Huwebes, Pebrero 29, 2024

SA MALAPIT NA HINAHARAP SA BAYAN NG MGA KOTSE

TATLONG MOBILE APPLICATION ng motorcycle taxi ang sabay-sabay kong ginamit—Joyride, Move It, Angkas—isang tanghali ng Disyembre, dahil walang tumatanggap ng aking booking. Ayoko namang mamasahero dahil mahuhuli ako sa dadaluhan kong programa. Gayon man, inabot pa rin ako nang lampas 20 minuto bago ako nasakay. At marahil, kung hindi ako naglagay ng tip sa booking ay mas matagal pa bago ako nasakay.


Ang paglaganap ng mga motorcycle taxi ay iniluwal ng patuloy na paglala ng krisis sa transportasyon. Dahil mahaba ang pila sa mga pampublikong sasakyan at dahil mabigat ang trapiko, pinipili ng mga gaya ko na mag-motorcycle taxi na lamang kahit magastos. Hindi lamang sa pamasahe ang dagdag-gastos, kundi maging sa pambili ng internet connection. Kailangang may internet para makapag-book ng ride. Ang mahalaga ay makarating sa pupuntahan nang mas maaga, at makatipid sa enerhiya ang katawan para maitawid ang buong linggo.


Pero sino ang may kakayahang mag-motorcycle taxi? Ang mga petiburges at mga nasa mas mataas na estado ng lipunan lamang. Hindi kakayanin ng karaniwang manggagawa na sumasahod ng minimum wage—P610 kada walong oras—na mag-motorcycle taxi. Bukod dito, hindi rin katiyakan sa mas mabilis at mas mapayapang biyahe ang pagmo-motorcycle taxi. Tuwing rush hour, lalo kung umuulan, napakahirap makapag-book ng motorcycle taxi. Sa maiksing sabi, ang dapat ay ayusin ang sistema ng pampublikong transportasyon.


Nakakapagod, napakagastos, hindi ligtas, at walang kapayapaan. Ganito ang nahaharaya kong hinaharap ng paglalakbay sa Kamaynilaan kung hindi maiaayos at magpapatuloy pa sa pagsahol ang sistema ng pampublikong transportasyon sa Kamaynilaan. Nakakapagod sapagkat mas matagal ang mga biyahe mulang pagpila at pakikipagtulakan para masakay hanggang pagtayo at pakikipagsiksikan sa loob ng sasakyan. Napakagastos sapagkat magkakaroon ng panibagong mga negosyo na mag-alok ng mas mabilis at maski papaano ay mas mayapang biyahe na pipiliin pa rin ng mga pasahero dahil wala namang mas mainam na opsyon, bukod pa sa magastos ang pagbili ng mga pagkain bilang pantawid-gutom sa napakatagal na biyahe, at ang paglipat sa ruta na mas marami ang gagawing pagsakay dahil hindi masakay sa unang ruta. Hindi ligtas sapagkat magluluwal ito ng mga seksuwal na pang-aabuso at mga pandurukot. At hindi payapa sapagkat lalong nakakasama sa kalusugan ng isip (mental health).


Ang mahirap pa, wala naman halos nagagawa ang mga pasahero sa mga oras na nasa biyahe sila. Kay hirap matulog dahil nakatayo, maupo man ay hindi pa rin makakatulog dahil siksikan. Hindi makapagpabasa ng libro o makapanood ng pelikula. Kaya nga nauso lalo ang mga earphone, para malibang maski papaano sa biyahe. Hindi ba’t nakakalungkot na kay iksi na nga ng búhay, kay raming oras pa sa búhay na ito ang nawawala sa ating mga Pilipino dahil lamang sa bulok na sistema ng tranportasyon?


                                                                          ***

SA TAIPEI, TAIWAN ako sumalubong sa taóng 2024. Pitong araw kami roon, mulang Disyembre 28, 2023 hanggang Enero 3, 2024. Sa isang linggong iyon, hangang-hanga ako sa sistema ng transportasyon sa Taipei.


Dahil kabisera ng Taiwan, ang Taipei ang pinakamataong lugar sa buong Taiwan, na lalo pang naging matao dahil sa Kapaskuhan—dumaragsa sa kabisera hindi lang ang mga nasa probinsya kundi maging ang mga turista. Ngunit sa kabila nito, napakagaang magbiyahe sa Taipei. Napakaraming bus, at nakalagay sa mga bus stop kung ilang minuto bago dumating ang partikular na bus na may partikular na ruta. Napakaluwag din sa mga bus. Makakaupo ang pasahero, makakapagpahingang mabuti sa biyahe.


Maganda rin ang sistema ng transportasyon sa kanilang MRT. Nagtatagpo ang lahat ng biyahe at tren ng MRT sa Taipei Main Station. May partikular na oras ng pagdating ang kada tren. Hindi siksikan sa mga bagon. Napakalayo sa kalagayan ng mga Pilipino sa pagsakay sa LRT, MRT at PNR—kailangang maghintay nang matagal kung rush hour para masakay, nakatayo, at siksikan. 


Nakita ko sa pagbiyahe ko sa Taipei ang mataas na tiwala ng mga Taiwanese sa kanilang kapwa. Tuwing magtatanong kami hinggil sa partikular na direksyon, inilalabas nila ang kanilang cellphone, ipinapakita sa amin ang mapa para ituro sa amin ang ruta. Hindi mababakas sa kanila ang takot na baka hablutin ang kanilang cellphone. Sa huling pagsakay ko sa MRT nang papunta kaming Taoyuan Airport para bumalik sa Pilipinas, nakalabas pa rin ako ng istasyon kahit kulang ng NT$53—ganyan kalaki—ang laman ng MRT card ko. Samantalang Pilipinas, hindi na makakalabas ang pasahero kahit P1.00 lamang ang kulang. (Dahil ayokong magkaroon ng utang sa Taiwan at ayokong isipin ninuman na mapagsamantala ang mga Pilipino, binayaran ko kaagad ang kulang.) Simple lang naman ang lohika rito—Bakit manghahablot ng gamit at/o hindi magbabayad ng kulang sa MRT ang sinumang nagtatrabaho sa Taiwan gayong napakaganda ng pasahod sa kanila? 


Hindi gayong karami ang karami ang kotse sa Taiwan kaya maluwag ang mga kalsada. Bakit ka nga naman magkokotse lalo kung mag-isa ka lang naman—gagastos ka pa sa gasolina, at mapapagod sa pagmamaneho—kung napakaganda naman ng sistema ng pampublikong transportasyon?


Pabalik sa Pilipinas, naiisip ko ang ganda ng sistema ng transportasyon sa Taiwan at ang kalunus-lunos na sistema ng transporaston sa Pilipinas na kailangan ko na namang tiisin. Nalungkot ako para sa Pilipinas at para sa mga kapwa ko Pilipino. Kung may magsasabi sa aking “Mayamang bansa kasi ang Taiwan,” sasabihin ko sa kanyang hindi hamak na mas malaki ang Pilipinas kaysa sa Taiwan, at hindi hamak na mas mayaman ang Pilipinas sa likas na yaman kumpara sa Taiwan. Ang problema ay nasa sistema ng lipunan lalo na sa bulok na gobyerno ng Pilipinas. Sabi nga sa aktibismo, “Mayaman ang Pilipinas ngunit naghihirap ang sambayanang Pilipino.”


                                                                          ***

MAY SARILI NANG BAHAY ang dalawa kong kapatid, kapwa sa magkaibang subdivision sa Marilao, Bulacan. Ang matalik ko namang kaibigan ay bumili ng lupa at nagpatayo ng bahay sa subdivision San Mateo, Rizal, kahit sa Maynila siya nagtatrabaho. Sakali mang magkaroon ng sariling bahay, sa sub-urban din ako titira.


Pasikip nang pasikip ang Kamaynilaan dahil panay ang dagsa rito ng mga tagaprobinsya, bunga ng kawalan ng sapat na oportunidad sa trabaho sa kanilang lalawigan. Kailangang alisin ang provincial rate para bumalik ang mga tagaprobinsya sa kanilang lalawigan, at kailangang ipagbawal ang mga political dynasty para bumilis ang tunay na pag-unlad sa mga lalawigan.


