Lunes, Enero 3, 2011

Insong Asyang


KAUNTI na lang at para nang isang munting daigdig na isinilid sa garapon ang baryo ng Callos, dala ng nakalingkis ditong katahimikan at nakayakap na dilim. Alas-otso pa lang ng gabi, ngunit parang hatinggabi na. Patay na ang mga ilaw sa mga bahay na karamihan ay yari sa tabla’t yero. Wala nang naglalakad sa madilim at malubak na kalsada.

Tahimik ang buong paligid. Walang anumang ingay, liban sa awitan ng mga kuliglig at bulungan ng mga dahon.

Tangan ang flashlight, tinungo ni Insong Asyang ang kanilang kusina. Sa sahig nakatutok ang liwanang ng flashlight.  Kasabay ng bawat hakbang niya, mabilis na hinahawi ng liwanag ng flashlight ang dilim. Mabagal na ang kanyang mga hakbang, mandin ay higit animnapung taon na siya. Nakabestida siya ng bulaklakin, humpak ang kanyang mga pisngi, at manipis na ang kulot niyang buhok na mangilan-ngilan na lang ang itim.

Nang nasa kusina na siya, tiniyak niyang may takip ang mga ulam, pagkatapos, isinunod niya ang kandado ng mga pinto at bintana. Matapos matiyak na ang lahat ay nasa ayos, bumalik siya sa kuwarto.

Pinatay niya ang flashlight, at sa ‘sang iglap, sinaklot ng dilim ang kabuuan ng silid.  Ipinatong niya ang  flash light sa ibabaw ng lumang diban, saka saglit na sinilip sa ilalim ng papag kung may sindi pa ang katol. Ganoon siya, hindi man palagi ay madalas. Tinitiyak niyang lahat ay nasa ayos bago siya matulog, dahil pag hindi niya ginagawa iyon, hindi siya mahimbing-himbing ng tulog. Naaalimpungatan siya.

Pumasok siya sa loob ng kulambo, humiga sa papag na nalalatagan ng banig na buli, sa pagitan ng asawa niyang si Mang Tasyo at ng ampon nilang si Aldrin.

Kinuha niya ang abaniko sa ibabaw ng unan niya. Pinaypayan niya si Aldrin, pinaypayan nang pinaypayan, habang pinupunasan ng kaliwa niyang kamay ang pawisang noo nito. Bahagya itong kumilos, umungol, bumiling, saka yumakap sa kanya.

Maglilimang taon na rin, buhat nang pumasok sa buhay nilang mag-asawa si Aldrin. Gabi noon, malakas ang ulan.

“Insong Asyang, Mang Tasyo, Insong Asyang!” sunod-sunod ang tawag sa kanilang tarangkahan. 

Sa bintanang kapis, dumungaw siya. Sa labas, nakita niya ang isang babaeng nakapayong, yakap nang mahigpit sa kabilang kamay ang isang sanggol. Dali-dali nila itong pinagbuksan.

“Pasensya na ho kayo Insong Asyang a, Mang Tasyo,” sabi ng babae, nang nasa sala na sila. “Wala naman na ho kasi akong kamag-anak, e.”

Hindi nila kilala ang babaeng iyon. Dayo lang ito sa baryo nila, at wala pang isang taong naninirahan doon. Nangungupahan ito sa makipot na bahay-pawid na bahay-paupahan ng kanilang kapitan. Wala silang kahit na anong alam dito, liban sa ang pangalan nito ay Elsa, tubong Pangasinan, ayon na rin sa kanya, at na ito ay isang mananayaw sa Japan. Kung bakit ito naroon sa lugar nila, hindi na nila alam.

“Pupunta na ho kasi ‘kong Japan, e. Babalikan ko naman ho, e. Siguro mga dalawang taon. Saka ano…babayaran ko rin naman ho,’yong pag-aalaga n’yo,” dagdag pa ng babae. 

Sa munti nilang baryong iyon, na ang tanging ikinabubuhay ng mga tao ay pagsasaka, pangingisda sa munti nilang ilog at pag-aalaga ng manok at baboy, ay isa ang pamilya nila sa mga iginagalang at tinitingala. Una’y sapagkat apat sa lima nilang anak ay nakapagtapos ng kolehiyo, isang bagay na bibihira sa mga namumuhay sa gayong kaliblib na lugar. At, ikalawa, sapagkat sa mangilan-ngilang bahay roon sa kanilang baryo, ay bahay lamang nila ang may kalakiha’t yari sa bato’t tabla. Iyon marahil ang dahilan, naisip niya, kaya sa kanila gustong iwan ni Elsa ang anak.

