Linggo, Disyembre 3, 2017

Deadlines


Kung natabunan na
ng laksang papel,
sa kanlong ng nabubuong yungib
sa ilalim ng dilim,
sarili ay suriin.
Maririnig na
ugong na ng makina
ang tunog ng buntong-hininga,
madaramang daliri na ng relo
ang sariling hintuturo—
patulis at may nguso.
At kung masisilip
ang sarili sa salamin,
dagling mababatid,
ang mga matang
dati-rati’y maningning,
ngayon ay walang
kabitu-bituin.

Keychain


May salaysay itong munting sining
na sa bag ay lalambi-lambitin.
Maaaring sagisag ng sarili,
paraan ng pagsigaw sa mga bagay
na hindi pa rin masabi.
Maaaring payak lamang na hilig,
paris ng tanawing laging iniibig.
Maaaring abot ng kaibigan—
ng dating kaibigan—
na lumamig na ang pagmamahal,
at ang pagpapasalubong paminsan-minsan,
pabalat-bunga na lamang.