Magaang-magaan
ang pakiramdam ko pag umaalis ako sa bahay nang nakapantalong maong, rubber
shoes at polo shirt. O kung ano pang damit na hindi pormal. Nagsasawa na kasi
ako sa longsleeves, pantalong slacks at sapatos na balat. Gusto ko ring
napagkakamalan akong estudyante at nasasamantala ko ang kabataan ko,
nakapoporma ako nang pormang nakababata, sa itsura at sa kalooban. Kaya nga
nalulungkot ako kapag sa eskuwelahang pinagtratrabahuhan ko ay bawal mag-smart casual
kahit kung Biyernes at Sabado man lamang. Pero bukod sa mga ito, gusto kong
naka-rubber shoes at pantalong maong dahil mas komportable sa pakiramdam.
Nakatatakbo ako. Nakakatalon pababa o paakyat kahit tumatakbo pa ang bus. At
higit sa lahat, nagagawa ko ang isang bagay na itinuturing kong
mahalagang-mahalaga—ang paglalakad.
Nitong
magbeynte-kuwatro anyos ako ay bigla ko na lang naging pangarap ang pagkakaroon
ng maraming sapatos. Hindi mga sapatos na balat kundi mga rubber shoes. Lalong
hindi kasindami ng mga sapatos ni Imelda Marcos. Masaya na ako sa anim na
pares. Mahilig kasi akong maglakad, at gusto ko na marami akong sapatos para
matugunan ang gayon kong aktibidad. Naisipan ko ang pag-iipon ng sapatos nang
sumapit ako sa edad na beynte-kuwatro, at ganap kong naisip na ang paglalakad
ay hindi lang pagtitipid sa pera, kundi higit, pagkilala sa sarili.
Dati,
hindi ako nagdadala ng payong. Pero dahil nga sa hilig kong maglakad, naging gawain
ko na rin ang magdala ng payong. Bukod pa sa katotohanang ayokong maluto sa
araw, kailangan koi to dahil mahilig akong maglakad kahit umuulan. Kay sarap
maglakad kung umuulan nang medyo malakas, at walang inaalalang gamit na
mababasa sa bag. Kay sarap pagmasdan ng pagbabanyuhay ng paligid: esterong
kanina lang ay uhaw na uhaw, ngayon ay umaapaw; mga punong parang baliw na
kumukumpas; mga sasakyang giniginaw. Kay sarap pagmasdan ng mga ito habang
naglalakad at gumigising sa kalooban ang mga emosyon mula sa mga gunita.
Sa
FEU Institute of Technology ako nagtuturo, nasa tapat ito ng PRC. Galing
Malinta Exit, maaari akong mag-bus na pa-Sta. Cruz, o LRT, at bumaba sa Doroteo
Jose. Maglakad hanggang Recto-Avenida, at sumakay sa dyip na pa-Morayta. Pero
hindi gayon ang ginagawa ko. Nagbu-bus nga ako na pa-Sta. Cruz, pero sa Central
Street pa lang, malapit sa Bambang, bumababa na ako. Mula roon, maglalakad na ako
hanggang sa eskuwelahan.
Hindi
hamak na mas masarap ang nagiging paglalakad ko kung Biyernes at Sabado, dahil
nga naka-rubber shoes ako. Magaan ang mga hakbang ko, nakakatakbo ako kung
hinahabol ang pulang ilaw-trapiko, at natatalunan ang mga basa sa kalsada.
Una
kong natutuhan ang daang iyon nang isang umagang mali-late na ako sa klase.
Ayokong nali-late dahil bukod sa mababawasan ang sasahurin ko at maaaring hindi
ako ma-rehire kung lagi akong late, ay nakakahiya ito sa mga estudyante. Isang
estudyanteng naka-t-shirt na may pangalan ng aming kolehiyo ang bumaba. Sa
isip-isip ko, may daan doon kaya siya bumaba. At sinundan ko ang bata. Habang
sinusundan ko ang estudyante, kinakabahan ako na papaano kung hindi pala siya
roon pupunta. Kaya laking tuwa ko nang makita ko ang 7-Eleven, ang KFC at ang
footbridge ng España. Nasa Morayta na ako. At hindi ako na-late. Salamat din at
lalaki ang estudyante, mas malaki ang tiyansa na mabilis maglakad.
Hindi
hamak ding mas magaan sa pakiramdam ko ang paglalakad kung umaga. Hindi mainit.
Nakikita ko ang iba’t ibang mukha ng siyudad. O baka isang mukha lang iyon,
marami nga lang anggulo. Iba-ibang anggulo ang nakikita ko. Nakikita ko ang mga
taong papasok sa trabaho; ang mga estudyanteng papasok na sa eskuwelahan; ang
mga driver ng dyip na magsisimula pa lamang bumiyahe; ang mga barker na
masigasig sa pagtatawag ng pasahero, parang nagtatawag din ng bawat pisong
iuupa sa kanila; ang pamilya ng pulubi na nagsasaing sa maliit at gusgusing
kaldero; ang masiglang liwanag ng araw na nakalatag sa kalsada. Naiisip ko sa
mga ito ang lungkot, hirap at kariktan ng buhay at ng buhay-lungsod. Nakikita
ko rin ang aking sarili sa mga larawang nakikita ko. At nakakukuha ako ng mga
materyal sa mga isinusulat at susulatin kong akda. Itinatala ko ang mga
materyal na iyon sa kuwaderno sa aking isip. Hinuhugot ko lang doon, o kaya’y
kusang lumilitaw sa harap ko ang linya, sa mga panahong kailangan ko sa
kinakatha kong piyesa.
May
isang umaga nga na hindi ako sa Central nababa. Lumiko na ang bus bago pa
dumating sa Central, kaya bumaba na ako. Napahaba ang lalakarin ko. At laking
tuwa ko nang madaanan ko ang Eloisa St. Doon sa kalyeng iyon ang tagpuan ng
‘926 Eloisa,’ maikling kuwento sa aklat na Virgintarian
at Iba Pang Akda ni Mayette Bayuga, isa sa mga paborito kong koleksiyon ng
mga maikling kuwento. Nang makita ko ang pangngalang ‘Eloisa’ na nakatitik sa
poste sa bungad ng klaye, pakiramdam ko ay hindi kathang-isip ang mga tauhan sa
kuwento at na pumasok ako sa mismong kuwento.
At
isa pa nga iyon sa mga hilig ko sa paglalakad. Ang tumingin sa pangalan ng mga
gusali, ng mga tindahan, ng mga kalye, ng mga nakasulat na mensahe sa pader.
Mahalaga ito sa akin dahil guro ako sa wika. Mula sa mga ito, nakakakuha ako ng
mga halimbawa na magagamit ko sa klase, at nasisilip ko ang kalagayan ng wika
sa ating bansa. Idagdag pang nagdudulot din ito sa akin ng ligaya. Hindi lang
dahil sa nakakakuha ako ng kaalaman, kundi dahil may mga signage na sadyang
nakakatawa.
Ayoko
ring nali-late, dahil liban sa mga nabanggit na, hindi ko nai-enjoy ang
pagtanga sa tabing-bintana ng bus at paglalakad. Sa pagpalatak at maya’t mayang
pagtingin sa relo nauuwi ang lahat. Sa pagmamadali. Nasasayang ang magandang
pagkakataong magmuni.
Sa
paglalakad, marami akong iniisip. Iniisip ko ang mga plano ko sa aking buhay at
ang mga kinakaharap na pagdidesisyon. Kukuha muna ba ako ng Certificate For
Teaching Program sa darating na taong-aralan nang makakuha ng LET (Licensure
Examination For Teachers), nang pagdating ng K-12 ay may trabaho ako? O uunahin
kong tapusin ang aking masters dahil magti-thesis naman na ako? Sakaling
magkalisensiya, itutuloy ko ba ang plano kong mag-apply sa publikasyon ng
teksbuk dahil mas gusto ko naman iyon? O susubukan ko munang magturo sa hayskul
nang isang taon nang maranasan ko man lamang? Bilang guro at bilang nagsusulat,
napakahalaga sa akin ng gayong karanasan. O kaya, binubuo ko at ginagawang mas
matatag ang isinusulat kong mga akda. Masaya na ba ako sa pamagat nito o gusto
ko pang palitan? Ano ang ipapangalan ko sa aking pangunahing tauhan? Ano ang
gagamitin kong panauhan—unang panauhan ba, ikalawa, ikatlo o omniscient point
of view? Ie-edit ko pa ba ang wakas? May mga bahagi ba akong gustong alisin at
idagdag?
Kung
gabi naman at galing sa klase sa masters, sa UP Diliman, naglalakad kami ng mga
kaklase ko na naging kaibigan na rin, mula sa gusali ng College of Arts and
Letters hanggang sa Commonwealth, sa tapat ng Iglesia New Era, kung saan kami
maghihiwa-hiwalay at kung saan ako sasakay ng pa-SM North. Sa daan, kay rami
naming napagkukuwentuhan: mga aklat na nabasa namin; mga plano sa thesis; ang
hirap ng pag-aaral habang nagtatrabaho; ang kahirapan ng mabuhay sa lungsod;
ang hirap ng buhay.
Kung
minsan, kung maisipan lang, nilalakad ko ang hanggang Philcoa. Kung hapon iyon,
kadalasan. Minamasdan ang hindi karamihang sasakyan na pumapasok at lumalabas
sa UP, ang mga bulaklak sa university avenue, ang
mamula-mulang liwanag ng dapithapon. Kay sarap ng ganitong mga paglalakad kung
kasama ang taong espesyal sa iyo at may masarap na kuwentuhan. O kung may bigat
na pinagdaraanan sa loob. Naalaala kong naglakad din ako dati para lang bumili
ng sign pen sa National Book Store, nang minsang kay bigat ng loob ko dahil sa
pag-ibig.
Kung
hindi naman ako masakay sa isang lugar, naglalakad ako papunta sa mas malapit
na sakayan o sinasalubong ko ang mga sasakyan. Kung pauwi naman ako at
maghahatinggabi na, at wala nang pasahero sa traysikelan kaya kailangan ko nang
mag-special, apat na ang babayaran, ay naglalakad na lamang ako. Nandoon ang
pagtitipid. Isa lang ako pero P40 ang babayaran ko? Pero bukod pa roon, at
higit doon, gusto kong makipag-usap sa aking sarili. Gusto kong tanungin ang
sarili ko kung masaya ba ako sa buhay ko; kung ano na ang mga plano ko; kung
natupad ko ba ang mga pinlano ko noong mga nakaraang taon; kung ginagawa ko ba
sa kasalukuyan kong edad ang ginagawa ng mga tao na dati kong kinaiinisan.
Hanggang sa hindi ko namamalayan, malapit na ako sa bahay namin.
Labing-limang
minuto rin ang paglalakad kong iyon, at paahon pa dahil nasa tuktok kami ng
Valenzuela. Galing pa ako sa trabaho at may sukbit pang backpack. Pero hindi ko
nararamdaman ang pagod pagdating ko sa bahay. Sa halip, pakiramdam ko, ang
gaan-gaan ng loob ko. Ang paglalakad pang iyon ang naging pahinga ko. Parang
pagbabasa ng aklat. Kapag pagod na ako sa pagko-compute ng grades ng mga
estudyante ko, kukuha ako ng aklat at magbabasa ng mga tula o maikling kuwento.
Pagkatapos magbasa, mararamdaman ko na lang na wala na ang pagod ko.
Sa
gabi nga ng paglalakad ko, ibang mga tanawin naman ang nakikita ko: ang
inaantok na tindero ng fishball malapit sa traysikelan; ang matandang tindera
ng balut na nakatingin sa malayo; ang pulubing natutulog sa tulay sa Paso de
Blas; ang lungkot at hiwaga ng dilim ng gabi. At tulad ng iba ko pang
paglalakad, bubusugin nito ang aking puso at ang kuwaderno sa aking utak ng mga
materyal sa aking susulatin at isinusulat na mga akda.
Sa
paglalakad, nakatipid na ako sa pamasahe ay nakatipid pa ako sa mga alalahanin.
Inaalis nito ang aking mga intindihin. Bukod din sa nae-exercise ang aking
katawan ay lumulusog ang aking kaluluwa, sabi nga ni Charles Bukowski, sa tula
niyang And the Moon and the Stars and the
World.
Madalas
ko tuloy maipagpasalamat na lalaki ako. Dahil kung naging babae ako, baka hindi
ako makapaglakad nang gabi, o makapaglakad nang kasinglayo ng mga nalakad ko.
Nalakad ko na mulang Quezon City Circle hanggang Edsa; mulang Pureza hanggang
Avenida-Rizal; mulang ABS-CBN hanggang Trinoma; mulang Morayta hanggang Taft
Avenue. At labis na kaaya-aya sa akin ang mga matandang gumigising nang maaga
at naglalakad nang kahit hindi kalayuan at pabalik-balik lamang. Iniisip kaya
nila ang kanilang mga kahapon?
Sa
paglalakad, hindi lang ang mga lugar na dinaraanan ko ang nakikilala ko. Hindi
lang ang mga lugar na napupuntahan ko ang nararating ko. Nakikilala ko rin ang
aking pagkatao, at nararating ko ang iba’t ibang sulok nito.