“O,
Pag-asa! Pag-asa!” sabi ng dispatser, pagkakita sa kay Nanet.
Nag-una-unahan sa loob ang mga pasahero. Siya, kahit
kababae niyang tao, bumakrayd siya. At lumakad na ang traysikel.
Wala pang limang minuto, pumara na siya. “Kuya, tabi lang.”
“Kuya” lagi ang tawag niya sa mga tsuper, dahil naniniwala
siyang mas nakababata ito, kaysa sa “Manong.”
Huminto ang traysikel, ngunit di naputol ang ugong nito—
nakihalo lang sa di kalakasang huni ng mga kuliglig, sa boses ni Marian Rivera
sa soap operang “Marimar” sa telebisyon at sa tawanan ng mga tambay
sa kalapit na tindahan.
Dumukot siya ng sampung pisong barya sa bulsa ng pantalon
niyang dalawang araw na niyang suot. Nakahanda na ang sampung piso niya—
pagbaba pa lang niya ng bus, inilalagay na niya iyon sa bulsa niya. At dapat
laging sakto, para hindi na mahirapang magsukli si Kuya.
Iniabot niya ang sampung piso. Dumukot si Kuya sa belt bag
ng panukli.
“Hindi na,” hinawakan pa niya sa balikat si Kuya, ngumiti
ito, at pinalakad na ang traysikel.
Nuwebe lang ang pamasahe, pero lagi, hindi na niya kinukuha
ang sukling piso— tip na niya iyon kay Kuya. Alam niya kasi kung gaano kahirap
mamasada pag gabi, dahil madalas iyong sabihin sa kanila ng tatay nila. Kaya
nga laging ibinibilin nito sa kanilang mag-aral nang mabuti, para paglaki nila,
di sila maging tricycle driver.
Makalipas ang isang buwan…
“O, Pag-asa! Pag-asa!” sabi ng dispatser, pagkakita sa
kanya.
Nag-una-unahan sa loob ang mga pasahero. Bumakrayd siya, at
lumakad na ang traysikel.
Wala pang limang minuto, pumara na siya. “Tabi lang.”
At pagkababa niya, nag-abot siya ng sampung piso— din a niya
kinuha ang sukli.
Noong nakaraang linggo, nasalpok ng trak ang traysikel
nila— nasa ospital pa ang tatay niya hanggang ngayon, masama ang lagay— at
nasira rin ang traysikel nila. Pero nakakaya pa rin nila sa pagtulong-tulong ng
asosasyon ng SAPTODA.
Pagkababa niya, lumakad na ang traysikel. At habang
naririnig niya ang papahinang ugong nito, naalaala niya ang pisong tip. At
napansin niyang parang lumalakas ang kantahan at tunog ng gitara ng mga tambay
sa katabing tindahan.