Biyernes, Nobyembre 15, 2024

MUSIC WILL SAVE US ALL*

 


TINITIYAK KO PALAGING dala ko ang airpods ko tuwing aalis ako sa bahay, lalo kung sa malayong lugar ako pupunta. Nakakabugnot ang matinding krisis sa transportasyon sa Kamaynilaan. Siksikan, nakatayo, mainit, at kay tagal ng biyahe. Salamat sa musika, nagiging mas magaan ang pakiramdam ko sa buong biyahe.

Bahagi na ng araw-araw kong búhay ang musika. Noong nasa kolehiyo pa lang ako, halos maghapong nakabukas ang radyo sa bahay tuwing nasa bahay ako. Hindi rin ako naiinip sa kay hahabang biyahe. Basta may earphone ako at cellphone na may radyo, magiging masaya ako sa biyahe. Subalit higit kong napahalagahan ang musika noong 2019, magmula nang iligtas ako nito.

Music will save us all. Ito ang nakasulat sa t-shirt na binili ko noong 2014 o 2015 sa department store ng SM North Edsa. Puting kamiseta iyon ng Men’s Club, may mistulang pinta sa gitna na ang disenyo ay gitara, at nakasulat sa ibabaw ng disenyo ang “music will save us all.”

Noong mga panahong iyon, eksaherasyon ang tingin ko sa nasabing linya. Hindi naman tubig, pagkain, o sandata laban sa mga mapang-abuso ang musika na kayang magsalba sa atin. Pero kalaunan, naunawaan ko ang punto ng linya.

 

WALA AKONG TRABAHO mula noong Hunyo 2018 hanggang Hulyo 2019. Tinanggal ako sa pinagtuturuan kong pamantasan dahil hindi ko natapos ang aking masteradong digri. Kaya napagpasyahan kong hindi muna ako magtatrabaho, para maitutok ko ang buong panahon ko sa pagsusulat ng aking masteradong tesis.

Marso 2019, may ilang “alaalang” nagsulputan sa isip ko. Abril 2019, nadagdagan ang mga “alaalang” iyon. Nangyari daw ang mga iyon sa magkakaibang taon sa aking búhay. Hindi ako makapaniwalang “nangyari” ang mga iyon. Papaanong ngayon ko lang “nagunita” ang mga iyon? Papaanong ang gayong katitinding mga pangyayari ay “nalimutan” ko? Lalong kataka-takang “nalimutan” ko ang mga iyon dahil mahilig akong magdyornal.

Parang mga kuko at pangil ng tiyanak ang mga “alaalang” iyon. Sumampa sa likod ko ang tiyanak, at ibinaon sa leeg ko ang kanyang mga pangil samantalang sa mga balikat ko ang kanyang mga kuko. Ako lamang ang nakakakita sa tiyanak. Dahil sa bigat ng tiyanak, bumagsak ang aking mga balikat, at nakatungo ako kung maglakad.

Dahil sa kirot at bigat, hindi na ako halos lumalabas sa kuwarto ko. May mga araw na tamad na tamad akong maligo at kumain. Bigla na lang tumutulo ang luha ko. Kay bigat-bigat ng dibdib ko. Para akong sasabog. Iniisip ko na lang na tuldukan na ang sarili kong búhay.

Nang panahong iyon, nakinig ako sa YouTube ng mga kanta. Marahil, naghahanap ako ng mga kantang may lyrics na magpapakalma sa akin, magbibigay ng pilosopiya na magpapagaan sa aking nararamdaman. At ang ilan sa mga kantang paulit-ulit kong pinakinggan ay ang “Unwell” at “If You’re Gone” ng Matchbox 20. Pamilyar ako sa dalawang kantang iyon dahil sikat na sikat ang mga ito, malimit ko pa ngang marinig sa videoke ang “Unwell.” Subalit noon ko lang nalaman ang pamagat ng mga ito, at noon ko lang nalaman na mahusay ang lyrics ng mga ito.

