Lunes, Hunyo 24, 2013

Labaha


Hindi pinantay ni Crispin ang likod ng ginugupitan niya. Tabingi. Pati ang patilya, mas mahaba ang sa kanan. Pero hindi niya ginawang masyadong halata. ‘Yong mapapansin lang kung titingnang mabuti.

Gayon ang ginagawa niya sa kinabubuwisitan niyang mga customer. Nang hindi na magsibalik.

Pero sa lahat ng kinabuwisitan niya, pinakakumukulo ang dugo niya sa isang ito.

Darating ito nang unang Lunes ng umaga ng buwan, dadamputin ang diyaryo, magbabasa nang nakataas ang isang paa. At magmumura nang magmumura.

“’Tangina! Pati ba naman gender ni Piolo, ibabalita!” Tapos, ipaliliwanag sa kung ano-anong teorya ang mga dahilan ng kahirapan.

Alas-nuwebe nang ikandado niya ang shop.

Nakita niya sa likod ng poste ng kuryente ang lalaki. Kumislap ang labahang tangan ng kanang kamay.

At Sapagkat Inibig Ko ang Lahat-Lahat sa Iyo


Nang mahalin kita
kasama kong inibig
ang lahat
ang lahat-lahat sa iyo
ang tunog
ng iyong buntong-hininga at ubo
ang bigat ng mga paa
ang sining sa paggalaw ng mga mata
ang kulay at kinis ng kutis
ang marikit na himig ng mga hilik.

Kaya ngayon, sa iyong ganap
na paglisan
libong ulit akong masasaktan
mamamatay
‘pagkat kailan man
di na masisilayan
di na mapakikinggan
ang mga bagay
na pinakaminahal.

Lunes, Hunyo 17, 2013

Maraming Himalang Nalilikha ang Kamera


Maraming himalang nalilikha
ang kamera
                     ang pagbabalik sa nakaraan
                                      ang saglit na pagtigil ng orasan
                     ang pag-uwi sa atin ng mga apoy
                                      ang di pagkupas ng ngiti
                     ang pananatili ng kislap
                                                        sa mga mata
                                               ng mga mahal
                                                         na matatagpuan na lamang
sa alaala.

Maraming himalang nalilikha
ang kamera
at lahat
                                                       nakatutuwa
                                                                                                                          kahanga-hanga.

Ngunit huwag masyadong ikabahala
ang paninilaw ng mga larawan
‘pagkat dito pa rin
                     sa ating dibdib
matatagpuan
                                                                                                                ang dalisay na nakaraan.

Sabado, Hunyo 1, 2013

Paglalarawan


maaari ka niyang ilarawan
sa di mabilang na paraan
ganito
ganyan

at maaari kang magalak
malibugan
malungkot
masaktan

ngunit ano’t ano man
tandaan
hindi basta ikaw ang ipinakikilala
ng mga salita niya
kundi higit
ang kanyang kaluluwa