Miyerkules, Abril 6, 2011

Sitenta Pesos



Ikalabing-siyam ng Agosto, Biyernes

Masigla ang aking mga hakbang,
kulang na nga lang,
wumasiwas maging mga kamay
habang tinatahak
maliwanag at naka-tiles na daan
tungo sa de-aircong
acconting office.


"Sir, o,"
iniabot ng accountant ang sahod ko,
nakasobre, binilang ko,
apat na libo.

"Thanks," sabi ko,
at kasabay ng pag-usal ng pasasalamat
sa kakarampot na pera
muli kong naramdaman
pananakit, pangangati
ng aking lalamunan.
Naroon pa rin ang pamamalat
supling ng araw-araw
na pagtuturo sa mga mag-aaral
na di naman nag-aaral
at pananaway
sa mga kolehiyong hayskul.

Labing-isang seksiyon hawak ko,
kada-isa, halos limampung ulo,
at ang suweldo,
sitenta pesos kada-oras.

Pagdating ko ng faculty room
narinig ko'ng balita
sa malaking telebisyon:
"Magtataas pong muli
ang presyo ng gasolina
ng piso kada litro
ayon sa..."

Napakuyom ang kamay ko
at nalukot
ang nakasobreng
apat na libong suweldo.


1 komento:

  1. nakakaloka. balak ko pa naman... T______T at katatanong ko pa man din sayo. mag part time ka na lang dyan tapos rumaket ka na lang ng medyo malaki!

    TumugonBurahin