Tugmang-tugma ang “Unwell” sa nararamdaman ko. Ang “Unwell” ay nagsasalaysay ng karanasan ng persona na may poor mental health—o marahil nga ay may mental illness na. Kitang-kita sa kanya ang tákot, bagabag, at pagkabalisa.

I’ve been talkin’ in my sleep
Pretty soon they’ll come to get me
Yeah, they’re takin' me away

 

I'm not crazy, I'm just a little unwell
I know, right now you can't tell
But stay a while and maybe then you'll see
A different side of me

Kung tama ang pagkagunita ko, isang beses, habang nakikinig sa “Unwell,” bigla na lamang akong naluha. At napatanong ako sa sarili ko: Kay tagal ko nang naririnig ang kantang ito. Bakit ngayon lamang nakita ang mensahe nito?

Samantala, ang “If You’re Gone” naman ay tungkol sa persona na may poor mental health din. Lagi siyang takot na iiwan siya ng kanyang karelasyon. Kinakain siya ng bagabag.

I think I’ve already lost you

I think you’re already gone

I think I’m finally scared now

You think I’m weak, I think you’re wrong

 

I think you're already leavin’

Feels like your hand is on the door

I thought this place was an empire

Now I’m relaxed, I can't be sure

Salik ang pakikinig sa mga kantang ito kaya naging matapang ako na ipagpatuloy ang búhay ko. Napagaan ng mga ito ang loob ko. Hanggang isang araw ng Mayo, napatanong na lang ako sa sarili ko: Hindi kaya nilinlinlang lamang ako ng aking isip hinggil sa nagsulputang “alaalang”? At mula sa tanong na iyon, nagsaliksik ako sa internet, at natuklasan ko ang penomenong “false memory syndrome.”

Ang false memory syndrome ay pangyayari sa isip ng tao. Sa ganitong penomeno, nagkakaroon ako ng tao ng mga “alaala” na hindi naman tunay na nangyari, o kung nangyari man ay hindi eksaktong gaya ng sa “alaala” niya. Nangyayari sa lahat ang false memory syndrome kaya hindi ito maituturing na sakit sa isip. Nangyayari ito maging sa pinakasimpleng mga bagay. Halimbawa, akala ng isang indibidwal ay dilaw na kamiseta ang suot niya noong kaarawan niya, ngunit nang tingnan niya ang retrato, asul na polo shirt pala ang suot niya. Ngunit ang nakakabahala ay kung mapanganib na mga bagay na ang “naalaala.” Sa pagsasaliksik ko, natuklasan kong marami na palang naitalang kaso ng pag-aakusa sa buong mundo na ang batayan ng nag-aakusa ay false memory. Halimbawa ay maling suspek ang ituturo ng biktima, o ang “biktima” ay mag-aakusa sa isang tao hinggil sa isang “krimen” na hindi naman talaga nangyari.

Sa Ted Talk na “How Reliable is Your Memory?” (2013) ng sikologong si Elizabeth Loftus na isa sa mga nangunang nag-aral sa false memory syndrome, pinunto niyang hindi ngunit “detalyado” ang salaysay ng isang indibiwal at hindi ngunit kumpiyansa siya sa kanyang salaysay ay totoo na ito. Maari nga namang akala rin niya ay totoo ang sinasabi niya. At gayon pala ang nangyari sa akin. Inakala kong totoo ang mga “alaalang” nagsulputan sa aking isip. Kalaunan, natukoy ko ang pinagmulan ng mga false memory na nanggulo sa akin. May mula sa eksena sa napanood kong Koreanovela, may mula sa nabasa ko sa pocketbook, at sa iba pang bagay na hindi ko aktuwal na naranasan.

Mula noon, nadama ko na ang saya na humigit-kumulang dalawang buwan ko ring hindi naranasan.