Bagama’t sa Kamaynilaan nagtatrabaho, marami ang pinipiling sa mga sub-urban magkaroon ng sariling bahay. Mahirap makahanap ng ibinebentang lupa sa Kamaynilaan, at makahanap man ay napakamahal naman. Nakikita rin ng mga pumipiling manirahan sa mga sub-urban ang magiging pagbabago sa kanilang lilipatang bayan sa susunod na mga dekada. Magiging gaya ito ng Kamaynilaan, magtataglay ng tinatawag ng marami—bagama’t problematiko ang pagtingin natin dito—na “progreso.” At magbubukas ng napakaraming oportunidad ang “progresong” ito.


Kung walang kongkretong solusyong gagawin, lalong hindi na mapayapang tumira sa Kamaynilaan sa malapit na hinaharap. Titindi ang siksikan dito ng mga tao, at sasahol ang krisis sa transportasyon. Samantala, dahil lumilipat ang mga tao sa mga sub-urban, sisirain ang mga bundok, bukid at kakahuyan na ipinagmamalaki ng mga taal na tagaroon, para pagtayuan ng mga subdivision, at kalaunan ay ng mga mall. Hindi makakaligtas ang mga karatig-bayan ng Kamaynilaan sa komersyalisasyon na nagpapanggap na pag-unlad.



                                                                          ***

HALOS DALAWANG DEKADA na rin akong namamasahero sa Kamaynilaan, mula pa noong kolehiyo ako hanggang ngayong nagtatrabaho na ako. Sa kabila ng laksang itinayong mga tulay at ginawang mga kalsada sa halos dalawang dekadang ito, hindi naman bumuti ang pamamasahero sa Kamaynilaan, sa halip ay lalo pa ngang sumahol. Nakakasamâ ang sumasahol na krisis sa transportasyon sa pisikal na kalusugan at kalusugan ng mga isip ng mga pasahero. Sabi nga, ang pagbibiyahe sa Kamaynilaan ay overtime na walang bayad.


Sa pag-aaral na isinagawa noong 2023 ng TomTom Traffic Index, lumilitaw na ang Metro Manila ang numero 1 sa pinakamasahol sa 387 metro sa buong mundo pagdating sa trapiko. Para makapagmaneho nang 10 kilometro sa Kamaynilaan, ang kinakailangan ay 25 minuto at 50 segundo. Mas matagal ito nang 50 segundo kumpara sa napakasahol na ring kalagayan ng trapiko sa rekord nito noong 2019. Sa maiksing sabi, sumahol pa ang napakasahol na ngang sistema ng transportasyon sa Kamaynilaan.


Noong 2019, pumaimbulog ang inis ng pagod nang taumbayan sa bulok na sistema ng transportasyon sa Kamaynilaan. Nagtuturo ako noon sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, at nakikisabay sa pag-uwi sa isang kaibigan na nagtatrabaho sa Manila Bulletin. Kayang lakarin mulang PLM at Manila Bulletin hanggang LRT Central Station nang 15 minuto lamang. Ngunit binibiyahe namin ito nang lampas isang oras. Naranasan ko rin nang panahong iyon na hindi gumagalaw sa loob nang mahigit 10 minuto ang mga sasakyan sa NLEX. Para i-gaslight ang taumbayan at palitawing walang problema sa sistema ng transportasyon, namasahero nang rush hour noong Oktubre 2019 si Salvador Panelo, presidential spokesperson nang noon ay rehimeng Duterte. Matapos ang 3.5 oras ng biyahe at pagiging huli sa trabaho, sinabi niyang “They, like me, adapt to the prevailing environment and rise early to be on time in their places of work.” Pero papaano kang gigising nang napakaaga kung gabi ka nang dumarating sa bahay bunga ng bulok na sistema ng transportasyon? Hindi naman mabuti sa kalusugan ng isip at katawan kung sa araw-araw ay apat na oras lamang ang iyong tulog. Malinaw, pinapalabas pa ni Panelo na ang taumbayan ang nagkukulang kaya nahuhuli sa trabaho.


Hindi naman na bago ang pagiging insensitibo at retorika ng pagpapasa ng sisi sa taumbayan na ginawa ni Panelo. Ang nakakatakot lamang ay ang pagpapatuloy nito. Halimbawa ay ang pagdalo ni Pangulong Ferdinang Bongbong Marcos, Jr. sa concert ng Coldplay sa Philippine Arena nang Enero 2024. Matapos umani ng batikos mula sa galit na taumbayan, ang retorika ng Presidential Security Guard ay ang halaga ng seguridad ng pangulo. Kung may banta sa seguridad sa pagdalo sa konsiyerto, bakit dumalo pa? At mula ba sa buwis ng taumbayan ang perang ginamit para sa gasolina ng helicopter? Sa panahong napakatindi ng trapiko, nagawa pa ni Marcos na manood ng konsiyerto nang naka-helicopter sa halip na atupagin ang solusyon sa nasabing problema. Sabagay, ano ba ang maaasahan sa pangulong pinalaki sa dinambong na yaman at siya na ring nagsabi na hindi siya sasakay sa economy flight?


Walang makabuluhang pagbabagong mangyayari sa sistema ng transportasyon sa Pilipinas, hanggang ang mga nasa gobyerno ay mga opisyal na ang inaatupag lamang ay pansariling interes.


                                                                          ***

NAG-VIRAL NOONG 2023 ang isang video na nagtatampok sa sidewalk sa MRT Ortigas. Sa video, naglalakad nang patagilid ang mga tao para makalampas sa hagdan ng MRT station. Ang biro nang nagpaskil ng video, kaya raw siguro tinawag na “sidewalk” ay dahil kailangang maglakad nang “sideways.”


Tuwing papasok ako sa pamantasang pinagtuturuan ko, bumababa ako sa tapat ng Ayala Clover Leaf sa Bonifacio Avenue. Mula roon ay naglalakad ako patungong LRT Balintawak Station. Kay hirap maglakad doon—hindi lang naman doon kundi maging sa napakaraming lugar sa Kamaynilaan—dahil sa kawalan ng maayos na sidewalk. Kaya pagdating sa Edsa, sa tapat ng palengke ng Balintawak, gumagaya ako sa iba pa na naglalakad hindi na sa sidewalk kundi sa mismong kalsada sa Edsa. Kung sa mismong sidewalk kasi ako maglalakad, bukod sa kay sikip, may tendensiyang mabangga ako ng nagmamadaling mga kargador.


Para tapalan ng bandaid ang patuloy na sumasahol na problema sa trapiko, kay raming ginagawa at pinapalapad na mga kalsada, nagtatayo pa ng mga sky way. At walang dudang magpapatuloy ang ganitong mga proyekto. Ngunit may maayos bang sidewalk na inilalagay sa tuwing gumagawa ng mga kalsada? Nalimutan na ng mga nakaupo sa gobyerno—noon at ngayon—na ang lungsod ay para sa mga tao, hindi para sa mga kotse.



                                                                          ***

MATAGAL NANG PLANONG I-PHASEOUT ang mga tradisyunal na dyip, panahon pa ng rehimeng Noynoy Aquino. Nagpatuloy ito sa ilalim ng rehimeng Duterte, at higit na nakakabahala sa ilalim ng rehimeng Marcos, Jr. Gaya ng paulit-ulit nang sinasabi, hindi naman tutol sa jeepney modernization ang mga tsuper at operator ng mga dyip. Sadyang mabigat lamang sa bulsa ang P2.8 milyong modern jeep na magmumula sa Tsina at South Korea. Dapat ay naglaan ng sapat na pondo ang gobyerno para pagmulan ng subsidiya sa paggawa ng lokal na industriya ng mga dyip ng mga modern jeep, na hindi hamak na mas mababa ang halaga dahil umaabot lamang ng P980,000 at hindi hamak na mas matibay.


Kung mahinto sa pamamasada ang laksang tsuper, tataas ang presyo ng pamasahe, at mag-aagawan ang mga pasahero sa kay unting modern jeep. Nakakapagod isipin na sa pag-uwi mula sa trabaho ay kailangan pa nating makipag-unahan—maging sumakay habang tumatakbo ang dyip—para lamang sa pagsakay ay makipagsiksikan pa rin sa loob.


                                                                          ***

TAÓNG 2019 NANG BUMILI KAMI ng sariling sasakyan. Dahil maliit lamang ang downpayment namin, malaki ang buwanang bayad namin sa sasakyan—P19,100 sa loob ng limang taon. Laksang sasakyan kada araw ang inilalabas sa mga casa. Kumakapit ang mga gaya naming gitnang-uri sa car loan, pinuproblema sa pagbili ng sasakyan ang kawalan ng sariling garahe—kami ay nagbabayad pa nang buwanan para may maayos lamang na mapaggarahehan ang aming sasakyan—at nangangarap na maitawid ang buwanang pagbabayad para hindi mahatak ang sasakyan.


Isa lamang ang pamilya namin sa milyun-milyong pamilyang Pilipinong naghuhulog para sa sasakyang inutang sa bángko, sanhi kaya sumisikip ang mga kalsada. Hindi dapat mamuhi sa mga bumibili ng sasakyan, sapagkat biktima lamang kami ng bulok na sistema ng transportasyon. Kami, halimbawa, ay umuuwi sa Nueva Ecija nang nakatraysikel. Pinipili naming magtraysikel na lamang sapagkat napakahirap umuwi tuwing Undas, Kapaskuhan at Mahal na Araw. Dagsa ang mga tao sa mga terminal ng bus, at kay hirap masakay. (Hindi nga makapaniwala ang kaibigan ko nang sabihin kong mulang Valenzuela hanggang Peñaranda, Nueva Ecija ay nakatraysikel lamang kami.)


Dahil wala namang kongkretong aksyong ginagawa ang gobyerno, padami ang padami ang mga taong bumibili ng sasakyan sa mga casa, kaya pasikip nang pasikip sa mga kalsada. Kung magpapatuloy ito, sa malapit na hinaharap, dodoble ang tagal ng kada biyahe sa Kamaynilaan kahit hindi Kapaskuhan, kahit hindi rush hour, kahit ordinaryong araw lamang.


                                                                          ***

SANG-AYON KAY RENATO CONSTANTINO, sa kanyang artikulong “Miseducation of the Filipino,” pinapaniwala tayo ng mga Amerikano na hindi para sa Pilipinas ang pagiging industriyalisadong bansa, na hanggang bansang agrikultural lamang tayo. Bagama’t 1959 pa naisulat ang nasabing sanaysay, nangyayari pa rin ang sinabi ni Constantino.


Hanggang ngayon, naniniwala ang mga Pilipino na walang kakayahang maging industriyalisadong bansa ang Pilipinas. Mapapansin ito sa mababang pagtingin natin sa mga produktong lokal. Ang testing kit na gawa ng mga siyentista ng UP noong pandemyang COVID-19, halimbawa, ay hindi sinuportahan ng gobyerno kahit mas dekalidad ito kaysa sa mga testing kit na mulang ibang bansa. Ganito rin ang nangyayari sa sistema ng transportasyon. Ang mga tren ng LRT 1, halimbawa, ay mulang Japan. (Gaya ng nabanggit na, ang mga modern jeep na ipalit sa tradisyunal na mga dyip ay mulang Tsina at South Korea.)


Kailangan nating baguhin ang ating perspektiba. Hindi maaari na habambuhay na lamang tayong nag-aangkat ng mga produktong pantransportasyon. Kailangang maglaan ng Pilipinas ng badyet para sa pormal na edukasyon at pagsasanay ng ating mga inhinyero. Para mangyari ito, kailangan nating alisin ang buktot na mga paniniwala natin na itinanim sa atin ng mga Amerikano.


                                                                          ***

AYOKONG GANITONG KAMAYNILAAN—o mas masahol pa ritong Kamaynilaan, na unti-unti na ngang namamalas—ang datnan ng magiging mga anak, pamangkin at apo ko. Nakakapagod na ang mismong trabaho at pag-aaral, kaya ang biyahe ay hindi na dapat maging malaking trabaho pa.


Nangangarap ako ng Kamaynilaan na payapa ang biyahe. Madaling makasakay, at hindi siksikan sa loob ng mga sasakyan. Makakapagpahinga sa biyahe—makakatulog, makakapagbasa ng libro, at makakapanood ng pelikula nang hindi nababahalang madukutan. Mabilis ang daloy ng mga sasakyan sa kalsada. Para mangyari ang mga ito, marapat na hindi maging bayan ng mga kotse ang Pilipinas, at upang mangyari naman iyon, kailangang palagi tayong umimik laban sa mga anti-mamamayang sistema gaya ng pagtaas ng presyo ng gasolina at pag-phaseout sa tradisyunal na mga dyip. At kailangan nating magtungo sa lansangan, hindi para makipag-agawan para makasakay sa dyip o bus, kundi para igiit sa mga nasa itaas ang ating mga panawagan.


----------

Ang akdang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2023.


                                                                                    https://culturalcenter.gov.ph/

                                                         https://www.dmcihomes.com/

                                                https://www.facebook.com/SaranggolaPH

Sa Malayong Hinaharap at Iba Pang Tula

 

SA MALAYONG HINAHARAP

Kay tagal itong pinangarap ng sangkatauhan,
at nandirito na tayo ngayon:
kuwentuhan sa kay linaw na hologram;
mga robot ang serbidor
sa mga restoran sa lungsod
maging ang gumagawa ng ulat-
pampinansiyal ng mga kumpanya.
Perya ng abanteng-teknolohiya
ang laberintong mall.
May mga klinika para
permanenteng palitan ang kulay ng mata.
May mabisang pormula
para sa mga napapanot,
kailangan lang bumili agad ulit.
Isang buwan lang ang palugit,
at ang buhok ay muling ninipis.
(Abante na ang mga instrumento,
ngunit narito pa rin ang klasiko
na agham ng pagnenegosyo.)

Kay tagal itong pinangarap ng lahat:
suson-susong kalsada, pagbaha ng liwanag.
Ngunit kay rami ng gaya kong
ang hinahanap ay ang inibig
ng mga lolo’t lola sa tuhod.

Nasaan na ang rikit ng dapithapon?
Nasaan na ang huni ng mga ibon?




IMBENSYON

May gabigas na card sa sentido ang lahat.
Kapalit ng unang mga bakuna,
ikakabit sa sanggol ng doktor ng pulisya.
“Para mairekord sa sistema ang bawat isa,
at nang madaling matukoy
ang mga mapagsamantala.”

May baril na ang bala ay kay gaang bola.
Sa sandaling tamaan ang pinuntirya,
ang bola ay bubuka, sa taas ng boltahe,
ang tinamaan ay bubulagta sa kalsada.
“Para ligtas tayo sa mga terorista.”
Ngunit tuwing may kilos-protesta,
may nagdedeliryong aktibista,
nanginginig, at nanlalaki ang mga mata.

Kay raming naimbento ng mga eksperto.
Kay raming pinondohan ng gobyerno.
Ngunit walang kahit anong inimbento
para may makain ang mga tao.


HOLOGRAM

Madali ritong makapasok, ngunit halos imposibleng makalabas. Itataas lang ang isang kamay, mag-i-scroll sa sentido, at lalabas na sa hologram ang birtuwal na espasyo—laberintong tindahang nagbebenta ng anumang hanapin mo. Nakaprograma ang lahat sa pulso at sentido. Sa sandaling tumigil ang daloy ng dugo, ang sistema ay agad maglalaho. Kaya hindi mananakaw, at ang datos ng may ari ay ligtas. Magbababala ang mga siyentista hinggil sa pag-iksi ng búhay dulot ng mga elemento at mákináng ipapasok sa katawan, ngunit hindi sila pakikinggan. Sa mga pagkikita tuwing Kapaskuhan, sa muling pagtatagpo ng magkakaibigan, sa mga salu-salo tuwing may kamag-anak na ikakasal, magkakaharap ngunit magkakalayo ang lahat—naliligaw sa laberintong birtuwal. Laksa pa rin ang mag-aaway sa birtuwal na daigdig. Hindi hihingi ng paumanhin ang nagkamali, hindi magpapaliwanag ang nakakabatid, hindi magkukusang maging tulay ang nakakaunawa sa magkabilang panig. Isang bata ang magtatanong ngunit hindi siya pakikinggan: "Hindi ba’t ang abanteng teknolohiya ay para mas magkaunawaan?"

----------

Ang akdang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2023.




       https://culturalcenter.gov.ph/

                                                         https://www.dmcihomes.com/

                                                https://www.facebook.com/SaranggolaPH