Miyerkules, Mayo 29, 2013

Naglalakad Tayo Kung Inihahatid sa Huling Hantungan ang Taong Ating Mahal na Mahal


Inihahatid natin sa huling hantungan
nang naglalakad
ang taong ating mahal na mahal
isa itong sining
isa itong ritwal.

Sa paglisan mo
naglakad ako
nakabuntot sa karo
nakayuko
dinarama ang malulungkot na awit
sinasalubong ang alikabok
tinitiis ang init
hindi ito basta isang ritwal
hindi basta isang sining.

Gusto kong sanayin ang sarili
sa malalim na pangungulila
at matinding sakit
sa pamamagitan
ng ganito kamunting pagtitiis.

Martes, Mayo 28, 2013

Punla*


May mga ‘ako’
na tumatanim sa puso
ng mga taong ating mahal,
at parang butong naitae ng maya
sa tabing-kalsada,
tutubo nang walang nakaaalam
‘pagkat hindi nagpaalam.

Sa pagtigil ng tibok
ng kanilang puso,
magbabalik sa atin
ang mga ‘akong’ iyon,
hindi kasamang ngangatngatin ng lupa,
tatanim sa pinakamalusog na lupa
sa ating kaluluwa,
mamumulaklak ng mga alaala.


* Para kay Tatay, nasulat ko noong Mayo 21, 2013, nang dadalhin na namin siya sa punerarya.

Huwebes, Mayo 2, 2013

Kabit


“Kabit lang pala s’ya,” sabi ni Gigi kay Anet. ‘Yong immediate supervisor nila ang tinutukoy niya.

“Baka naman pangalawang asawa,” ka-holding hands ni Anet ang boyfriend, nakadungaw sa bintana ng tren ang lalaki—mas matanda ito ng 5 taon kay Anet. “Hindi kabit.”

“Kabit. Kasi kung pangalawang asawa, di sana, ‘yun ang sinabi. Kaso ‘kabit’ ang sabi.”

Sumimangot si Anet. “Sana pangalawang asawa na lang. Nang di man lang imoral.”

“Bakit, di ba imoral ang pangalawang asawa?”

“Hindi. Papel lang nama’ng problema n’on.”

Hindi na lang kumibo si Gigi.

Nang minsang makasabay niya sa tren ang isang kaopisina, nalaman niyang may asawa na ang boyfriend ni Anet. Di lang maiayos ang annulment.

Miyerkules, Mayo 1, 2013

Malawak na Kabukiran sa Pagitan


May malawak na kabukiran
sa pagitan niya
at ng mga magsasaka.
Mula sa salaming bintana
tanaw niya ang mga dampa
ang nangakayukong kalabaw
ang namamahingang traktora
ang nagmamasid na mga mangga.
At alam niya
kung gusto niya silang maunawaan
mas makilala
kailangan niyang tawirin
ang madawag na distansiya.

Gatlang


palasong tumudla
sa kasunod na salita
kaya sa iyong diwa
malalim ang baon
ng talinghaga