Linggo, Oktubre 30, 2011

Sayang ang Ulan at Gabi


Sa mga batang hindi mahihiyang tumakbo
nang hubad at hubo
sayang ang malakas na ulan
kundi sila makaliligo
ni makapagpapaanod sa baha
ng bangkang yari sa diyaryo.

Sa mga batang Recto
sayang ang ulan
kundi sila makagagawa ng tulay na tawiran
ng mga ayaw lumusong sa baha
at di kikita
ng marami-rami ring barya.

Sayang ang gabi
para sa isang puta
kundi siya makaaakit ng kaluluwa’t
makapaglalagay ng laman sa sikmura
at hindi makapaghuhulog sa bulsa
ang mangyayari’y lugi pa siya
sa losyon at pabango.

Sayang ang gabi
sa magbabalot
kung walang lumapit sa kanya
ni isa, para humigop ng sabaw
at kumain ng kiti.

Sa akin
sayang ang ulan
idamay na ang hangin at katahimikan
sayang ang gabi
idamay na ang dilim at buwan at mga bituin
at orkestra ng mga kuliglig
pag wala akong nabuo
ni isang saknong ng tula
at naiambag na diwa
sa paggising sa bansa.

Biyernes, Oktubre 28, 2011

Nasyonalismo


Kung humawak lang naman ng baril
o mag-alis ng pin ng granada

aba, marunong ako

pero iyong asintado

iyong mamumuno ng isang hukbo

iyong lulusob sa Malacañang

iyong susugod sa Batasan

maling tao yata'ng nakausap mo.



Kung magsisigaw lang

ng "Sinong terorista!!

Ang gobyerno, ang Yu Es

sila ang terorista!

habang naglalakad sa lansangan lang ang hanap mo

palagay ko, magkakasundo tayo

pero kung sasabihin mong

tatayo ako sa gitna ng mga magsasaka't aktibista

at tatalakayin ko'ng walang kamatayang isyu

ng Hacienda Luisita

mamumuno sa protesta't

magbibigay buhay sa mga pag-asang nananamlay

halika sa labas, ililibre na lang kita.

Ano ba'ng gusto mo, softdrinks o kape?



Kung kasama sa adhikain

lang ang hanap mo

suporta, gabay, payo

sige, ibilang mo ako

pero kung kailangan pang

sumama sa inyo't

umakyat sa bundok

para roon ko ipangalandakan

itong pinagsasasabi kong gabay

at personal na iabot itong aking puso

naku, babawiin ko na lang siguro'ng sinabi ko.



Sige na nga, tapatin na kita.

Duwag pa ako ngayon

kaya hindi kita masasamahan.

Isa pa, wala rin akong alam sa mga ganyan.

Pero 'wag kang mag-alala

rito sa lungsod

ako na'ng bahala.

Dahil naala'la ko

may isa pala 'kong alam.

Marunong akong sumulat ng tula.


Martes, Oktubre 11, 2011

Hindi Nila Iginagalang ang Panahon


Ambon, hamog, usok
kulog
na parang may treng lumalakad
sa ibabaw ng mga ulap
malalaking patak ng ulan
marahas na hangin
malungkot na diwa ng hapon— hindi
hindi ko sasabihing
wala ito
sa kanilang bokabularyo
manapa, sasabihin ko
hindi ito problema sa kanila
hindi nila pinoproblema.

Hindi ito problema sa kanila
dahil sa maliit na butil lang ng ulan
na darampi sa kalsada
na magiging tuldok, mga tuldok
o sa tatlong ulit nang bigat
ng luha na ulan
na tatama sa kanilang pawisang balikat
kabod nang mamumukadkad
makukulay na payong
lalatag
marungis na mga lona
habang nagmamadaling humanap ng masilungan
mga paa, mga mata
ng mga estranghero.

Pag may kidlat namang gumuhit
sa nagdadalamhating langit
at ang mga estranghero’y
mapangingiwi, mapapipikit
mapapa-“’Susmaryosep”
gumuguhit na rin
pagpapaasya sa kanilang isip
at lakas
sa kanilang mga bisig.

Kung may marahas na hanging
biglang magpapaangat
ng palda ng mga estranghera
magpapabaligtad sa payong ng mga estranghero
wala pa rin silang mararamdamang takot, kaba
kung anong meron
malamang, mapuwing lang
kanilang mga mata.

Sa piling ng mga rambutan, nail cutter
pinya, fish ball, mangga
pangarap, karanasan
hindi nila poproblemahin ang panahon.

Oo, babastusin lang nila’ng panahon
hindi nila igagalang
dahil kailangan
dahil kung hindi
hindi na nila maririnig, kailanman
mga patak ng ulan
o masisilayan
guhit ng kidlat sa kalangitan
hindi na
dahil matagal na silang
hindi iginagalang ng lipunan.


Linggo, Oktubre 9, 2011

Ang Dyip: Mula Tambutso Hanggang Manibela


Kagabi, medyo magulo pa sa isip ko kung anong ruta ang gagamitin ko pagpunta ko ng Divisoria. Pero ngayon, malinaw na. Hindi ako magbubus na pa-Sta. Cruz, tapos bababa ng Avenida-Rizal, saka sasakay sa dyip na pa-Divisoria— ang tagal kasi ng biyahe, tapos ilang sakay pa. Ayoko ring mag-dyip na pa-Monumento, tapos baba ng North Mall at lipat ng LRT, tapos baba ng Doroteo-Jose, tapos sakay ng dyip na pa-Divisoria uli. Ayos na sa akin ang dyip na pa-Monumento, tapos bababa ako sa Caltex, tapos lipat ng dyip na biyaheng Divisoria. Kasi pag dito, dalawang sakay lang.

“O Dalawa pa, dalawa pa, dalawa pa,” sabi ng barker— payat siya, maitim, nakakupasing sando. “G’wapo o, dalawa pa. Dalawa pa.” 

Magaling talagang mambola ang mga barker. Tawagin ba naman akong guwapo. Guwapo ya, hindi pogi, hindi cute. Ang guwapo ay mas mataas na pang-uri, kaysa sa pogi at cute. Pasensiya na lang siya, hindi ako ganoon kadaling mauto. Retorika ang tawag doon, masining na paraan ng paggamit ng wika. O kung sa pagpapakahulugan ni Socrates natin ibabatay, ang sining ng pangungumbinsi. O puwede ring dagdagan, at gawing ganito, “ang sining ng pangungumbinsi't panghihikayat.” Magkaiba kasi ang pangungumbinsi't panghihikayat.  Tinawag niya akong “guwapo,” para mahikayat na sumakay. At kinumbinsi niya akong maluwag pa, para mahikayat niya akong sumakay. Kung titingnang maige, ang galing ng pagkakagamit niya sa salita— “O Dalawa pa! Dalawa pa! Dalawa pa!” Hindi niya sinabing, “O dalawa pa, isang kaliwa, isang kanan.” Kasi pag ganoon, ang sasakay lang e iyong nagmamadali, at iyong hindi, siyempre, hindi sasakay. Dahil ang isa sa kaliwa, isa sa kanan, ay masikip. At dahil ikaw ang huling uupo, sa iyo ang pinakamaliit na puwesto ng puwet— puwet lang ang binabanggit, pero ang totoo, hindi naman puwet ang nauupo, kundi tumbong lang. Di gaya ng “O Dalawa pa! Dalawa pa! Dalawa pa!” na ang unang maiisip ng sasakay, ang dalawa na iyon ay nasa iisang bahagi ng upuan— parehong kaliwa o parehong kanan. Maluwag pa kung ganoon.

 Ngayon, ang tanong, alam kaya ng mga barker na retorika ang tawag sa ginagawa nila? Alam kaya nilang isa iyong sining? May nagturo kaya sa kanila niyon? Mukhang wala. Kung maging estudyante kaya sila sa Filipino 3— Retorika (mga state university lang ang meron ng ganitong asignatura), maka-uno kaya sila? 

Sa susunod na dyip ako sumakay. Sa gitna ako naupo. Hindi masikip, pero hindi rin naman maluwag. Tama lang. 

Isa na namang barker ang nagtawag ng pasahero. 

“O El Ar Ti, Nort Mol, o! El Ar Ti Nort Mol! El Ar Ti Nort Mol!” 

Mabilis na napuno ang dyip.

“Usod-usod lang po tayo nang konti. Usod lang po,” maitim ang barker, matangkad, payat, nakamaluwag at kupas na jersey. “Tresehan po ‘yan, tresehan po ‘yan. Usod lang po.”

Tresehan? Grabe sa haba. Pero sa mga dyip na biyaheng Monumento-Sta. Maria, hindi na gaanong kagulat-gulat ang ganito.

Magkano kaya’ng kinikita nila? E hanggang Monumento, katorse na. At karamihan, doon bumababa. At dahil sa NLEX ang daan, Camachile na ang pinakamalapit na bababaan ng pasahero, at onse-pesos na ang pamasahe roon. Sampung piso kung estudyante. At pag Sta. Maria ka galing, at Malinta Exit ka bababa, hanggang Monumento na ang babayaran mo— P 36. Ibabayad mo nang buo ang upuang sa kalahating biyahe mo lang naman naupuan— hindi pa iyon mabuting upo dahil sa sobrang sikip. At ang maganda pa, makapagsasakay uli si Manong.

Umusad na ang dyip. Mabagal lang. Humabol ang barker. Nag-abot ng barya ang tsuper sa barker. Pumila ang dyip sa tolgeyt, at maya-maya lang, nasa Expressway na kami.

Mabigat agad ang daloy ng mga sasakyan sa NLEX. Naisip ko tuloy, dapat ba talagang tawaging Expressway ang NLEX? E kaykupad naman ng biyahe mo pag dito ka dumaan, lalo na kung Undas o kung magpa-Pasko.

“Ma bayad po,” may nag-abot ng pamasahe. 

“Bayad po,” meron na naman. 

“Bayad ho,” meron uli. 

“Bayad o.” 

Mamaya na nga ako magbabayad. Baka pag nagbayad ako agad, mali-mali pa maisukli sa akin ni Manong. Andaming nagbayad e. Naalaala ko tuloy iyong mga pangaral sa akin ng isa kong kakilala tungkol sa pagsakay sa dyip. Pagsakay mo raw ng dyip, huwag ka agad magbabayad. Para pag nasiraan, madali kang makalilipat ng dyip. Kasi, wala ka nang kukuhaning sukli. Magbayad ka lang pag malapit ka nang bumaba. Pag isang-daan naman ang pera mo, sa tabi o sa likod ka ng tsuper maupo. Pero mas maganda kung sa tabi niya. Ngayon, kung ang balak mo naman daw ay mag-123, sa likod ng tsuper ka maupo. Lagi kang mag-aabot ng mga bayad at sukli. At pag iaabot mo na ang bayad, huwag mong sasabihing “Bayad daw po, o.” Sa halip, ang sabihin mo, “Manong bayad o.”  Bukod pa rito, hindi rin magandang magbayad pag maraming nagbabayad. Dahil may ibang pasaherong mahinang mag-abot ng bayad. Halimbawa, nagbayad ka, tapos may isa ring nagbayad, ang gagawin nila, pagsasamahin ang bayad niyo— wala kasing umaabot kaya pipilitin niyang abutin parehas— kaya ang mangyayari, malilito si Manong. Kaya kung may sukli ka pa, malamang, wala ka nang sukli. O kung meron man, kulang.

Lalong bumagal ang takbo namin. Nag-aayos kasi si Manong ng pera sa kamay niya. Bakit hindi niya kaya gayahin iyong ibang tsuper ng dyip, nagsasama ng asawa o kaibigan o anak, at siyang umaabot ng bayad at nagsusukli? Malaking tulong iyon a. Kasi, makakabira ka nang mabilis dahil sa kalsada lang nakatingin ang mga mata mo at sa manibela lang nakahawak ang mga kamay mo. Makakailang hakot ka ng pasahero. Isa pa, minsan, iyong kasama na rin nila ang barker. Kaya tipid pati sa tagatawag ng pasahero. Iyon nga lang, bawas sa pasahero naman iyon. Kung waluhan ang upuan mo, dise-seis ang maisasakay mo. Idagdag natin iyong dalawa sa unahan, labing-walo. E dahil may kasama ka, labing-pito na lang. Idagdag pa na may ibang pasahero na may ugaling sa unahan lagi nauupo, na pag hindi nagmamadali e talagang naghihintay ng dyip na may bakante sa unahan. Ngayon, kung nagtatawag ng pasahero ang asawa o pinsan mo, hindi sila sasakay, dahil baka nga naman pag sasakay na sila, palipatin mo lang sila sa likuran.

Pero kung titingnan mo rin, gaano ba kadalas mapuno ang mga dyip? Tuwing mga umaga lang naman di ba? Mga bandang alas-siyete hanggang alas-nuwebe ng umaga. At pag gabi, mga bandang alas-seis hanggang alas-otso. Kaya pag tanghali, puwede na silang magsama kasi di naman na napupuno ang dyip. Para may kakuwentuhan na rin si Manong. Nakababagot rin kasi ang biyahe. Kung pasahero nga, na bababa agad, naiiinip e, si Manong pa kaya? Oo, nagmamaneho siya, nalilibang. Pero araw-araw naman niya iyang ginagawa, at iyon nang iyon ang ruta. Baka nga kabisado na niya kung nasaan ang malalim na lubak sa kalsada. 

Ngayon, kung ayaw naman niyang magsama ng tagaabot ng bayad at sukli, dahil bawas pa ito sa pasahero, bawas sa kita, maari niyang gawin ang sistema dati ng mga dyip na biyaheng Cubao-Divisoria— may umiikot na kahon sa dyip. Doon na ilalagay ng pasahero ang bayad niya. At kung may sukli, sila na rin ang kukuha. Magandang sistema, dahil tipid sa trabaho, at malayo sa disgrasya, dahil nasa kalsada na lang ang pansin ni Manong. Ang problema, malapit din sa dugas. 

Sa anggulong ito, malaki rin ang maitutulong ng pasahero, kung sakto lagi ang ibabayad nila. Natulungan na nila si Manong para hindi mahirapan, nailayo pa nila ito sa kasalanan.

Mas magaan marahil ang trabaho ng mga tsuper na biyaheng MCU-Muñoz. Kasi pare-parehas lang ang pamasaheng sinisingil nila— puro minimum fare. Mas madali dahil mapabente, mapasampung piso, mapasingkuwenta, otso ang kukuhanin nila. Liban na lang kung sinabi ng nagbayad na estudyante siya o senior citizen.

Malapit na kami sa Camachile. Kailangan nang magbayad. Mahirap na, baka makalimutan. Mapahiya pa ako sa halagang dose-pesos. Naalalaa ko tuloy, dati, galing ako noon sa Stop and Shop. Pa-Divisoria ako. Sa bandang likod ako naupo. E dahil medyo pagod ako, nakatulog ako agad. Bakit kaya ganoon? Sa bangko, pag nakaupo ka, di ka makatulog kahit pa pagod ka na. Liban na lang kung nakadukdok ka. Pero sa dyip, o sa bus, nakakatulog tayo? May dala yatang kapangyarihan ang mabangong usok, ang amoy ng pawis at kili-kili at ang oyayi ng mga busina't tambutso. 

Ang kaso, nang magising ako, ang una kong nakita, ang Odeon Mall. Avenida na! Baba ako agad. Lipat ng bus na pa-Malinta Exit, doon na lang ang second episode ng panaginip ko. Pagkaupo ko sa bus, naramdaman kong may hawak ako sa kanang kamay ko. Pagtingin ko, beynte-pesos na papel. Lukot. Hindi ako nakapagbayad! Kasalanan? Hindi. Hindi naman sinasadya e. Siguro, sa ganitong usapin, p’wedeng uriin ang mga pasahero. May mga pasahero kasing hindi nakapagbabayad dahil nakakatulog o dahil nakikipagkuwentuhan. Meron namang nakapagbabayad nang dalawang beses. Pagkasakay niya kasi, nagbabayad siya agad. At pagbababa na siya, naiisip niya, nagbayad na nga ba siya? At dahil hindi na niya maalaala, magbabayad na lang siya uli. Sila siguro ‘yong nagbabayad para sa mga hindi nakapagbayad. At pangatlo e ‘yong mga pasaherong sumasabit dahil sa pagmamadali, at pag hindi sila naupo dahil wala namang bumabababa, o kung maupo man e halos pababa na, hindi na lang sila nagbabayad. 

Dumukot ako ng pambayad sa bulsa ng pantalon ko. Ang hirap, grabe. Sa totoo lang, hindi naman dapat ganito ang mga dyip. Dapat tama lang ang sikip— iyong pag sinabing waluhan, iyong uupong walo e maayos ang magiging puwesto— hindi iyong ang isa o dalawa e tumbong na lang nakaupo. Dapat iyong makadudukot ka pa nang mabuti ng pera sa bulsa ng pantalon mo. Kasi pag ganitong sobrang sikip, baka isipin ng katabi mong babae, tsinatsansingan mo siya. At pag lalaki naman, baka mapagkamalian ka. At pag matanda, baka ang isipin, mandurukot ka. Idagdag pa na kaya nga tayo nagdyip, kaya di tayo naglakad, kasi, ayaw nating mapagod. E kung ganito, mapapagod ka rin. Nakaupo ka nga, e pag biglang liko ng dyip, halos mahulog ka sa upuan. Ang hirap ding magbalanse ya. Nakapapagod. At ang isa pang nakaiinis, hindi ka nasiyahan sa biyahe. Ang sarap pa namang magsenti sa tabi ng bintana, habang binabangga ng maruming usok ang mukha mo. Kaso lang kasi, pag nagkaganoon, iyong waluhan, pito na lang maisasakay, walo na lang ang sa siyaman, siyam ang sa sampuan. At itong tresehan, sampu o labing-isa na lang. Baka magkaroon na naman ng tigil-pasada. E ang problema nga lang sa langis, hindi pa maayos-ayos, dadagdag pa ito. 

“Bayad po o,” beynte ang ibinayad ko. “Makikiabot.” 

Walang umaabot. Si Ateng nakauniporme ng unibersidad sa U-belt, sige lang sa pagtitext.

“Makikiabot lang po.” 

"Bayad daw o," inabot ng isang ale sa unahan. 

Ano ba naman iyan! Kailangan pang makisuyo ng isang pasahero para lang abutin ng iba ang bayad niya. At ang nakalulungkot pa, nakisuyo na nga, may mga pasahero pa ring walang pakialam.

Pati sa pag-abot ng bayad, may iba-ibang uri rin pala ng pasahero. May ayaw umabot ng pamasahe, may ginagawa man siya o wala— ayaw maistorbo, o puwede ring nadudumihan sa pera. Dapat nagtaksi siya. Mali, dapat helicopter. Meron din namang panay ang abot ng pera. Paglilingkod yata iyon para sa kanila. Ito siguro iyong mga pasahero na kung di man magbayad, di makukonsensiya. Bayad na nga naman kasi sila sa paglilingkod e.

Pagdating ng Caltex, baba na ako.

Nag-abang ako ng dyip na pa-Divisoria. 'Ayun, may isa. 

Sumakay agad ako. Kamamadali, nagkatisod-tisod pa ako sa paa ng ibang mga pasahero. Isa ito sa ikinaiiinis ko sa dyip (alam ko, hindi lang ako ang naiinis), ang pagsakay mo na sa bandang unahan ka mauupo at andaming nakaharang na paa sa daan. Ang tama kasing pagsakay sa dyip, sa tabi ng pintuan lagi. Para pagsakay mo, upo ka na agad. Makabibira na nang takbo ang dyip. At pag may bumaba, usod kayo lahat papuntang unahan. Para 'yong susunod na sasakay naman ang upo agad. Patas nga naman. Lahat, naupo sa bandang pinto. Lahat, naupo sa bandang unahan. At dahil lahat naupo sa bandang unahan, lahat, naranasang mag-abot ng sukli at bayad. Responsibilidad natin iyon bilang pasahero. Kaya nga pahilera ang ayos ng mga pasahero sa dyip e, di gaya ng sa bus na hiwa-hiwalay. Kasi sa dyip, may ugnayan ang mga pasahero— ang pag-aabot ng sukli at bayad. Ngayon, kundi ka naman nakapag-abot ng bayad dahil bumaba ka agad, ‘wag mong masyadong  ikatuwa— hindi ito ang huling beses na sasakay ka ng dyip. Ang problema nga lang, hindi ganito ang nangyayari. Kasi pag may bumaba, hindi usod paunahan ang nangyayari, usod pagawing pinto. At apat lang ang nakikita kong dahilan bakit doon nila gustong umuupo— hindi na kasama rito ang dahil sa mas ligtas sa holdap ang dito nakapuwesto dahil makatatalon agad. Una, dahil, mas malamig. Ikalawa, mas maganda ang tanawin, di nakaiinip. Ikatlo, mas madaling bumaba. At ikaapat, ano pa nga, para iwas sa obligasyon ng pag-aabot sa bayad at sukli.

Kaya kung matapakan ko man ang mga paa nila, wala silang karapatang umangal. Nakaharang e. E pagkasakay ko, pinatakbo na ni Manong ang dyip, tapos, nakayuko pa ako, masikip ang daan at nagahahanap pa ako ng puwesto. Ngayon kung uusod sila lahat sa bandang unahan, at sa pinto ako mauupo, puwede na nilang iharang ang mga paa nila. Wala nang makatatapak e.

“Ma, para po,” sabi ng katabi ko. 

Mabilis pa rin ang takbo namin. 

“Ma, para.” 

Harurot pa rin si Manong. 

“Para raw,” andami nang kumatok sa kisame ng dyip. 

Huminto ang dyip, at bumulong-bulong si Ate habang bumababa. 

Mahirap sisihin ang mga tsuper sa ganitong sitwasyon. Dahil nasa daan ang atensyon nila, nasa sinusundang dyip, at nasa mga nag-aabang na kalaban— may nakadilaw at may nakaasul. Pero siguro, kung may “pull d' string to stop” ang dyip na 'to, hindi sisimangot si Ate. “Patok” ang tawag sa ganoong mga dyip. Ang problema, mga may-kaya lang ang may ganoong dyip, saka sa mga nagba-boundary sa dyip ng mga may-kaya, o sabihin ng sa mga "malalakas ang loob sa malaking boundary." 

Sa mga dyip na biyaheng Quezon City madalas ang ganitong mga dyip, pero mas madalas sa mga biyaheng Cubao-Marikina. Hihilahin mo lang ang tali, tapos may iilaw sa tabi ni Manong, at ihihinto na niya ang dyip. Naalaala ko ang nakasabay ko dati sa dyip. “Para po.” Di siya narinig. Isa pa. Wala pa rin. Hinatak na niya ang tali. At bigla, namatay ang radyo, namatay ang ilaw. 

Marami ring ganitong dyip na biyaheng Cubao-PUP (Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas). At kahit di ganoon karami ang ganitong dyip sa PUP, maaalaala mo pa rin. Dahil ang mga dyip doon, buma-banking— kagaya ng nakikita mo sa mga single na motor na pangkarera. Pero motor naman kasi iyon. E ito, dyip. Apat ang gulong. Isipin mo nga. Nakatatakot di ba? Pero talaga naman, hinihintay iyan ng mga PUPian. Kahit pa may sarili yatang Philippine Constitution ang mga dyip na iyan, kasi walang estudyante—hindi naman lahat, pero karamihan— at hindi nila alam ang over speeding law. Mabibilis ang takbo ng mga iyan, tapos kunwari isasalpok sa island ang dyip, at pag tatama na, biglang ililiko ang dyip, kaya tatagilid ito, at pag babangga na ulit, ganoon na naman. At kung nasa loob ka at unang beses mong masakay, mararamdaman mo, kakaiba ka. Dahil kabang-kaba ka, habang sila naman e tuwang-tuwa. 

Huminto uli ang dyip, may isang sumakay. Lalaki. Walang maupuan, dahil sa di maayos na upo ng mga nasa loob. 

“Excuse lang a,” sabi niya sa lalaking nakabukaka. 

Bakit ba naman kasi kailangang bumukaka ng isang lalaki pag nasa dyip? Ito ang sagot diyan. Ugali ng mga lalaki na umupo nang ganyan. Mahirap nang alisin iyon. Iyong iba, nagagawang alisin pag nasa dyip, iyong iba, hindi. May iba namang kaya rin, ayaw lang nila. Sa dalawang dahilan, una, para masulit ang ibinayad, ikalawa, para pag may sumakay na babaeng maganda, makakatabi nila. Dahil may upuan na siyang naireserba. 

Mayamaya, bumaba na ako. Pakiramdam ko, nag-init ang puwet ko.

Tanghali pa lang nang umalis ako ng Divisoria— katirikan ng araw. At dahil ang tagal lumakad ng mga dyip na biyaheng Monumento, nag-Recto na lang ako. Kaya mahirap din talaga ang namamasaheros. Pero kung titingnan mo, wala rin tayong karapatang umangal kung matagal lumakad ang dyip, kung maya't maya e nagtatawag si Manong ng mga pasahero. Dahil hindi naman tayo nila pinilit na sumakay sa dyip nila. Nasa demokratikong bansa tayo. Kung naiinis ka dahil matagal lumakad, e di lumipat ka.

Kaya kung ang biyahe mo e tatlumpu't tatlong minuto, dapat, isang oras ang gawin mong badyet na oras. Dahil sa tagal sa pagsasakay ni Manong, puwedeng madagdagan ang tatlumpu't tatlong minuto mo.

Sa Avenida-Rizal ako bumaba, at doon na lang ako sumakay ng pa-Malanday.

Sa unahan ako naupo. Sa tabi ni Manong. Ito ang puwestong pinag-aagawan, sa apat na dahilan. Una, dahil maganda ang tanawin, hindi nakaiinip. Ikalawa, dahil katabi mo si Manong— makapagtatanong ka kung lampas ka na ba sa pupuntahan mo at maipaaalaala mo sa kanya na hindi ka pa niya nasusuklian— kahit na kadalasan e naaalaala naman niya talaga. Ikatlo, dahil ito ang lugar sa dyip na pinakaligtas sa holdap. At ikaapat, ito rin ang pinakaligtas sa obligasyon ng pasahero na mag-abot-abot ng bayad. Pero kung umuulan, sa puwesto naman na ito walang pumapansin. Gaya rin ng puwesto sa gawing pintuan, na ang umuupo e nababasa na ng ulan, nababasa pa ng mga tinitiklop na payong— pinag-aagawan pag nakaaraw, hindi pag umuulan.

“Ma, bayad po,” tiningnan ko sa rear view mirror ang nagbayad— estudyante, narsing. “Tenth Avenue.”

“Wala ka bang barya?”

“Wala po.”

“Baba ka na lang,” ibinalik ni Manong ang bayad ng babae— dalawang-daang papel.

Tama nga naman. Kaylayo ng biyahe, onse pesos ang babayaran niya, tapos, malilibre siya? Di kaya ginagawa na lang dahilan ng iba 'yong ganito para malibre sa pamasahe? Magandang paraan. Bago. Di gaya niyong isa, iyong magbabayad pag halos bababa na, babanggitin ang lugar, tapos, malalaman, mali— bababa ngayon nang di nakapagbayad. Halimbawa. “Ma, bayad po, Quiapo.” “Recto po 'to.” “Ha? Recto 'to? Ano ba 'yan Manong, di n'yo naman sinabi,” tapos bababa na ang babae. Pero roon naman talaga siya bababa. Tipid nga naman. Na-feature na rin ang ganitong modos sa “Crying Ladies” nina Sharon Cuneta.

Bumaba nga ang babae.

Pagdating sa Blumentritt, maraming bumaba, at marami ring sumakay.

“Bayad po. Dalawang Fifth Avenue, estudyante,” sabi ng bagong sakay.

Hindi kaya naaabuso ang 20% discount ng mga estudyante? Kasi, kahit sa SM na lang pupunta kung minsan, nag-i-estudyante. Wala namang kinalaman sa pag-aaral ang pinupuntahan. Sabi kasi sa batas, basta makapagpakita ng ID ang estudyante at senior citizen, may discount. Ang problema, masyadong abala si Manong para tingnan pa ang mga ID nila. At baka sa pag-iingat sa 20% discount, na piso lang naman sa otso pesos, e malapit pa sa disgrasya. Kaya ang ginagawa ng mga tsuper, dinaraan na lang sa itsura. Pag nagsabing estudyante siya at mukha namang estudyante, e di may discount. Pero kahit nakauniporme pa, basta hindi nagsabing estudyante, hindi nila binibigyan ng discount. At ito na ang bawi nila sa gasolinang hindi napapagod sa pagtataas ng presyo.

Iniabot ang sukli.

“Kulang ng five,” narinig kong sabi ng isang babae. “Manong kulang po.”

Walang kibo si Manong.

“Manong, kulang po ‘yong sukli,” pinagtitinginan na sila.

Dedma pa rin si Manong.

“’Yaan mo na nga, parang five lang e," sabi ng isa. “’Bigyan na lang kita,” tumawa pa ito.

'Ayan na ang pananamantala. Pero sa kabilang banda, kaya rin nananamantala si Manong ay dahil may mga pasaherong pumapayag mapagsamantalahan. Naisip ko tuloy, mahirap ba sila kaya sila nananamantala o kaya sila mahirap ay dahil nananamantala sila? Iyong una siguro, dahil sandamakmak ang politikang magnanakaw, pero mayayaman din naman.

Mayamaya pa, Monumento na. At pagkababa ko, pumila ako sa sakayan ng dyip sa likod ng Grand Central. May tiket, pinunit na plastic folder. Nagpapalit-palit naman ito, maski pa sa mga dyip sa Makati o sa Pasay. Iba ang sa biyahe sa umaga— puwedeng plastik na baraha, iba ang sa tanghali— puwedeng pitsa ng domino, iba ang sa gabi— puwedeng pinagdikit-dikit na karton ng sigarilyo. Iyon nga lang, dala ng matinding hirap sa Pilipinas (kailan kaya tayo uunlad?), maiisip mo pa rin, meron kaya ritong nandadaya? Halimbawa, hindi talaga siya bibili ng tiket (para makatipid) at sa halip e gagawa na lang siya ng kung anong tiket ang kailangan para sa biyahe na ‘yon— kung karton ba o folder. Iyon nga lang, iyong malalapit lang doon ang nakagagawa noon, saka ang masisipag— masisipag na humanap ng folder at karton na ganoong kulay at ganoong klase.

Maige rin ang ganitong sistema, maski paano, may mga natutulungan. Si Ateng nag-aabot ng tiket at naniningil ng bayad, kesa nga naman tumanga na lang, maige nang 'andito siya’t may ginagawa. Meron pang dispatser.

Sa likod ng upuan ni Manong ako naupo. Mabilis na napuno ang dyip.

“O kaliwa’t kanan pa ‘yan! Usod lang po! Usod lang! Tresehan po ‘yan, tresehan po 'yan!”

Sa haba ng dyip na ito, hindi kaya umaangal iyong ibang tsuper na waluhan lang ang haba ng dyip? Na ba’t sila walo lang ang naisasakay, e pare-pareho naman silang pumipila, pare-parehong nagbabayad sa unyon? Parang mga artista. Kaparehas lang naman ng mga magsasaka, na nagtatrabaho. Pero mas malaki ang suweldo. Idagdag pa na di hamak na mas madali ang trabaho nila. Pag ganoon ang banat, ano naman kaya’ng buwelta ng may dyip na tresehan?

Bumalik ang dispatser. “O, isa pa po! Isa pa ‘yang sa kanan! Isa pa po ‘yan!” malakas ang boses ng dispatser. Siguro sa mga ganitong pagkakataon, saka nakararamdam ang mga dispatser ng pagsaludo sa sarili. Isipin mo, nauutusan nilang umusod ang mga nakapagtapos ng pag-aaral. At nasisigawan pa nila.

“Ang sikip-sikip na nga e,” sabi ng isang ale.

May isang sumakay. Pahirapan sa pag-upo. 

“Dito pa o, kasya pa,” banat ng lalaking mataba habang nakatingin sa sahig, nang makaalis na ang dispatser.

Hanga rin ako sa laging huli kung sumasakay. Kasi kung ako 'yon, doon na lang ako sa susunod na dyip, sa unahan pa ako mauupo. Nagmamadali siguro.

“O, paabot na lang po ng tiket o! Paabot na lang po ng tiket!” si Kuyang dispatser uli.

Inabot ang mga tiket. Kulay asul na plastic folder lahat.

Paano kaya pag nagkulang ng tiket? May magagawa kaya sila? E hindi naman nila matutukoy kung sino ang hindi nagbayad dahil ipinapapasa nila ang tiket. Naalaala ko dati, nagkulang ng isang tiket. At sabi ng dispatser, hindi raw kami makaaalis hangga’t kulang ng isa— bawas kasi iyon sa kita niya. Kaya ang ginawa ni Manong, binayaran na lang ang kulang.

Mayamaya, sumakay na si Manong. “Lo! Sobra na ‘tong sa kanan o.”

At ang ginawa ng dispatser, pinababa ang isa.

“Tresehan lang kasi ‘yan. Maluwag sa tresehan, masikip sa katorse,” sabi ni Manong sa katabi. “Pag nagsobra, ayos lang sa kanila minsan. Kasi naibubulsa naman nila ‘yong sobra.”

Hindi ko alam kung mabait ba si Manong sa pasahero o ayaw lang niya sa manloloko o ayaw lang niyang malamangan siya ng dispatser. Pero ang malinaw sa akin, natutuwa ako.

Lumakad na ang dyip.

Mayamaya, nang siyang-siya na ako sa pagmumuni-muni, naabala ako ng isang malakas na putok. Natigilan kami lahat. 

May itinuro ang tsuper ng nag-over take na motorsiklo. 

Sinipat ni Manong ng tingin. Napapalatak siya.

Maya-maya, pinababa na niya kami lahat. Nasa Balintawak pa lang kami. Ibinalik ang mga bayad namin. Hindi ko na kinuha ang sa akin. 

 Tiningnan ko muna si Manong bago ako umalis. Katirikan ng araw, at panay ang busina ng mga sasakyan dahil mabigat ang trapiko. Nasa gitna ng kalsada ang dyip ni Manong, at naroon din siya. Naroon sa tabi ng dyip niya. 

Sabado, Oktubre 8, 2011

Hindi na Siya Ngayon Naiinis


Noon, nasa sampung taon na rin ang nakalipas
lagi na lang, basta umaga, naiinis siya
mula sa ilang ulit na paggising sa kanila
sa pagkakakita sa nakalukot na kumot sa kama
sa unang nahubaran ng punda
sa tuwalyang maiiwang
nakabalukol sa silya.

Kumukulong dugo niya, basta umaga
sa almusal na lulutuin
at di pag-uukulang sandukin
kaya nga minsan
tinatamad na siyang magluto
saka naman sila maghuhuramentado.

Parang gusto niyang pingutin
tenga ng mga ito
tuwing darating siya ng bahay
at aabutang santambak
hugasin sa lababo.

Gusto niyang magbunganga,
"Padidilaan n'yo pa ba 'yon sa mga daga?
Iniwanang kong malinis 'yan."

At kung Linggo
gusto niyang maluha
na hindi man lang siya tulungan ng mga ito
sa pagkukusot, pagbabanlaw, pagsasampay
ng santambak na brief at sando
at ng mga polong
nangingitim ang kuwelyo.

Naiinis siya lagi, nagagalit
noon.
Ngunit ngayon, hindi na.
Hindi na kumukulong dugo niya
tanghali, gabi, umaga
hindi na.
Hindi na siya naiinis ngayon
dahil pinalitan na iyon ng lungkot
lalo na kung aalis siya ng bahay
at daratnang
ganoon pa rin ang iniwan
walang kalat sa sahig at upuan
o natambak
na hugasin sa lababo.


Huwebes, Oktubre 6, 2011

Si Pag-asa


Hindi ko alam
kung ano’ng ngalan niya
pero tinatawag siya ng puso ko’t gunita
sa ngalang “Pag-asa”
‘pagkat sa bawat pinagsasaluhan naming paglalakbay
tuwing darating kami sa destinasyon
sinasabi niya
“Salamat po sa pagsakay, ingat sa pagtawid-tawid.
Pagpalain po kayo.”

Nakikita ko siya tuwing umaga
sa pusod ng kalsada
kasama ng manibela
kasama ng kumakaway-kaway na sariwang sampagita
kasama ng pawis at usok
kasama ng mga pangarap sa mga mata ng estranghero
kasama ng mga pangako ng maayang umaga.

Nakikita ko siya tuwing umaga
nakangiti, sumisipol-sipol
kahit pa buhol-buhol ang daloy ng mga sasakyan
kahit pa madulas ang kalsada’t malakas ang ulan
kahit nanlalabo ang windshield
o maski may lumalapit na mga diyos-diyosan.

Nakikita ko siya tuwing umaga
at ang lagi niyang ipinaaala’la
sa naghihingalo kong kaluluwa
pag-asa
na para bang nalimutan ko na
mula nang mabalitaan ko sa isang barker isang umaga
na hindi na siya puwedeng mamasada.

Lunes, Oktubre 3, 2011

Handog ni Delilah


At habang pinaiinin mo, kanin
sa kalderong makutim sa uling
inaayos mo
kanyang babaunin.

At habang inaayos niya
iyong babaunin
iniisip niya
kung kanino didelihensiya
ng kanilang ipanghahapunan.

At habang iniisip mo
kung kanino didelihensiya
ng ipanghahapunan
umaawit ka
gaya ng ginagawa mo
sa bawat gabi, tanghali, hapon, umaga.

"Why, why, Delilah,"
at sinabayan mo pa nga ng kembot
ng konting kumpas ng kamay.

At habang umaawit siya
nakararamdam ka
ng pagkakulili ng tenga
sa iyak
ng nagugutom niyong anak.
Kaya nang maiayos na'ng lahat
binilisan mo, paglabas
sa inuupahan niyong bahay.

At pagkalabas niya
nang malayo-layo na siya
inihinto mo'ng pag-awit ng Delilah
at nagkukumahog
pumasok ka sa kubeta
at doon ka umiyak nang umiyak.


Sabado, Oktubre 1, 2011

Pag Wala Ka Nang Maisulat na Tula


Ikaw, ikaw na tinatawag na "makata"
nagpapagalaw, nagbibigay buhay sa mga salita
humahabi ng diwa, lumililok ng itsura
nagpapakumpas sa mga kamay, nagpapahakbang sa mga paa
tao ka lang, marunong mapagod
kaya gaya ng dagat, ng lupa, ng ulan
nakararamdam ka rin ng kakapusan
krisis sa kakayahan, sa talim ng pag-iisip
krisis sa banghay.

At gaya ng tinatawag na "manlilikha"
ikaw na tinatawag na "makata"
ay haharapin ang krisis
kaya maglalakbay ka
hahanap ng tema
sa ilalim ng mga tulay, sa mga kalsada
sa mga kuwarto, sa langit, sa mga pangarap
sa mga karanasan, sa mata ng mahihirap
sa imahinasyon, sa ilalim at ibabaw ng papag.

Ngunit ikaw, ikaw na tinatawag na "makata"
'wag kang susulat ng mga tulang
ang paksa
rebolusyon sa hasyenda
ng amoy-gilik na mga magsasaka
gapang ng mga hiyaw at protesta sa Mendiola
o mukha ng kinakalawang na sistema
huwag, huwag, 'wag mong isusulat ang mga ito
pag wala ka nang
maisulat na tula.

Oo, ganoon na nga
pag wala ka nang maisulat na tula
'wag mong isusulat
kalagayan
ng amoy-usok na mga tsuper
malungkot na mga mata
ng mga tindera ng nail cutter
sa mga bus stop at foot bridge
o awitan sa ulan
ng mga pulubi sa lansangan.

Pag wala ka nang maisulat na tula
ikaw na tinatawag na "makata"
'wag mong hahalukayin
sa iyong imahinasyon
sa iyong mga napanuod, nabasa
itsura, hirap, emosyon
ng mga magsasaka sa hasyenda
upang mapabilang
sa ilang humihingi ng katarungan
'wag mong pipiliting lilukin sa iyong isip
maruming palad ng manggagawa
o itsura ng kanilang pinggan
bago at pagkatapos mananghalian
huwag, huwag.

'Wag kang mangangahas, maglalakas-loob
isalin sa papel
ganoong mga paksa
pag wala ka nang maisulat na tula
huwag
kung ayaw mong
hindi na matawag na "manunulat"
ng sarili mong lapis at papel.