Ambon, hamog, usok
kulog
na parang may treng lumalakad
sa ibabaw ng mga ulap
malalaking patak ng ulan
marahas na hangin
malungkot na diwa ng hapon— hindi
hindi ko sasabihing
wala ito
sa kanilang bokabularyo
manapa, sasabihin ko
hindi ito problema sa kanila
hindi nila pinoproblema.
Hindi ito problema sa kanila
dahil sa maliit na butil lang ng ulan
na darampi sa kalsada
na magiging tuldok, mga tuldok
o sa tatlong ulit nang bigat
ng luha na ulan
na tatama sa kanilang pawisang balikat
kabod nang mamumukadkad
makukulay na payong
lalatag
marungis na mga lona
habang nagmamadaling humanap ng masilungan
mga paa, mga mata
ng mga estranghero.
Pag may kidlat namang gumuhit
sa nagdadalamhating langit
at ang mga estranghero’y
mapangingiwi, mapapipikit
mapapa-“’Susmaryosep”
gumuguhit na rin
pagpapaasya sa kanilang isip
at lakas
sa kanilang mga bisig.
Kung may marahas na hanging
biglang magpapaangat
ng palda ng mga estranghera
magpapabaligtad sa payong ng mga estranghero
wala pa rin silang mararamdamang takot, kaba
kung anong meron
malamang, mapuwing lang
kanilang mga mata.
Sa piling ng mga rambutan, nail cutter
pinya, fish ball, mangga
pangarap, karanasan
hindi nila poproblemahin ang panahon.
Oo, babastusin lang nila’ng panahon
hindi nila igagalang
dahil kailangan
dahil kung hindi
hindi na nila maririnig, kailanman
mga patak ng ulan
o masisilayan
guhit ng kidlat sa kalangitan
hindi na
dahil matagal na silang
hindi iginagalang ng lipunan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento