Linggo, Hunyo 15, 2014

Haligi


Ilang araw pa lang nang makalipat kami ng bahay, tinanong ko si Mama kung parehas bang nag-aaral ang dalawang anak ni Kuya Jobert, kapitbahay namin, kumpare ni Papa at tumulong sa amin sa pagbababa ng mga gamit namin mula sa trak at pagpapasok ng mga ito sa bahay.

“Hindi, ‘yung panganay lang,” sabi ni Mama. “’Yung lalaki.”

“Bakit? E ‘yung sumunod?”

“Wala. D’yan lang sa bahay. Hindi kayang pagsabayin, e.”

Bata pa lang kaming magkakapatid, kilala na namin si Kuya Jobert. Nagpupunta silang mga tricycle driver sa bahay kung birthday ni Papa. Inuman. Pero nang malipat kami, saka lang kami napalapit sa kanya. Dalawang beses kada linggo, nagdadala siya ng ulam sa bahay. Minsan na siyang nagdala ng tinola, adobong sitaw at diningding. Napapaupo siya saglit at nakikipagkuwentuhan kay Papa habang tangan ang mangkok na may kapalit nang ulam galing sa amin.

Maitim si Kuya Jobert, matangkad, payat at medyo mahaba ang leeg. Walang trabaho ang asawa niya, si Ate Rose, sa bahay lang, kasama ang anak na babae, si Daisy. Gusto raw magtrabaho ni Daisy sa Jollibee pero ayaw payagan ni Kuya Jobert dahil baka hindi nito kayanin. Delikado rin daw ang mag-uuwi kung gabi. Maraming sira-ulo. Sabi ni Papa, alagang-alaga raw ni Kuya Jobert ang anak. Wala raw itong kagawa-gawa sa bahay liban sa pagwawalis at paghuhugas ng mga pinggan. Katunayan, sa mga inuman sa bahay, madalas ipagmalaki ni Kuya Jobert ang anak.

Maganda nga si Daisy, maamo ang mukha. Hindi kaputian ngunit makinis. Ang kagandahan ng anak ay yamang maipagmamalaki ng mga magulang sa iba at sa sarili.


Hindi naman sa pangmamata, pero kumpara sa amin, mas hirap sa buhay sina Kuya Jobert. Sa amin, tatlo kaming nagtatrabaho — ako, si Ate at si Papa. At may regular na trabaho sa pabrika si Papa, nagtatraysikel lang kung Linggo, at kung umaga, bago pumasok, at kung hapon, pagkagaling sa trabaho.

Marahil, kalahating taon na kami sa bahay nang mapansin kong parang nag-iba si Kuya Jobert. Kasunod iyon ng panahong madalas kong mapagririnig sa TV ang mga balita tungkol sa pagtataas ng presyo ng gasolina, pamasahe, bigas at mga pangunahing bilihin. Nag-P300 nga ang kada kilo ng bawang. Hindi na siya nagdadala sa amin ng ulam. Bihira ko na rin siyang makita. Sabi ni Papa, alas-kuwatro pa lang daw ng umaga, bumibiyahe na. At alas-onse na ng gabi kung umuwi.

Isang umagang nasa labas ako ng bahay, hapon pa ang turo ko sa kolehiyo, natiyempuhan ko ang Bumbay na inuutangan nila. Naka-motor.

“Ate! Ate!” panay ang busina nito. Pero walang sumasagot. Nakasara ang pinto. Parang walang tao.

Mga dalawang minuto rin itong tumawag, saka umalis nang nakasimangot. Maya-maya, nakita kong sumilip sa bintana si Ate Rose.

Kinabukasan, ganoon ulit. Bumukas lang ang pinto nang wala na ang Bumbay.

Nang sumunod na umaga, nakita ko si Daisy, nakapantalong maong at asul na blouse. Naka-body bag. Kahit nakatalikod at nasa malayo na, pansin na pansin ang magandang hubog ng katawan nito.

“Naaawa ‘ko ke Pare. Puro b’yahe na lang,” sabi ni Papa nang naghahapunan kami.

“Nagagalit na nga raw ‘yung me ari ng bahay. Dal’wang b’wan na pala silang di nakakabayad,” sabi ni Mama.

“Parang tulala nga kaninang nakasabay ko sa pila,” sabi ni Papa. Parang may malungkot na bagay na biglang naalaala. “Pinayagan na pala n’yang mag-apply sa Jollibee si Daisy.”


Paglilitis


Nasa loob sila ng bilog na silid
masisigla ang liwanag
ng malalaking kandilang nakasabit sa dingding.
Tahimik na tahimik.
Paisa-isang tinig ang naririnig.
Nakaupo sa gitna ang salarin
na inaakusahang nagnakaw sa kaban ng bayan.
Panatag ang loob niyang nakasandal
ang likod sa upuan.
Nangingiti paminsan-minsan.
Plantsado’t malinis na malinis
ang amerikana niya’t pantalong itim.
Makinis ang maputi niyang balat
malayung-malayo sa mga magnanakaw
ng gamot at tinapay.

Sa kanyang palibot, sa isang malaking bilog
ang mga tagalitis
na nasa mga kagalang-galang na postura.
Mga taong
mas mahusay magnanakaw
kaysa sa kanya.