Lunes, Enero 22, 2018

Kalakal


Maraming mangangalakal
sa aming bayan.
May nagtitinda
ng mga pagkain
at samu’t saring kasangkapan.
May nagbebenta
ng naipundar na yaman.
May nagtitinda
ng aliw at katawan.
May nangangalakal
ng ulo ng kanyang
mga kasamahan.


1/16/18

Ukay-Ukay


Nasa ukay-ukay ang aking puso.
Nasa hindi binibisitang sulok,
pinapatanda ng mga alikabok.
May nauna nang
gumamit sa aking puso,
kaya roon siya nagtago.
Nais mo ba siyang makuha?
Magaan lang sa bulsa
ang kanyang halaga.
Sapat na sa kanya
ang tiyaga mong maghalukay
magpagpag,
ang hangad na sulsihan
ang kanyang mga sugat.
Buong sarili niyang iaalay
ang hindi
segunda manong pagmamahal.


1/16/18

Sa Aking Bibig


May mga nakasulat sa aking bibig,
sa aking mga labi, dila, mga ngipin.
Laksang mensahe’t pagnanais
na doon na tumigil at naglambi-lambitin
dahil hindi maga-gawang sambitin.
Marami nang mahahapding salitang
nanugat sa aking mga tenga,
marami nang malalamig
o nang-uusig na mga titig
ang pumaso sa mga mata.
Hindi na nila kaya.
Ngayon, kung talagang nais
mabasa ang mga nakatitik,
halikan ako nang ilang saglit
sa kanlong nitong dilim.
Sapagkat pandama lamang at kaluluwa
ang makakabasa sa kanila.

Ngunit maging itong pagpipilian
ay hindi ko yata kayang ihapag.
Hihintayin ko na lamang siguro
na mabulok sila bibig ko,
at sana ay pagpagin, kalaunan
ng mga kamay ng matandang relo.


1/21/18