“Ay naku, naku. Sa iba mo na lang iwan ‘yang anak mo, Ineng,” sabi ni Mang Tasyo. “Me mga apo na kami. Saka, ‘ala rin kaming panggastos d’yan. Baka di namin mapalaki nang mahusay ‘yan,” hindi maganda ang tono ng pananalita nito. Madiin.

Napansin niya ang pamamanglaw ng mukha ng babae. Humigpit ang pagkakayakap nito sa natutulog na sanggol. Parang gusto niyang mahiya sa inasal ng asawa.

“’Lang b’wan na ba 'yan?” tanong niya. Pinagmasdan niya ang sanggol.

Parang nakangiti ito sa kanya. Maputi ito. Malago ang buhok. Parang nakaramdam siya ng kung anong saya habang pinagmamasdan ito. Naalala niya bigla ang mga anak niya, parang kaysaya ng buhay nilang mag-asawa nang hindi pa nag-aasawa ang mga ito at doon pa nakatira sa kanila. Ngayon, bibihira nang umuwi ang mga ito sa kanila. Tuwing may mga espesyal na okasyon na lang, gaya ng Pagko't Bagong Taon.

“Tatlo ho,” parang wala sa loob na tugon ng babae, samantalang nakatingin sa mukha ng sanggol.

“O sige, iwan mo na lang muna dito.”

Mabilis na napangiti ang babae. Titig na titig ito sa kanya, parang di makapaniwala.

“’No ba yang pinagsasasabi mo? Anong ipapakain mo d’yan?” mabilis ang sagot ni Mang Tasyo. Pasinghal.

Mahabang paliwanagan din iyon, bago niya napapayag ang asawa. Pumayag ito, dala na rin ng pangako ni Elsa na babalikan nito ang anak, pagkalipas ng dalawang taon. Iniwan sa kanila ang pangalan ng sanggol, Aldrin.

Pero maglilimang taon na, nasa kinder na si Aldrin, ay hindi pa bumabalik si Elsa. Noong una ay umaasa pa rin siya na isang araw ay bigla na lang itong darating, at kukuhanin sa kanila si Aldrin. Subalit ngayon, patay na ang pag-asa niyang iyon. Pakiramdam niya ay tuluyan na nitong tinalikdan ang anak.


NAG-AAWITAN pa rin ang mga kuliglig, at nagsisimula pa lamang tumilaok ang mga manok, at nakalatag pa ang dilim, nang bumangon si Insong Asyang. Binuksan niya ang pintong kahoy patungong likod-bahay. Kumuha siya ng tubig sa gaod, at nilagyan ng tubig ang takureng nangingitim sa uling. Sa makipot nilang kalanan, doon din sa likod-bahay, nag-init siya ng tubig. Kumuha siya ng mga kahoy na panggatong na pinagpupulot lamang ni Mang Tasyo sa isang pulong malapit sa kanilang bukid. Nang matantiya niyang tama na ang lakas ng apoy, iniwan na niya ito.

Pumasok siya sa bahay. Isa-isa niyang binuksan ang mga bintanang kapis. Bahagya, lumiwanag ang bahay.

Ilang saglit pa, nakapag-init na siya ng tubig. Nakapagkape na rin siya. Habang si Mang Tasyo naman ay nakaalis na patungong bukid, sakay ng kanilang kalabaw.

Nagwawalis na siya ng mga sukal na dahon nang mapansin niya si Aldrin. Nakatalungko ito sa mahabang upuang kahoy, nakapangalumbaba, nakatingin sa kanya. Kukurap-kurap ang singkit nitong mga mata. Maputi ito. Matambok ang mga pisngi. At kulot ang buhok. Pagkakita sa ampon, nakaramdam na naman siya ng kagyat na saya, at parang umaaliwalas pa ang maaliwalas na niyang umaga.

“Kape?”

Nakasimangot, tumango ito.

Isinandal niya ang walis-tingting sa punong katuray, at tinungo niya ang kusina. Nagtimpla siya ng kape.

Malaki ang nabago sa buhay nilang mag-asawa, lalo na sa kanya, magmula nang  maging bahagi ng tahanan nila si Aldrin. Dati kasi, lagi niyang hinahanap ang pagiging ina. Minsan lang kasi sa isang taon kung dumalaw sa kanila ang mga anak nila't apo. Iyon ay tuwing Undas lang, kung Mahal na Araw, at tuwing Pasko hanggang Bagong Taon. Kung mga karaniwang araw, sila lamang ni Mang Tasyo sa bahay. Kung minsan pa nga, siya lang mag-isa. Wala siyang ibang pinagkakaabalahan noon, liban sa mangapit-bahay, at doon ay makipagkuwaho o kaya nama’y tong-its.

