niya.
“May mga
nanligaw nga sa akin, Anak,” kuwento niya. “Pero di ko sinagot. Di na ‘ko
nag-asawa. Iginapang ko talaga ‘yong mag-isa. Ang akala kasi ng mga tao, ngunit
balo ka, bibigay ka na agad. Madali nang makuha.”
Nabanggit din
niyang first choice niya ang BSE Major in Filipino. At natuwa talaga ako. First
choice ko rin ang tinapos ko. At nalulungkot ako dahil marami akong kilalang
napunta lang sa gayong programa dahil naubusan ng slot sa talagang gusto nilang
kuhanin.
Minsan, inabutan
niya ako ng puting sando bag, may lamang peanut brittle, strawberry jam at key
chain na may nakasulat na ‘Jomar.’ Nag-Baguio raw kasi sila noong Sabado at
Linggo.
Nakita ng bading
na regular ‘yong keychain, at sabi niya, maganda raw. Sino raw ang nag-Baguio? Nalaman
kong sa buong department, ako lang pala ang binigyan ni Ma’am Evelyn ng
pasalubong. Hindi niya binigyan maging ‘yong chairperson namin.
Kung minsan din,
inililibre pa niya ako ng kape sa canteen. Nagpapa-deliver siya sa consultation
room.
Dahil sa gayong mga
bagay, naging mas malapit ako kay Ma’am Evelyn. Hindi ko tuloy naiwasang
banggitin sa kanya ang mga ikinasasama ng loob ko sa mga coteacher namin sa
Filipino.
Enero na noon,
at naka-blouse na maroon siya.
“Naku, ganyan
talaga ‘yang mga ‘yan, Anak. Kaya ako, di mo napapansin,” inayos niya ang
salamin niya, habang nakatitig sa akin, “di ako nag-i-stay sa faculty?”
Naalaala ko ang
locker niya. Kahit kailan, di ko pa nakitang binuksan niya ‘yon.
Tumango ako.
Nakasalang sa radyo ang isang version ng “Kaleidoscope,” na di ko alam kung
kangino.
“Sa’n po kayo
nag-i-stay?”
“Sa library.
Basta may vacant, do’n ako. Dala ko’ng lahat ng gamit ko.”
“E ba’t ayaw
n’yo po sa faculty?” Parang alam ko na ang sagot, pero mas maige pa rin ‘yong
sigurado.
“Alam mo kasi,
Anak,” hininaan niya ang boses niya, kahit kami pa lang naman ang tao sa consultation room, “naiinis ako sa ganyang
mga titser. Atin-atin na lang sana.”
“Opo,” tumango
ako. Tango lang sana ‘yon, pero para mas makumbinsi siya, nag-opo ako.
“’Yang mga ‘yan,
Anak,” titig na titig siya sa akin, “kung ano ‘yung nasa textbook, ay wala,”
napailing siya, “’yon lang ang ituturo. Hindi man lamang iniisip kung tama ba
‘yung nasa textbook.
“E ‘yang mga
nagsusulat ng textbook, pera-pera lang din madalas ‘yang mga ‘yan. Kinokopya
lang sa iba ‘yung pinagsasasabi. Kahit mali, kokopyahin. Ano ngayon ang
maituturo sa bata?”
Tumango ako. Para
malaman niyang nakikinig talaga ako.
“Natural, ‘yung
mga mali rin. Gaya na lang sa napakaraming textbook, binabanggit ‘yong antas ng
wika. Kolokyal, pampanitikan, pormal, lalawiganin. E wala namang antas ang
wika. Ang wika, parang tao. Pantay-pantay. Walang nakahihigit,” napalakas ang
boses niya, para na siyang may kaaway. “Lagi ring kay Henry Gleason
nakapangalan ‘yong pinakasikat na kahulugan sa wika. ‘Yong ‘ang wika ay
masistemang balangkas ng sinasalitang tunog…’ E di naman si Henry Gleason ang
may sabi n’on. Botanist ‘yon. Ang may sabi n’on e si Henry Allan Gleason Jr., ‘yong
anak n’ya. ‘Yong linguist.”
Hindi ako kumibo.
Sa internet ko lang nalamang kay Henry Allan Gleason Jr. galing ang kahulugang
‘yon.
Napailing siya.
“Nag-iingat dapat ang titser sa mga sinasabi n’ya sa klase. Malaki ‘yung papel
n’ya sa magiging paniniwala ng mga estudyante.”
Kinabahan ako.
Paano kung mali-mali rin pala ang nasasabi ko sa klase?
“Kaya talagang
hindi basta-bastang trabaho ang pagtuturo. Ako,” humina ang boses niya, “naiinis
ako sa mga titser na itinuturing na trabaho lang ang pagtuturo. Paraan para kumita
ng pera.”
Bigla akong humanga
ako sa pagkatao niya. Malayung-malayo ‘yon sa sinasabi ng mga mantsa sa mukha
niya at ng makapal niyang make-up. At dahil mag-isa siyang nagtataguyod sa
pamilya niya, hindi ba dapat, siya ang mas may karapatang ituring na
hanap-buhay ang pagtuturo?
Pagkatapos ng
pag-uusap namin na ‘yon ni Ma’am Evelyn, napag-isip-isip ko ‘yong madalas
sabihin sa akin ng mga tao. Na kaya ko lang kinukuwestion ang mga mali ay dahil
bata pa ako. Na idealism lang ‘yon. Mawawala rin pag nagkaedad ako. Ang lagi
kong sagot sa kanila, “hindi ngunit kinuwestiyon mo ang mali, idealism na.”
At pinatunayan
‘yon sa akin ni Ma’am Evelyn.
Sa sumunod na
consultation, ganoon uli ang napag-usapan namin.
“Tapos,
magpapagawa ng tula ng sa Retorika,” sabi ni Ma’am Evelyn, “di naman binabasa,
kukuhanin lang ‘yong pangalan.
“Sige, medyo ayos na ‘yon. ‘Yong iri-record na
lang,” napalakas ang boses niya. “Kaso, tama naman ba ‘yung pagtuturo nila ng
tula? E ang tula sa kanila, puro rhyme lang,” titig na titig siya sa akin. “Ang
pag-ibig na nais ay walang kaparis,” ikinumpas niya ang kanang kamay niya,
parang nagpapakawala ng paru-paro. “E hindi naman tula ‘yon, Anak. Slogan
‘yon.”
Natawa ako.
“Abstract ang
tula, pag-iisipin ang mambabasa. Maraming p’wedeng kahulugan. Hindi ‘yong basta
gamit lang nang gamit ng kung anu-anong salita. Kaya nagmumukhang madali at
boring ang tula e, dahil sa ganyang mga titser.”
Nainggit na
naman ako sa mga manunulat sa ibang bansa. Doon, mas napahahalagahan ang
panitikan. Naisip ko sina Paulo Coelho, Mitch Albom at John Grisham. Milyong
libro na ang naibenta nila.
Sa Pilipinas,
umabot lang ng libo, mapalad na ang manunulat. Pero naniniwala akong maraming
Pilipinong manunulat ang mas magaling kaysa sa kanila.
“Tingnan mo,
Anak, ‘yong Panitikan na subject na lang, itinuturo nila,” seriyosong-seriyoso pa
rin ang mukha niya, “kahit sila mismo, hindi nagbabasa. Panitikan pa ba ‘yon
pag gano’n? Tapos, itinuturo pa nila sa paraang subjective? Parang values
education? Parang lahat, tama?”
“Kaya nga po ang
akala ng mga bata, ang panitikan, boring at nangangaral,” sagot ko. “Pa’no ‘yong
mga titser, ang ipinahahanap lagi, moral lesson.”
Napailing si
Ma’am Evelyn. “Maraming nagagawa ang titser, pero marami ring pagkakamali.”
Sa sumunod na
mga consultation, hindi na ako nagdadala ng tsitsekang papel, kahit aklat.
Nakikipagkuwentuhan na lang ako kay Ma’am Evelyn. At kadalasan, mga ganoong
bagay ang napag-uusapan namin—wika, panitikan, sistema ng edukasyon.
Masaya ako sa
mga pag-uusap namin. Marami akong natututuhan. Nailalabas ko ang mga saloobin
ko. Kaya pakiramdam ko, pagkatapos ng consultation, ang gaan-gaan ng dibdib ko.
Para bang nakipagkuwentuhan ako sa isang kaibigang matagal kong hindi nakita.
“Ang Filipino,
Anak, wika ‘yan,” inayos niya ang salamin niya. “Linggwistika ang pag-aaral ng
wika. Kaya ang dapat na pinag-aaralan sa Filipino, semantics, sintaksis,
morpema, ponema, satire. ‘Yong mga ganyan. Kasaysayan ng wika, mga batas sa
wika, discourse analysis, mga isyu sa wika.”
Naisip ko,
maganda kung ganoon nga. Mas makabuluhan ang mga paksa. Malamang din, hindi na
balewalain ang Filipino, isa na sa pinakamahirap na asignatura.
“Kaso nga, ang
panget ng kurikulum ng Filipino sa high school at sa college,” titig na titig
siya sa akin. “Lalo na sa high school.”
Tumango ako.
“Kaya nga po sa kolehiyo ako nagturo e.”
“Sa college
naman, ang itinuturo, pagbasa’t pagsulat, sining sa pakikipagtalastasan, tamang
pakikinig, tamang pagbabasa. Pero kung talagang gusto ng titser, di ba, kung
talagang may malasakit s’ya sa Pambansang Wika, ituturo pa rin n’ya ‘yong mga
paksang alam n’yang mas dapat matutuhan ng bata. Hindi ‘yong basta magpapadikta
s’ya sa syllabus,” inayos niya uli ang salamin niya. “May sarili ka namang
isip, ba’t magpapadikta sa sinasabi ng kung anu-anong papel.”
Napangiti ako.
“Saka ang titser
kasi, Anak,” kinamot niya ang noo niya, parang may iniintindi, “hindi lang
basta humuhubog ng pagkatao. Dapat, kung anuman ‘yong ‘tinuturo mo, dapat
malawak ang pananaw mo ro’n. Nang maipagtanggol mo. Advocate ka dapat ng
itinuturo mo. Dapat may passion ka ro’n.”
Tumango ako.
Tumutugtog sa radyo ang isang kantang di ko alam ang pamagat. Parang noon ko
lang narinig.
“Ang Filipino
teacher na hindi malawak ang kaalaman sa Wikang Filipino at hindi ginagampanan
‘yong obligasyon n’ya, walang karapatang magalit kung nila-‘lang’ ng mga
estudyante ‘yong subject n’ya.”
Lalo akong
napangiti.
“’Eto na lang
Anak e, tingnan mo,” napalakas ang boses niya, “madalas, ang bata, nasa
Filipino 2 na, di pa alam ang pagkakaiba ng Filipino at Tagalog. Samantalang
isang dekada na n’yang pinag-aaralan ‘yong Filipino a. Mula grade 1. O, sino’ng
may kasalanan? ‘Yon lang bang titser n’ya sa Filipino 1?” lumakas pa ang boses
niya, para na naman siyang may kaaway. “May kasalanan din ‘yong sa elementary
at high school. Di ngunit wala ‘yon sa curriculum e di na nila ituturo.”
“Kaya nga po
ako,” sagot ko, gusto kong malaman niyang pinagbubuti ko talaga ang tungkulin
ko bilang Filipino teacher, “ipinagdidiinan ko talaga sa mga estudyante na iba
ang Tagalog, sa Filipino. Na ang Filipino, kumbinasyon ng mga wika sa Pilipinas,
kasama na ‘yong hiram na mga salita, mga salitang banyaga. Pero nakabatay sa
Tagalog. Inihahalimbawa ko pa nga po ‘yung ‘tarong’ sa ‘katarungan,’ salitang
Cebuano, pero akala nila, Tagalog. English ‘yong ‘tambay,’ ‘stand by,’ pero akala
rin nila, Tagalog. Kastila ‘yong ‘kumusta,’ ‘como esta.’”
Hindi kumibo si
Ma’am Evelyn, parang di niya ako narinig. Nakatingin lang siya sa binatana.
Parang may hinihintay na dumaan sa hallway.
Nakatingin lang
ako sa kanya. Alam kong may sasabihin siya.
“Kaya kung
babagsak ang Wikang Filipino, Anak, sa totoo lang,” huminto siya, parang
iniisip kung itutuloy ang sasabihin, “malaki rin ang kasalanan ng mga titser sa
Filipino.”
Natigagal ako. Parang
sinabuyan ng malamig na beer sa mukha.
Pero naisip ko,
tama rin siya.
“Kaya ako, Anak,
pinagbubuti ko talaga’ng pagtuturo,” sa labas pa rin siya nakatingin, pero
mabagal na ang salita niya. “Maraming kailangang ayusin sa Wikang Filipino.
P’wede naman tayong mag-reseracher e. Umakyat ng bundok, pag-aaralan ang wika
ng iba-ibang tribu, Kankanaey, Tausug, Dumagat. Tapos gamitin ‘yong mga
matutuklasan para mas tumatag ‘yong Filipino. Pero dahil titser ako, ‘yong
papel ko bilang titser ang gagampanan ko.”
Isang tanghaling nagkaklase ako sa
mga pharmacy student, patapos na noon ang Pebrero, nag-ring ang cell phone ako.
Nag-excuse ako sa klase, saka sinagot sa labas ng classroom ang tawag.
Galing kay Roger
ang tawag, kaibigan ko, editor sa isang publikasyon ng journal. Kinukuha akong
assistant editor. Muntik na akong mapatalon sa tuwa. At nang oras mismo na
‘yon, sinabi ko sa kanyang gustung-gusto ko. Nang walang man lang
pagdadalawang-isip. Tatapusin ko lang ‘ka ko ‘yong semestre.
Makapaghihintay
raw ‘yong kumpanya.
Sobra ang tuwa
ko noon. At sa tuwa ko, kahit ginabi na ako nang uwi, napapangiti pa rin ako.
Kahit nasisiko’t naitutulak na ako sa LRT.
Sa wakas, malalayasan
ko na rin ang pagtuturo, ang nakabubuwisit na pulitika, lalung-lalo na ang
panget na kurikulum. Hindi ko na puproblemahin kung paano ko tatakasan ang mga
paksang tamang pagbabasa, estilo sa pagbasa, tamang paraan ng pakikinig, mga uri
ng teksto. Hindi na sasama ang loob ko sa mga textbook na mali-mali at sa mga
titser na kung anu-ano ang itinuturo.
Nang nasa dyip
na ako, sa dulong upuan ako naupo. Sa tabi ng pinto. Kumakalabog ang mga upuan
dahil sa lakas ng radyo. Naaalaala ko bigla si Ma’am Evelyn. Parang may kung
anong mabigat akong naramdaman sa loob ko.
Pero
dahil titser ako, ‘yong papel ko bilang titser ang gagampanan ko.
Parang narinig
ko pa ang malakas niyang boses, parang makikipag-away. Parang nakikita ko pa ang
makapal niyang make-up at ang mga mantsa sa mukha niya.
Habang
humahagibis sa NLEX ang dyip, at habang napagmamasdan ko ang nagliliwanag na
mga ilaw, naisip ko, mag-iisang taon lang ako sa publikasyon. Para lang siguro
makakuha ng mga karanasan sa mga susulatin kong maikling kuwento.
Pagkatapos, babalik
ako sa pagtuturo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento