Ito
ang unang pistang hindi ako makakauwi sa Nueva Ecija. Dahil walang pera.
Summer, wala akong teaching assignment (Filipino instructor ako sa isang
pribadong unibersidad). P600 din ang pamasahe balikan. Biglang tumindi ang
kagustuhan kong makalipat na sa public high school, nang kahit bakasyon, may
sahod. Ang kaso, hindi ako LET passer. Hindi ako makapag-exam dahil hindi naman
education ang tinapos ko, kundi bachelor of arts. Kailangan ko pang kumuha ng
CTP (Certificate for Teaching Program). 21 units din iyon. Maximum ang 9 units
kada semester, kaya lampas isang taon din bago matapos.
Ang
bigat ng pakiramdam ko na hindi ako makakauwi. Pakiramdam ko, biglang ang tanda
ko na, kahit kabebeynte-kuwatro ko pa lang. Nakapulupot na sa akin ang
katotohanang kailangan ng tao ng pera. Umuuwi ang lahat ng kamag-anak namin pag
pista, kaya parang family reunion na rin.
Tumawag
si Kelvin, kababata ko at pinsang makalawa. Ninong daw ako ng pangalawa niya.
Isasabay sa pista ang binyag, nang makatipid.
“Di
ako makakauwi, e,” sabi ko. “May mga inaayos sa trabaho.”
“Paproksihan
mo na lang.”
“Sige,
sige. Titingnan ko.”
“O,
sige.”
“O,
pa’no? May gagawin na ‘ko, e.”
“A,
gano’n ba? Sige, ingat.”
Nainis
ako. Lalong hindi ako makakauwi. Makautang man ng pamasahe, papaano naman ang
pakimkim? P500 ang nakasanayang bigay ng mga nag-aanak sa binyag. Wala nang
nagbibigay ng P300.
Naisip
kong uuwi naman kami sa Hulyo 21, kasal ng tita ko. Mayo 10 ang pista, medyo
malaki rin ang pagitan. Hindi na siguro nakakahiya kung P200 lang ang iaabot ko
sa inaanak ko. Tapos, sa Pasko, P100. P11,000 lang naman ang sahod ko kada
buwan. Humihinto lang saglit sa kamay. Parang nangtatakam. Bago ipambayad sa
kuryente, tubig at bahay.
Umaga
nang Mayo 11, alas-otso ako nagising. Maaga kumpara sa nakasanayan kong
alas-diyes na bangon. Nagising ako dahil sa boses ni Monina, pinsan ko, sa amin
nakatira. Umuwi siya noong bisperas ng pista.
“Kuya,
Kuya, good morning!” ang luwang nang ngiti niya. Alam ko ang gayong pakiramdam.
Ganoon ang nararamdaman ko pag kagagaling ko lang sa Nueva Ecija, sa lupang
kinalakhan ko. Para akong nakainom ng isang baso ng nagyeyelong tubig matapos
ang mahabang lakad sa katanghalian.
“Musta?”
nag-inat ako.
“Me
pasalubong ako sa’yo.”
“Ano?”
“Dyaran!”
itinaas niya ang kung anong bagay na nababalutan ng pulang pambalot ng yema,
ipinatong sa mesa, saka binuksan. Ang laman, isang piraso ng matigas na hita ng
manok, isang plastic cup ng maputlang macaroni salad. At isang mumurahing mansanas.
Gumana
na naman ang calculator sa utak ko. Dahil dito, pag-uwi namin sa Hulyo, hindi
puwedeng P200 lang ang ibigay ko sa bata. Parang gusto kong magalit kay Monina
na kinuha pa niya ang pa-give away.
Dinampot
ko ang mansanas. Para itong tennis ball sa kamay ko. Bumalik ako sa kama.
Ramdam na ramdam ko pa rin ang pagkakapulupot sa akin ng katotohanang
kailangang-kailangan ng tao ang pera para mabuhay. Bagay na hindi ko nararamdaman
noong bata pa ako.
Kinagat
ko nang malaki ang mansanas. Makunat. Lasang-lasa ko ang asim ng reyalidad.