Masaya siya sa pag-aalaga kay Aldrin. Masaya siya sa pagpapaligo’t paggagayak dito. Kung minsan, pag nadaraan siya sa palengke sa bayan, binibilhan niya ito ng bola, o ng laruang kotse, o ng mga tao-tauhan. Parang may sumusulak na saya sa damdamin niya pag sabik na sabik nitong kukuhanin sa kanya ang laruan, itatakbo sa likod-bahay at paglalaruan, ilalakad at kunwang itatalon sa mahabang upuang kahoy.

Matalino si Aldrin, at bagama’t makulit at maloko ay magalang din naman. Bibo. Madaldal ito. Kung gabi nga na bago matulog at nililinisan niya ito sa gaod, ay marami itong kuwento tungkol sa pag-aaral nito, at siyang-siya siyang pakinggan ang mga iyon.

At madalas, pag tapos na ang Pasko’t Bagong Taon o Undas o Mahal na Araw, at magsisipagpaalam na sa kanila ni Mang Tasyo ang mga anak nila't apo, para magsiuwi  sa kani-kanilang mga bahay, ay para bang napapansin nito ang kanyang pamamanglaw,  at sasabihin nito sa kanya, “Basta ako Nanay, pag nag-asawa na ‘ko, dito pa rin ako sa inyo ni Tatay. Di ko kayo iiwan.” Parang biglang mawawala ang pamimigat ng kanyang loob, at mapayayakap siya rito. Mahigpit. Natutuwa siya, kaytalinong bata. Para bang may nagtuturo ng mga sasabihin.

Madalas, tuwing makikipagsugal siya, isinasama niya ito. Abot pa nga ang kuwento niya sa mga kalaro niya tungkol dito. Na kesyo ganito si Aldrin. Na mabait ito't matalino. Hindi naman ito malikot pag isinasama niya. Nandoon lang ito sa tarangkahan ng bahay, nakikipaglaro ng mga kotse’t mga trak-trakan sa ibang mga bata. Nanlilimahid ang baro’t mukha nito pag-uwi nila. Kung minsan din, kung may mga handaan, kasalan halimbawa, at kinakailangan niyang tumulong sa may pakasal, sa pagluluto’t paghihiwa man lang ng mga rekado, ay isinasama rin niya ito. Kung sakaling wala itong mga batang makalalaro, binibilhan niya ito ng mga tsirtsirya’t kendi, huwag lang itong mainip.

Kilala na nga ito ng mga taga-Callos. Tuwang-tuwa ang mga ito kay Aldrin. Minsan nga ay itinatayo pa ng mga ito si Aldrin sa ibabaw ng mesa, pakakantahin ng “Ako ay May Lobo”, saka bibigyan ng piso. Tuwang-tuwa naman si Aldrin. Tatakbo agad ito sa tindahan, at ibibili iyon ng kending “caramel”.


NANG nasa elementarya na si Aldrin, kumpleto ito sa gamit. May pantasa ito, lapis, papel, kuwaderno, bag, at pencil case. Di gaya ng mga kaklase nito, na ang bag ay sinulsihang sako, ang pambura ay nirolyong goma, at ang pencil case ay supot na labo. Tuwang-tuwa nga siya noong unang araw nito sa elementarya. Para bang iyon ang unang pagkakataong may anak siyang pinag-aral, gayong kung tutuusin ay hindi naman niya ito anak. Siyang-siya siyang pagmasdang nakauniporme ito, na nakasukbit dito ang bag, at na kung lumakad ito ay nakapamulsa pa. Noon, lagi niya itong naiisip, kung hindi kaya ito naiinip o nagugutom.

“Nanay, t-tinuruan kami ni Ma’m kangina…’yung malilit na gagamba,” mayabang na sabi nito.

“Pakinig nga…pakinig nga,” itinukod niya ang kulubot nang kamay sa kulubot na ring mga tuhod, saka inilapit ang mukha sa ampon.

“Maliliit na gagamba, umakyat sa sanga, dumating ang ulan itinapon siya…” kinanta iyon ni Aldrin, na may pamuwestra-muwestra pa ng mga kamay.