Hunyo 2019, nakatanggap ako ng mensahe mula sa UP Health Service. Nakaiskedyul na raw ako para sa psychological counseling. (Matapos ang isang buwan, saka lamang ako kinontak. Ganyan kaatrasado ang serbisyong pangkalusugan sa Pilipinas.) Minabuti ko pa ring pumunta kahit mabuti na ang kalagayan ko at kahit sa Nueva Ecija pa ako manggagaling. Para mas maunawaan ko ang nangyari sa akin.

Gumaan ang loob ko nang ipaliwanag sa akin ng psychological counselor na totoong may false memory syndrome, at na malaki ang posibilidad na gayon nga ang naranasan ko.

Ipinaliwanag sa akin ng counselor na salik sa false memory syndrome ang sirang circadian rhythm ko. (Noon ko lang nalaman na “circadian rhythm ang jargon para sa “body clock.”) Natutulog ako nang bandang 4:00 ng umaga at gumigising nang bandang 2:00 ng hapon. At bilang dagdag, malaking salik din dito ang iba pang bagay na bunga ng kalagayan ko: may problemang pampinansyal (dahil wala ngang trabaho), walang nakakausap, nakasubsob sa masteradong tesis, walang ehersisyo, at halos palaging nasa bahay lamang.

Oo, hindi musika ang nagpagaling sa akin. Ngunit dahil sa musika, nabawasan ang bigat ng bawat araw ko, at naging matatag ako na magpatuloy, hanggang sa dumating ang araw na lumisan na sa mga balikat ko ang tiyanak. Wala na ang kirot sa nakabaong mga pangil at kuko. At nakapaglalakad na ako nang hindi bagsak ang mga balikat at hindi nakatungo.

 

MAY MGA PAGKAKATAON noong 2019 at 2020, kahit malinaw na sa aking mga false memory lamang ang mga gumulo sa aking isip, na napapatanong pa rin ako kung nangyari nga ba ang mga iyon. At nang panahong iyon, dalawang kanta ang paulit-ulit kong pinakinggan—“Shake It Out” ng Florence the Machine at “One Less Day (Dying Young)” ni Rob Thomas, bokalista ng Matchbox 20. Pamilyar sa akin ang una, bagama’t noon ko lamang napahalagahan ang kanta, nang tumutugma na sa nararamdaman ko ang sinasabi nito, samantala, noong panahong iyon ko lamang narinig ang hulí.

Parang paalaala sa akin ang koro ng “Shake It Out” na itaboy ang mga bagay na gumugulo sa aking isip: “Shake it out, shake it out, ooh whoa / And it’s hard to dance with a devil on your back / So shake him off, oh whoa.”

At mistulang anghel namang bumaba sa lupa ang kantang “One Less Day (Dying Young)” sa layong mag-abot sa akin ng karunungan. Abril 2019 nang ilathala sa YouTube ang nasabing kanta na unang single sa album ni Thomas na Chip Tooth Smile na inilabas naman noong Pebrero 20, 2019. Sinasabi ng persona sa kanta na hindi niya tutuldukan ang búhay niya.

I’m not afraid of getting older

I’m one less day from dying young

I see the light go past my shoulder

I’m one less day from dying young

I’m one less day from dying young

Gandang-ganda ako sa music video ng nasabing kanta. Nakaitim si Thomas, masiglang sumasayaw sa gitna ng laksang kandila. Salamat sa kantang iyon, lalo kong sinabi sa sarili ko na hindi ko tutuldukan ang búhay ko.

 

NANG TUMAGAL ANG PANDEMYA, laksang bagay ang gumulo sa aking isip—tákot sa COVID-19 virus, gálit sa pabaya at mandarambong na rehimeng Duterte, pagkabahala sa niraratsadang anti-terror bill, at kawalan ng interaksyon sa mga tao dahil sa lockdown. Isang gabi, nadaanan ko sa newsfeed ng Facebook ang isang pamilyar na kanta. Agad kong nabatid na ang kantang iyon, “Dan Dan Kokoro Hikareteku,” ay closing theme song ng Dragon Ball GT. Subalit ibang bersyon ang napakinggan ko sa Facebook. Ini-on ko ang TV, at hinanap sa YouTube ang orihinal. Habang nakikinig ako, bigla akong nakabalik sa malayong kahapon na nasa hayskul pa lang ako at kay dali pa ng búhay. At bigla na lamang tumulo ang luha ko.

Nang magkapandemya, lalo akong nahilig sa pakikinig sa theme song ng mga anime. Ilan sa mga nasa playlist ko ay ang “Anata Dake Mitsumeteru” ng Slam Dunk, “Hyori Ittai” at “Reason,” kapwa theme song ng Hunter X Hunter, at opening theme song ng lahat ng season ng Attack on Titan. Nang lumuwag ang lockdown, halos kada araw ay naglalakad ako nang ilang kilometro, paraan ko ng pangangalaga sa aking kalusugang pisikal at mental. At sa paglalakad, tuwina, pinakikinggan ko ang theme song ng mga anime.

Kahit hindi ko nauunawaan ang lyrics ng mga kantang iyon, dahil kalimitan ay nasa Nihongo, minahal ko ang mga iyon, lalo iyong mga kantang nagsisilbing lagusan para makauwi ako sa malalayong kahapon.

Tapos na ang pandemyang COVID-19. Salamat sa mga musika na naging face mask ko laban sa emosyunal na mga bagahe.

 

NAKAHILIGAN KONG MAGBASA ng mga komento sa YouTube tuwing nakikinig ako roon ng mga kanta. Nagsimula ang hilig na ito nang magkaroon ako ng bagsak na kalusugan ng isip noong tag-araw ng 2019. Ang binabasa ko ay ang mga salaysay na nagtatampok ng mapanghilom na katangian ng mga awit.

Sa comment section, halimbawa, ng “Unwell,” sabi ng isang jaygarcia6079: “I’m 27 and I have depression, this songs [sic] always been something I could relate to as a kid. I’m glad I made it this far. It’s worth it. Things do get better.”

Lalo akong lumalakas tuwing nakakabasa ako ng testimonya ng mga gaya ko hinggil sa kung papaano sila iniligtas ng musika.

 

SA TED TALK na “Music Therapy and Mental Health” (2018) ni Lucia Clohessy, singer-songwriter at music therapist, ipinaliwanag niya kung papaanong ginagamit ang musika sa therapy. Pinunto rin niyang panahon pa man Bago si Kristo, ginagamit na ang musika sa pagpapabuti sa kalusugan. Halimbawa, tumugtog daw noon si David ng lira para papapayapain si Haring Saul sa paniniwalang sinapian ito ng masamang espiritu. Ngunit ayon kay Clohessy: “We may refer to this evil spirit today as depression or maybe anxiety.”

Isang kaibigan ko ang nagkuwento noong Enero 2021. Nakaratay raw sa ospital ang nanay niya. Inalam daw nila ang paborito nitong mga kanta, at pinatugtog ang mga iyon sa silid ng nanay niya sa ospital. Unti-unti raw lumakas ang nanay niya.

Patunay ang mga ito sa mapanghilom na katangian ng musika. Kailangan lang nating makilala ang kapangyarihan ng musika.

Wika ng pilosopong Alemang si Friedrich Nietzsche: “What doesn’t kill me makes me stronger.” Hindi ako nagawang paslangin ng mga pinagdaanan ko, kaya pinalakas ako ng mga ito. At hindi ako napaslang ng mga ito dahil naging baluti ko ang musika. Kaya may punto naman ang ang nakasulat sa kamiseta ko: Music will save us all.

Hanggang dito na lang muna. Makikinig pa ako ng theme song ng mga anime.


------

*Ang sanaysay ay entri sa Saranggola Blog Awards 2024











LAGUSAN ANG MGA AKLAT*


TULA(Y)

 

Dalawampung librong Filipino

ang dala niya sa bayang iyon

ng itim na ginto at malawak na disyerto.

 

Sa dagat ng estrangherong mga letra

sa laksang mga papel at karatula,

sa daluyong ng banyagang mga salita,

sa pananawa ng kanyang ilong at dila

sa mga pagkaing hindi makapagdala

sa kanyang kaluluwa ng ganap na ligaya,

tuwina, mga libro ang kanlungan niya.

 

Sa tahimik niyang silid

na kay bigat sa dibdib ng kawalang imik,

malakas niyang bibigkasin

ang tula sa dala niyang antolohiya,

at dagling magliliwanag

ang kanyang mga mata

pagkabigkas-pagkarinig

sa mga letra, tunog, salita, parirala

sa nilisan niyang bayan.

Liliparin ang hindi nakikitang

nakadagan sa kanyang mga balikat

pag nadaanan ng mga mata niya

ang mga imaheng pamilyar sa kanya:

mga tindang anting-anting sa tapat

ng Simbahan ng Quiapo,

paslit na ginawang gitara

ang pudpod na walis-tambo,

mga estudyanteng nagmamartsa

sa kahabaan ng Legarda,

matandang nangangatog sa pagkahiga

sa gusgusing bangketa.

 

Papaanong sa pagbabasa

sa iilang tula lámang,

nagagawa niyang baybayin

ang layong labingtatlong oras

pauwi sa nilisan niyang bayan?

 

**************************** 

 LAGUSAN

 

Nambalani muli ang aklat ng tula.

Ayokong magpatangay sa panghahatak

sapagkat kay raming gawain

na nanghihingi ng aking oras.

Ngunit pagtapak ko sa lagusang pamagat,

dagli akong hinigop

ng unang mga taludtod—

ng linyang kay sasarap sa tenga,

ng mga hulagway na kagaya

ng mga imahen sa pintura,

ng kay sinop na salansan ng mga salita,

ng nangungusap na mga diwa.

 

At naglakad ako sa kabilang daigdig

na pinagdalhan ng tula sa akin.

Noon ko lang marahil iyon napakinggan—

kumakanta ang kakahuyan,

at may hindi ko maunawaan

na ibinubulong ang bughaw na kalangitan.

Umaawit ang mga batubato,

at umiindak sa ilahas na mga bulaklak

ang bahagharing mga paruparo.

Sa sanga ng punong kamagong,

may musang na natutulog.

Sa damuhan sa likod ng kabalyero,

naghahabulan ang mga kuneho.

Ay, anong rikit na espasyo.

Sa pahina ko na lang ba mararating

ang ganito kapayapang mundo?

 

Ano’t pagtawid ko sa lagusan

palabas sa mundo ng tula

ay kay gaan ng aking katawan

at limang minuto lamang ang nagdaan?


 

****************************  

 MGA PAKPAK

 

Kahit ipiniit ng pandemya at lockdown

sa kay kipot niyang inuupahan,

paulit-ulit pa rin siyang nakakaalpas.

 

Sa gabíng nagbabasa ng nobela,

halimbawa, dahan-dahang

bubuka ang kanyang mga pakpak.

Bubuksan niya ang bintana,

at kay tahimik siyang papaimbulog.

At yayakapin siya ng lamig ng gabí.

Minsan, nagtungo siya

sa luma’t limot na simbahan,

at nasaksihan ang pagtatagpo

ng pinaglalayong magkasintahan.

Minsan, dinadala siya ng pakpak

sa bughaw na lagusan

at matatagpuan ang sarili

sa kay layong nakalipas

o inaasahang malayong búkas.

 

Mga pakpak, hindi lamang bakuna,

ang nagligtas sa kanya

sa mga kuko ng pandemya.


------

* Ang mga tula ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2024.