Sabado, Mayo 28, 2016

Sinulid


Sinulid ka na lang kung sumagi
sa aking isip,
madaling hawiin,
mabilis mapatid.
Nadapa ako kaninang madilim-dilim.
Nakapulupot na pala
ang mga alaala mo sa akin.


Paligsahan ng mga Gusali


Marahil, iisa lamang ang kanilang pangarap
ang mahigitan ang mga ulap
o masaling ang kalawakan.
Ipagkakait ng kanilang paligsahan
ang hiwaga ng dapithapo’t bukang-liwayway,
ililihim ang pinagmumulan
ng makapangyarihang ulan,
papaslangin ang rikit
ng bahaghari’t mga bituin
at itataboy ang patnubay
ng nagmamalasakit na buwan.
Walang magtatagumpay
sa walang hanggan nilang paligsahan.
Ngunit malinaw, sa malapit nang bukas
sa atin ang mga matang mapanglaw
na mag-aapuhap ng kalangitan.


Bagahe


Iba ang mga bagahe ng ating dibdib.
Hindi naisasalansan,
hindi madaling unawain.
Sa mahaba at payapang paglalakbay
tungo sa kinalakhang lalawigan,
hindi natin sila inilalagay
sa compartment ng bus,
ipinagkakatiwala sa konduktor
o sa maalikabok na lagayan
sa ulunan ng mga upuan.
Hindi natin sila iwinawalay sa atin,
hindi lang dahil hindi maaari,
kundi dahil nais natin silang kilalanin,
unawain, kaibiganin.
Saka natin isa-isang kukunin sa ating dibdib,
dadamhin ang kanilang bigat,
kikilatisin ang mga laman
saka tatanungin ang sarili.
Kailan at saan kita nakuha?
Papaano ko kayo naipon?
Kailangan ko pa ba ang iyong bigat?
At kung maging malinaw ang lahat,
Itatapon natin sa labas ang bagahe
o isisiksik
sa mga tagong sulok sa ating dibdib.


Abril


Kaninang madaling-araw,
alinsangan ang muling
gumising, nagpabangon sa akin.
Naglalagablab ang kama
at nagbabaga ang kurtina.
Napangiti ako sa mabilis
na panunulay ng pawis.
Higit itong kaibig-ibig
kaysa dating kawalan ng himbing
sa kirot
ng malamig na pag-ibig.