HINDI alam ni Aldrin na ampon lang siya, at kailanman, hindi rin iyon ipinaramdam ni Insong Asyang sa bata. Sunod na sunod ang layaw nito. Ni minsan, kahit na noong nangamoy usok ang kanilang sinampay dahil sa paglalaro nito ng apoy, kahit pa nakababasag ito ng pinggan tuwing kakain, dala ng kakulitan, kahit pa itinatapon nito ang pera pag bagong gising ito’t wala sa kondisyon, ay hindi niya ito napagbuhatan ng kamay. Dumating pa nga sa punto na buwisit na buwisit na siya't papaluin na niya ito ng walis-tambo, ngunit di niya kaya, di niya magawa, kaya’t sa inis niya, inihampas na lang niya sa sahig ang walis. Putol ang walis-tambo!

Kapag naman nakikipaglaro ito ng lastiko o kaya’y holen sa ibang bata, at natalo, at uuwi itong umiiyak, ay inaabangan pa niya sa kalsada ang batang nakatalo rito, at babawiin niya ang lastiko’t holen ni Aldrin. Maski pag nandiyan sa kanila ang mga apo niya, at nagbabag ang mga ito, ay si Aldrin pa ang kinakampihan niya. Pati nga si Mang Tasyo, pinagsasabihan  niya, pag napagsasalitaan ng di maganda si Aldrin.


MINSAN, isang umaga, nasa paaralan noon si Aldrin, sila lamang ni Mang Tasyo sa bahay, nasa tarangkahan siya noon, nagsisiga ng mga sukal na dahon, nang   may bago-bagong pulang kotseng huminto sa harap ng bahay nila. Bumaba ang tsuper nito, isang babaeng nakasalaming may kulay. Katamtaman ang tangkad at mahaba ang buhok. Nakalipistik ito. Makapal ang make-up. Di man lang, parang nadudumihan na siya rito. Nagtaas ito ng salamin, hanggang sa iyon ay mapunta sa  may ulo.

Sinilip niya ito. Sinisino niya, subalit hindi niya makilala.

“Insong Asyang… Mang Tasyo…” malamig ang tawag nito, parang ayaw makagambala.

“Anong kailangan mo, Ineng?” nagulat pa siya, naroon na pala sa tabi niya ang asawa.

“Insong Asyang, Mang Tasyo, ako ‘ho ‘to… si Elsa,” nakangiting sabi ng babae.

Ewan ba niya, bigla siyang nakaramdam ng muhi nang sabihin nitong siya si Elsa. Pero higit doon, takot at pagkabahala ang kanyang nararamdaman.

Binuksan nito ang tarangkang kahoy, saka pumasok at lumapit sa kanila. Nagmano ito sa kanila.

“Kukunin ko na ho sana si Aldrin,” walang ano-anong sabi nito. “ And’yan na ho ba s’ya?”  luminga ito nang konti sa gawing pintuan.

Ganoon na lang ba iyon? Iniwanan mo tapos bigla mong kukuhanin? Ni hindi ka nga naghirap sa pagpapalaki. Ni hindi mo nga alam ang paboritong ulam no'ng bata. Parang gusto niyang sabihin. Ngunit may kung anong pumigil sa kanya.

“Nasa esk’wela,” matabang ang pagkakasabi niyon ni Mang Tasyo.

“Mga kelan pong uwi n’ya?”

“Mamayang tanghali,” tugon ni Mang Tasyo. “Kakain lang ‘yon, balik ulit sa esk’wela.”

Di pa rin siya umiimik. Ewan ba niya, pero parang sumama ang pakiramdam niya.

“Hintayin ko na lang po.”

Sa loob, ikinuwento ni Elsa ang lahat, na nagkaasawa ito ng mayaman-yaman ding Hapon, kaya guminhawa sa buhay, na kadarating lamang nito sa Pilipinas noong nakaraang linggo, at, na kukuhanin na nga nito sa kanila si Aldrin. Aayusin ang mga dapat ayusin at  isasama na ito sa Japan.

Binayaran sila ni Elsa, para raw iyon sa pag-aalaga nila kay Aldrin. Iniabot nito iyon sa kanya. Nakasobre iyon. Hindi niya kinuha. Ipinagpilitan ni Elsa. Kinuha ni Mang Tasyo.

Narinig niyang bumukas ang tarangkang kahoy. Napatingin siya sa pintuan. Si Aldrin.

“Nanay, Nanay, m-me bago na namang ‘tinuro sa ‘min si Ma’m,” nagkakandabulol ito. 

Napatingin siya kay Elsa. Nakangiti ito. Parang di makapaniwala.Tumayo ito, agad-agad na nilapitan si Aldrin, saka niyakap nang mahigpit.

Napatingin si Aldrin sa kanya, kukurap-kurap.

Lumuwag ang yakap ni Elsa rito. Ikinulong nito sa sariling mga palad ang mukha ni Aldrin. Kukurap-kurap lang si Aldrin. Hinalikan ito ni Elsa sa noo.

“Anak ko, an’laki-laki mo na,” muli nitong niyakap si Aldrin. Mahigpit.

Nagpilit na kumawala si Aldrin. Nagulat si Elsa. Lumuwag  ang pagkakayakap nito rito.

Tumakbo si Aldrin sa kanya. Yumakap. Sumiksik ng yakap. Parang natatakot. Niyakap din niya ito. Ayaw niya itong ipayakap pa kay Elsa.

“Anak, ako ‘to… s-si-si Mama mo,” nakikiusap ang tinig ni Elsa. Napaluha ito.

“E balikan mo na lang siguro sa 'sang linggo, ano…a, Elsa. Ganitong araw din,” sabi ni Mang Tasyo. “Para makasama rin naman namin ‘yong bata. Kahit sa huling pagkakataon. Aba, e kami rin ang nagpalaki dya’n, e”.

Tumango lang si Elsa. Nagpupunas ito ng luha.

Pagkaalis ni Elsa, kinausap nilang mag-asawa si Aldrin. Ayaw nitong pumayag. Panay ang iyak. Bakit daw siya ibibigay sa babaeng iyon, e hindi naman daw niya iyon kilala. Hindi na raw ba siya mahal kaya ipamimigay na siya? Hindi nila ito mapatahan, hanggang sa mapagod na lang ito sa kaiiyak, at makatulog.

Kinausap niya ang asawa.

“E… pa’no kaya kung ‘wag nating ibigay si Aldrin?” may pag-aalangang sabi niya. Basag ang tinig niya. Naiisip niya, paano kaya kung kuhanin na nga ni Elsa si Aldrin. Baka hindi na niya ito makita.

“’Yon nga ding naiisip ko, e. Tayo namang nagpalaki sa bata. Ang kaso, halatang hindi papayag si Elsa. T’yak 'yon.”

“E di ilaban natin,” nag-aalalay niyang sabi.

“Naku. Ito, oo, Engracia. Umarya ka na naman,” pasinghal na sagot nito sa kanya. “Kung ano-anong napag-iisip mo. Tayo ngang nagpalaki ke Aldrin, pero ‘ala rin tayong laban. E di ba’t ‘ala naman tayong papel d’yan sa pag-aampun-ampon na’yan? Saka gagastos pa tayo. Keige-ige’t nagagamit ng mga anak mo ‘yong pera sa pagpapaaral ng mga apo mo, e. ‘Pambabayad mo pa ng abogado!” 

Tuluyan na siyang naluha. 


KINAGABIHAN, hindi siya mapagkatulog. Habang nakatingin sa bubong na walang kisame, naiisip niya si Aldrin. At kinaumagahan, mas maaga siyang nagising. Pero parang wala sa kondisyon ang katawan niya. Tamad na tamad siyang magligpit ng hinigan at magwalis ng tarangkaha't likod-bahay.

Nang magising si Aldrin, niyakap niya ito agad. Iyong mahigpit. Hindi niya napigilan, napaluha siya.

“’Miiyak ka, Nanay?” tanong ni Aldrin.

“Hindi…h-hindi,” mabilis niyang pinahid ng mga palad ang luha.

“Magkakape ka?”

Tumango ito.


NANG tanghali, habang kumakain sila, parang papel na napunit ang katahimikan.

“Nanay, ‘bibigay n’yo ba ‘ko r’on sa ale? ‘Yong kahapon?”

Nagkatinginan silang mag-asawa.

Tumulo na naman ang luha niya. Agad niya iyong pinahid ng may mumo niyang kamay.

“Hindi. Hindi ka namin ibibigay d’on. Kumain ka na,” sabi ni Mang Tasyo.

“Talaga?” napamurilat na ang mga mata ni Aldrin.

“Oo, ba’t ka namin ibibigay d’on, e anak ka namin,"  inilapit pa ni Mang Tasyo kay Aldrin ang pinggan. "O , dali na. Kain na.”


SA SALA, nang sila na lamang mag-asawa ang gising, muli nilang napag-usapan si Aldrin.

“E ‘gayak mo na’ng mga gamit n’ong bata, at nang pagdating ni Elsa e ‘ala nang problema.”

Hindi siya kumikibo. Tangan niya ang isang bimpo. Panay ang punas niya ng luha’t sipon. Namumula na ang kanyang ilong.

“Aba! E di lang naman ikaw ang nahihirapan,” nagtaas na ng boses si Mang Tasyo. “Kelangan d’yan e unti-unti na nating tanggapin, at nang di mabigat sa loob. E, samakalawa e kukunin na si Aldrin. E ‘yon ang nanay n’ya, e. ‘Ala tayong magagawa. Saka siguro naman mas mapapalaki n’ya ‘yon nang mahusay.”

Lalo siyang naiyak.


NANG malakawa rin, kung kelan alam nilang babalik si Elsa, hindi na nila pinapasok sa eskwelahan si Aldrin. 

“Ba’t gan’tong suot ‘ko, Nanay? Ha?” tanong nito.

“E, me pupuntahan tayo. 'Wag ka munang pumasok, ha? Bukas ka na lang pumasok, 'no?” sabi niya. Basag ang boses niya. Kukurap-kurap siya. Nahihilam siya sa sarili niyang luha. Panay ang singhot niya.

“E, me ituturo raw si Ma’m sa’ming bagong kanta, e. Sa'n ba tayo pupunta? E, ba’t kayo… ba’t di kayo nakabihis?” 

“Mamaya na ‘ko magbibihis. Inuna lang kita,” sabi niya, habang isinisintas ang sapatos ni Aldrin.

Tahimik lang ito. Kukuya-kuyakoy ang kabilang paa.

Niyakap niya ito.

“Papakabait ka, a. Mahal ka ni Nanay,” tuluyan na siyang naiyak.

Niyakap din siya nito.    

“’Miiyak ka? Ha, Nanay?” tanong ni Aldrin, nang maglayo sila sa pagkakayakap. “Lagi ka na lang ‘miiyak. Naalala mo siguro sila Kuya Imo, ‘no Nanay?”

Nakarinig siya ng ugong ng kotse. Huminto ito sa tapat nila.

“’Eto na si Elsa!” sigaw ni Mang Tasyo.

 “’Alika na, anak. Dali,” hinawakan niya sa kamay si Aldrin. Sa kabilang kamay, bitbit niya ang lumang bag na katamtaman ang laki. 

“Pahalik nga muna si Nanay,” sabi niya, nang nasa labas na sila. Hinalikan niya sa pisngi si Aldrin. “Payakap nga uli.”

Yumakap sa kanya si Aldrin. Mahigpit. Niyakap din niya ito. Mas mahigpit.

“’Papakabait ka ya,” ikinulong niya sa mga palad niya ang mukha ng bata.

Hindi umimik si Aldrin. Kukurap lang ang singkit nitong mga mata.

 “Kunin mo na ‘yung bag,” sabi ni Elsa.

Kinuha ng tsuper sa kanya ang bag, at inilagay iyon sa kotse, doon sa upuan sa unahan.

“Sige na, Elsa,” mabilis niyang pinahid ang luha niya. 

Hinawakan ni Elsa sa kaliwang kamay si Aldrin. Nagulat ito. Kumawala ito.

“Anak, tara na,” hinawakan uli ito ni Elsa sa kamay.

Nagpilit kumawala si Aldrin, pero mahigpit na ang hawak ni Elsa.

“Nanay!”

Nakatingin lang siya rito. Parang hihimatayin siya.

“Nanay! Nanay! Tatay! Nanay!” umiiyak na si Aldrin.

Naglupasay ito sa lupa. Napabitaw si Elsa. Tumakbo sa kanya si Aldrin. Yumakap sa mga hita niya.

“Kunin mo nga!”  

Nilapitan ito ng tsuper, pilit na kinukuha. Kumapit ito sa bestida niya. Tinanggal ng tsuper sa pagkakakapit ang mga kamay nito. Pinangko ito, dinala sa kotse.

“Nanay! Nanay ko!”

Panay ang sigaw nito. Iyak ito nang iyak. 

Tumulo na naman ang luha niya. Parang gusto niyang humagulgol. Parang gusto niyang sumigaw. Alam niya, hindi na niya muling makikita si Aldrin. Bigla, naalala niya ang madalas nitong sabihin sa kanya, tuwing katatapos lang ng Undas, Pasko’t Bagong Taon at Mahal na Araw, at pauwi na sa kani-kanilang bahay ang mga anak niya’t apo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento