Sabado, Abril 30, 2011

Libingan: Tanging Makapaglalayo



Hindi kayang pagbawalan
ng pagdami ng tagyawat
sa mga gabi ng pagpapakapuyat
aking kamay sa pagsulat.

Hindi kayang agawin
ng nagligid na mga gawain
mga sandali ng pakikipagniig
sa ball pen at papel.

Hindi sasapat
maging ang mga paratang,
pangungutya't panunungayaw
upang sawayin kong
aking mga kamay
sa pagkatha ng tula.

Hindi uubra
maging pangmamata
ng mga kritiko
upang abandunahin ko
nagbiting mga banghay
 sa kisame ng aking kuwarto.

Hindi rin kaya
maging ng bigwas ng pangangailangan
at sumbat
ng humahagulgol na bituka
at bulsang uhaw
sa kalansing ng pera
na pigilin
aking mga mata't tenga
na humanap ng maisusulat.

Tanging libingan lang, natitiyak ko
libingang hindi matatakasan ninoman
libingang kumikitil sa bawat paghinga
makapaglalayo sa akin
sa pagsulat.



Kailan Pa?



Tama, hindi nga kayang
paghilumin ng tao
sarili niyang sugat.
Tama, panahon nga ang maestro
ng tao sa paglimot.
Mga minuto, oras at araw nga siguro
gumagamot, lumalanggas
sa nagngangang mga sugat
naglangib na mga galos
nagmantsang mga peklat.

Ngunit kailan, sabihin mo
kailan pa ibubuhos
kulay kalawang na betadine
ng mga di napapagod, di hinihingal
na mga kamay ng orasan
sa kumikirot pa ring sugat?
Kailan pa bebendahan
ng mga takipsilim at madaling-araw
malalim pa ring hiwa?
At kailan pa magiging peklat
sariwa pa ring sugat
nang malagyan na ng sebo de macho
ng mga nalagas na dahon
ng kalendaryo?

Sabihin mo, kailan,
kailan kita malilimutan?


Miyerkules, Abril 6, 2011

Sitenta Pesos



Ikalabing-siyam ng Agosto, Biyernes

Masigla ang aking mga hakbang,
kulang na nga lang,
wumasiwas maging mga kamay
habang tinatahak
maliwanag at naka-tiles na daan
tungo sa de-aircong
acconting office.


"Sir, o,"
iniabot ng accountant ang sahod ko,
nakasobre, binilang ko,
apat na libo.

"Thanks," sabi ko,
at kasabay ng pag-usal ng pasasalamat
sa kakarampot na pera
muli kong naramdaman
pananakit, pangangati
ng aking lalamunan.
Naroon pa rin ang pamamalat
supling ng araw-araw
na pagtuturo sa mga mag-aaral
na di naman nag-aaral
at pananaway
sa mga kolehiyong hayskul.

Labing-isang seksiyon hawak ko,
kada-isa, halos limampung ulo,
at ang suweldo,
sitenta pesos kada-oras.

Pagdating ko ng faculty room
narinig ko'ng balita
sa malaking telebisyon:
"Magtataas pong muli
ang presyo ng gasolina
ng piso kada litro
ayon sa..."

Napakuyom ang kamay ko
at nalukot
ang nakasobreng
apat na libong suweldo.