KAUNTI na lang at para nang isang munting daigdig na
isinilid sa garapon ang baryo ng Callos, dala ng nakalingkis ditong katahimikan
at nakayakap na dilim. Alas-otso pa lang ng gabi, ngunit parang hatinggabi na.
Patay na ang mga ilaw sa mga bahay na karamihan ay yari sa tabla’t yero. Wala
nang naglalakad sa madilim at malubak na kalsada.
Tahimik ang buong
paligid. Walang anumang ingay, liban sa awitan ng mga kuliglig at bulungan ng
mga dahon.
Tangan ang flashlight,
tinungo ni Insong Asyang ang kanilang kusina. Sa sahig nakatutok ang liwanang
ng flashlight. Kasabay ng bawat hakbang niya, mabilis na hinahawi ng
liwanag ng flashlight ang dilim.
Mabagal na ang kanyang mga hakbang, mandin ay higit animnapung taon na siya.
Nakabestida siya ng bulaklakin, humpak ang kanyang mga pisngi, at manipis na
ang kulot niyang buhok na mangilan-ngilan na lang ang itim.
Nang nasa kusina na
siya, tiniyak niyang may takip ang mga ulam, pagkatapos, isinunod niya ang
kandado ng mga pinto at bintana. Matapos matiyak na ang lahat ay nasa ayos,
bumalik siya sa kuwarto.
Pinatay niya ang flashlight, at sa ‘sang iglap, sinaklot ng dilim ang
kabuuan ng silid. Ipinatong niya ang flash light sa ibabaw ng lumang diban, saka saglit na
sinilip sa ilalim ng papag kung may sindi pa ang katol. Ganoon siya, hindi man
palagi ay madalas. Tinitiyak niyang lahat ay nasa ayos bago siya matulog, dahil
pag hindi niya ginagawa iyon, hindi siya mahimbing-himbing ng tulog.
Naaalimpungatan siya.
Pumasok siya sa loob ng
kulambo, humiga sa papag na nalalatagan ng banig na buli, sa pagitan ng asawa
niyang si Mang Tasyo at ng ampon nilang si Aldrin.
Kinuha niya ang abaniko
sa ibabaw ng unan niya. Pinaypayan niya si Aldrin, pinaypayan nang pinaypayan,
habang pinupunasan ng kaliwa niyang kamay ang pawisang noo nito. Bahagya itong
kumilos, umungol, bumiling, saka yumakap sa kanya.
Maglilimang taon na rin,
buhat nang pumasok sa buhay nilang mag-asawa si Aldrin. Gabi noon, malakas ang
ulan.
“Insong Asyang, Mang
Tasyo, Insong Asyang!” sunod-sunod ang tawag sa kanilang tarangkahan.
Sa bintanang kapis,
dumungaw siya. Sa labas, nakita niya ang isang babaeng nakapayong, yakap nang
mahigpit sa kabilang kamay ang isang sanggol. Dali-dali nila itong pinagbuksan.
“Pasensya na ho kayo
Insong Asyang a, Mang Tasyo,” sabi ng babae, nang nasa sala na sila. “Wala
naman na ho kasi akong kamag-anak, e.”
Hindi nila kilala ang
babaeng iyon. Dayo lang ito sa baryo nila, at wala pang isang taong naninirahan
doon. Nangungupahan ito sa makipot na bahay-pawid na bahay-paupahan ng kanilang
kapitan. Wala silang kahit na anong alam dito, liban sa ang pangalan nito ay
Elsa, tubong Pangasinan, ayon na rin sa kanya, at na ito ay isang mananayaw sa
Japan. Kung bakit ito naroon sa lugar nila, hindi na nila alam.
“Pupunta na ho kasi
‘kong Japan, e. Babalikan ko naman ho, e. Siguro mga dalawang taon. Saka
ano…babayaran ko rin naman ho,’yong pag-aalaga n’yo,” dagdag pa ng babae.
Sa munti nilang baryong
iyon, na ang tanging ikinabubuhay ng mga tao ay pagsasaka, pangingisda sa munti
nilang ilog at pag-aalaga ng manok at baboy, ay isa ang pamilya nila sa mga
iginagalang at tinitingala. Una’y sapagkat apat sa lima nilang anak ay
nakapagtapos ng kolehiyo, isang bagay na bibihira sa mga namumuhay sa gayong
kaliblib na lugar. At, ikalawa, sapagkat sa mangilan-ngilang bahay roon sa
kanilang baryo, ay bahay lamang nila ang may kalakiha’t yari sa bato’t tabla.
Iyon marahil ang dahilan, naisip niya, kaya sa kanila gustong iwan ni Elsa ang
anak.
“Ay naku, naku. Sa iba
mo na lang iwan ‘yang anak mo, Ineng,” sabi ni Mang Tasyo. “Me mga apo na kami.
Saka, ‘ala rin kaming panggastos d’yan. Baka di namin mapalaki nang mahusay
‘yan,” hindi maganda ang tono ng pananalita nito. Madiin.
Napansin niya ang
pamamanglaw ng mukha ng babae. Humigpit ang pagkakayakap nito sa natutulog na
sanggol. Parang gusto niyang mahiya sa
inasal ng asawa.
“’Lang b’wan na ba
'yan?” tanong niya. Pinagmasdan niya ang sanggol.
Parang nakangiti ito sa kanya. Maputi ito. Malago ang
buhok. Parang nakaramdam siya ng kung anong saya habang pinagmamasdan ito.
Naalala niya bigla ang mga anak niya, parang kaysaya ng buhay nilang mag-asawa
nang hindi pa nag-aasawa ang mga ito at doon pa nakatira sa kanila. Ngayon,
bibihira nang umuwi ang mga ito sa kanila. Tuwing may mga espesyal na okasyon
na lang, gaya ng Pagko't Bagong Taon.
“Tatlo ho,” parang wala
sa loob na tugon ng babae, samantalang nakatingin sa mukha ng sanggol.
Mabilis na napangiti ang
babae. Titig na titig ito sa kanya, parang di makapaniwala.
“’No ba yang
pinagsasasabi mo? Anong ipapakain mo d’yan?” mabilis ang sagot ni Mang Tasyo.
Pasinghal.
Mahabang paliwanagan din
iyon, bago niya napapayag ang asawa. Pumayag ito, dala na rin ng pangako ni
Elsa na babalikan nito ang anak, pagkalipas ng dalawang taon. Iniwan sa kanila
ang pangalan ng sanggol, Aldrin.
Pero maglilimang taon
na, nasa kinder na si Aldrin, ay hindi pa bumabalik si Elsa. Noong una ay
umaasa pa rin siya na isang araw ay bigla na lang itong darating, at kukuhanin
sa kanila si Aldrin. Subalit ngayon, patay na ang pag-asa niyang iyon.
Pakiramdam niya ay tuluyan na nitong tinalikdan ang anak.
NAG-AAWITAN pa rin ang mga
kuliglig, at nagsisimula pa lamang tumilaok ang mga manok, at nakalatag pa ang
dilim, nang bumangon si Insong Asyang. Binuksan niya ang pintong kahoy
patungong likod-bahay. Kumuha siya ng tubig sa gaod, at nilagyan ng tubig ang
takureng nangingitim sa uling. Sa makipot nilang kalanan, doon din sa
likod-bahay, nag-init siya ng tubig. Kumuha siya ng mga kahoy na panggatong na
pinagpupulot lamang ni Mang Tasyo sa isang pulong malapit sa kanilang bukid.
Nang matantiya niyang tama na ang lakas ng apoy, iniwan na niya ito.
Pumasok siya sa bahay.
Isa-isa niyang binuksan ang mga bintanang kapis. Bahagya, lumiwanag ang bahay.
Ilang saglit pa,
nakapag-init na siya ng tubig. Nakapagkape na rin siya. Habang si Mang Tasyo
naman ay nakaalis na patungong bukid, sakay ng kanilang kalabaw.
Nagwawalis na siya ng
mga sukal na dahon nang mapansin niya si Aldrin. Nakatalungko ito sa mahabang
upuang kahoy, nakapangalumbaba, nakatingin sa kanya. Kukurap-kurap ang singkit
nitong mga mata. Maputi ito. Matambok ang mga pisngi. At kulot ang buhok. Pagkakita
sa ampon, nakaramdam na naman siya ng kagyat na saya, at parang umaaliwalas pa
ang maaliwalas na niyang umaga.
“Kape?”
Nakasimangot, tumango
ito.
Isinandal niya ang
walis-tingting sa punong katuray, at tinungo niya ang kusina. Nagtimpla siya ng
kape.
Malaki ang nabago sa
buhay nilang mag-asawa, lalo na sa kanya, magmula nang maging bahagi ng
tahanan nila si Aldrin. Dati kasi, lagi niyang hinahanap ang pagiging ina.
Minsan lang kasi sa isang taon kung dumalaw sa kanila ang mga anak nila't apo.
Iyon ay tuwing Undas lang, kung Mahal na Araw, at tuwing Pasko hanggang Bagong
Taon. Kung mga karaniwang araw, sila lamang ni Mang Tasyo sa bahay. Kung minsan
pa nga, siya lang mag-isa. Wala siyang ibang pinagkakaabalahan noon, liban sa
mangapit-bahay, at doon ay makipagkuwaho o kaya nama’y tong-its.
Masaya siya sa
pag-aalaga kay Aldrin. Masaya siya sa pagpapaligo’t paggagayak dito. Kung
minsan, pag nadaraan siya sa palengke sa bayan, binibilhan niya ito ng bola, o
ng laruang kotse, o ng mga tao-tauhan. Parang may sumusulak na saya sa damdamin
niya pag sabik na sabik nitong kukuhanin sa kanya ang laruan, itatakbo sa
likod-bahay at paglalaruan, ilalakad at kunwang itatalon sa mahabang upuang
kahoy.
Kilala na nga ito ng mga
taga-Callos. Tuwang-tuwa ang mga ito kay Aldrin. Minsan nga ay itinatayo pa ng
mga ito si Aldrin sa ibabaw ng mesa, pakakantahin ng “Ako ay May Lobo”, saka
bibigyan ng piso. Tuwang-tuwa naman si Aldrin. Tatakbo agad ito sa tindahan, at
ibibili iyon ng kending “caramel”.
NANG nasa elementarya na si Aldrin,
kumpleto ito sa gamit. May pantasa ito, lapis, papel, kuwaderno, bag, at pencil
case. Di gaya ng mga kaklase nito, na ang bag ay sinulsihang sako, ang pambura
ay nirolyong goma, at ang pencil case ay supot na labo. Tuwang-tuwa nga siya
noong unang araw nito sa elementarya. Para bang iyon ang unang pagkakataong may
anak siyang pinag-aral, gayong kung tutuusin ay hindi naman niya ito anak.
Siyang-siya siyang pagmasdang nakauniporme ito, na nakasukbit dito ang bag, at
na kung lumakad ito ay nakapamulsa pa. Noon,
lagi niya itong naiisip, kung hindi kaya ito naiinip o nagugutom.
“Nanay, t-tinuruan kami
ni Ma’m kangina…’yung malilit na gagamba,” mayabang na sabi nito.
“Pakinig nga…pakinig
nga,” itinukod niya ang kulubot nang kamay sa kulubot na ring mga tuhod, saka
inilapit ang mukha sa ampon.
“Maliliit na gagamba,
umakyat sa sanga, dumating ang ulan itinapon siya…” kinanta iyon ni Aldrin, na
may pamuwestra-muwestra pa ng mga kamay.
HINDI alam ni Aldrin na ampon lang
siya, at kailanman, hindi rin iyon ipinaramdam ni Insong Asyang sa bata. Sunod
na sunod ang layaw nito. Ni minsan, kahit na noong nangamoy usok ang kanilang
sinampay dahil sa paglalaro nito ng apoy, kahit pa nakababasag ito ng pinggan
tuwing kakain, dala ng kakulitan, kahit pa itinatapon nito ang pera pag bagong
gising ito’t wala sa kondisyon, ay hindi niya ito napagbuhatan ng kamay.
Dumating pa nga sa punto na buwisit na buwisit na siya't papaluin na niya ito
ng walis-tambo, ngunit di niya kaya, di niya magawa, kaya’t sa inis niya,
inihampas na lang niya sa sahig ang walis. Putol ang walis-tambo!
Kapag naman
nakikipaglaro ito ng lastiko o kaya’y holen sa ibang bata, at natalo, at uuwi
itong umiiyak, ay inaabangan pa niya sa kalsada ang batang nakatalo rito, at
babawiin niya ang lastiko’t holen ni Aldrin. Maski pag nandiyan sa kanila ang
mga apo niya, at nagbabag ang mga ito, ay si Aldrin pa ang kinakampihan niya.
Pati nga si Mang Tasyo, pinagsasabihan niya, pag napagsasalitaan ng di
maganda si Aldrin.
MINSAN, isang umaga, nasa paaralan
noon si Aldrin, sila lamang ni Mang Tasyo sa bahay, nasa tarangkahan siya noon,
nagsisiga ng mga sukal na dahon, nang may bago-bagong pulang kotseng
huminto sa harap ng bahay nila. Bumaba ang tsuper nito, isang babaeng
nakasalaming may kulay. Katamtaman ang tangkad at mahaba ang buhok.
Nakalipistik ito. Makapal ang make-up. Di man lang, parang nadudumihan na siya
rito. Nagtaas ito ng salamin, hanggang sa iyon ay mapunta sa may ulo.
Sinilip niya ito. Sinisino niya, subalit hindi niya
makilala.
“Insong Asyang… Mang
Tasyo…” malamig ang tawag nito, parang ayaw makagambala.
“Anong kailangan mo,
Ineng?” nagulat pa siya, naroon na pala sa tabi niya ang asawa.
“Insong Asyang, Mang Tasyo,
ako ‘ho ‘to… si Elsa,” nakangiting sabi ng babae.
Ewan ba niya, bigla siyang nakaramdam ng muhi nang sabihin
nitong siya si Elsa. Pero higit doon, takot at pagkabahala ang kanyang
nararamdaman.
Binuksan nito ang
tarangkang kahoy, saka pumasok at lumapit sa kanila. Nagmano ito sa kanila.
“Kukunin ko na ho sana
si Aldrin,” walang ano-anong sabi nito. “ And’yan na ho ba s’ya?” luminga
ito nang konti sa gawing pintuan.
Ganoon na lang ba iyon?
Iniwanan mo tapos bigla mong kukuhanin? Ni hindi ka nga naghirap sa
pagpapalaki. Ni hindi mo nga alam ang paboritong ulam no'ng bata. Parang gusto
niyang sabihin. Ngunit may kung anong pumigil sa kanya.
“Nasa esk’wela,”
matabang ang pagkakasabi niyon ni Mang Tasyo.
“Mga kelan pong uwi
n’ya?”
“Mamayang tanghali,”
tugon ni Mang Tasyo. “Kakain lang ‘yon, balik ulit sa esk’wela.”
Di pa rin siya umiimik.
Ewan ba niya, pero parang sumama ang pakiramdam niya.
“Hintayin ko na
lang po.”
Sa loob, ikinuwento ni
Elsa ang lahat, na nagkaasawa ito ng mayaman-yaman ding Hapon, kaya guminhawa
sa buhay, na kadarating lamang nito sa Pilipinas noong nakaraang linggo, at, na
kukuhanin na nga nito sa kanila si Aldrin. Aayusin ang mga dapat ayusin
at isasama na ito sa Japan.
Binayaran sila ni Elsa,
para raw iyon sa pag-aalaga nila kay Aldrin. Iniabot nito iyon sa kanya.
Nakasobre iyon. Hindi niya kinuha. Ipinagpilitan ni Elsa. Kinuha ni Mang Tasyo.
Narinig niyang bumukas
ang tarangkang kahoy. Napatingin siya sa pintuan. Si Aldrin.
“Nanay, Nanay, m-me bago
na namang ‘tinuro sa ‘min si Ma’m,” nagkakandabulol ito.
Napatingin siya kay
Elsa. Nakangiti ito. Parang di makapaniwala.Tumayo ito, agad-agad na nilapitan
si Aldrin, saka niyakap nang mahigpit.
Napatingin si Aldrin sa
kanya, kukurap-kurap.
Lumuwag ang yakap ni
Elsa rito. Ikinulong nito sa sariling mga palad ang mukha ni Aldrin.
Kukurap-kurap lang si Aldrin. Hinalikan ito ni Elsa sa noo.
“Anak ko, an’laki-laki
mo na,” muli nitong niyakap si Aldrin. Mahigpit .
Nagpilit na kumawala si
Aldrin. Nagulat si Elsa. Lumuwag ang pagkakayakap nito rito.
Tumakbo si Aldrin sa
kanya. Yumakap. Sumiksik ng yakap. Parang natatakot. Niyakap din niya ito. Ayaw
niya itong ipayakap pa kay Elsa.
“Anak, ako ‘to… s-si-si
Mama mo,” nakikiusap ang tinig ni Elsa. Napaluha ito.
“E balikan mo na lang siguro sa 'sang linggo, ano…a,
Elsa. Ganitong araw din,” sabi ni Mang Tasyo. “Para makasama rin naman namin
‘yong bata. Kahit sa huling pagkakataon. Aba, e kami rin ang nagpalaki dya’n,
e”.
Tumango lang si Elsa.
Nagpupunas ito ng luha.
Pagkaalis ni Elsa,
kinausap nilang mag-asawa si Aldrin. Ayaw nitong pumayag. Panay ang iyak. Bakit
daw siya ibibigay sa babaeng iyon, e hindi naman daw niya iyon kilala. Hindi na
raw ba siya mahal kaya ipamimigay na siya? Hindi nila ito mapatahan, hanggang
sa mapagod na lang ito sa kaiiyak, at makatulog.
Kinausap niya ang asawa.
“E… pa’no kaya
kung ‘wag nating ibigay si Aldrin?” may pag-aalangang sabi niya. Basag ang tinig
niya. Naiisip niya, paano kaya kung kuhanin na nga ni Elsa si Aldrin. Baka
hindi na niya ito makita.
“’Yon nga ding naiisip
ko, e. Tayo namang nagpalaki sa bata. Ang kaso, halatang hindi papayag si Elsa.
T’yak 'yon.”
“E di ilaban natin,”
nag-aalalay niyang sabi.
“Naku. Ito, oo,
Engracia. Umarya ka na naman,” pasinghal na sagot nito sa kanya. “Kung
ano-anong napag-iisip mo. Tayo ngang nagpalaki ke Aldrin, pero ‘ala rin tayong
laban. E di ba’t ‘ala naman tayong papel d’yan sa pag-aampun-ampon na’yan? Saka
gagastos pa tayo. Keige-ige’t nagagamit ng mga anak mo ‘yong pera sa
pagpapaaral ng mga apo mo, e. ‘Pambabayad mo pa ng abogado!”
Tuluyan na siyang naluha.
KINAGABIHAN, hindi siya
mapagkatulog. Habang nakatingin sa bubong na walang kisame, naiisip niya si
Aldrin. At kinaumagahan, mas maaga siyang nagising. Pero parang wala sa
kondisyon ang katawan niya. Tamad na tamad siyang magligpit ng hinigan at
magwalis ng tarangkaha't likod-bahay.
Nang magising si Aldrin,
niyakap niya ito agad. Iyong mahigpit. Hindi niya napigilan, napaluha siya.
“’Miiyak ka, Nanay?”
tanong ni Aldrin.
“Hindi…h-hindi,” mabilis
niyang pinahid ng mga palad ang luha.
“Magkakape ka?”
Tumango ito.
NANG tanghali, habang kumakain
sila, parang papel na napunit ang katahimikan.
“Nanay, ‘bibigay n’yo ba
‘ko r’on sa ale? ‘Yong kahapon?”
Nagkatinginan silang
mag-asawa.
Tumulo na naman ang luha
niya. Agad niya iyong pinahid ng may mumo niyang kamay.
“Hindi. Hindi ka namin
ibibigay d’on. Kumain ka na,” sabi ni Mang Tasyo.
“Talaga?” napamurilat na
ang mga mata ni Aldrin.
“Oo, ba’t ka namin
ibibigay d’on, e anak ka namin," inilapit pa ni Mang Tasyo kay
Aldrin ang pinggan. "O , dali na. Kain
na.”
SA SALA, nang sila na lamang
mag-asawa ang gising, muli nilang napag-usapan si Aldrin.
“E ‘gayak mo na’ng mga
gamit n’ong bata, at nang pagdating ni Elsa e ‘ala nang problema.”
Hindi siya kumikibo.
Tangan niya ang isang bimpo. Panay ang punas niya ng luha’t sipon. Namumula na
ang kanyang ilong.
“Aba! E di lang naman
ikaw ang nahihirapan,” nagtaas na ng boses si Mang Tasyo. “Kelangan d’yan e
unti-unti na nating tanggapin, at nang di mabigat sa loob. E, samakalawa e
kukunin na si Aldrin. E ‘yon ang nanay n’ya, e. ‘Ala tayong magagawa. Saka
siguro naman mas mapapalaki n’ya ‘yon nang mahusay.”
Lalo siyang naiyak.
NANG malakawa rin, kung kelan alam
nilang babalik si Elsa, hindi na nila pinapasok sa eskwelahan si Aldrin.
“Ba’t gan’tong suot ‘ko,
Nanay? Ha?” tanong nito.
“E, me pupuntahan tayo.
'Wag ka munang pumasok, ha? Bukas ka na lang pumasok, 'no?” sabi niya. Basag
ang boses niya. Kukurap-kurap siya. Nahihilam siya sa sarili niyang luha. Panay
ang singhot niya.
“E, me ituturo raw si
Ma’m sa’ming bagong kanta, e. Sa'n ba tayo pupunta? E, ba’t kayo… ba’t di kayo
nakabihis?”
“Mamaya na ‘ko
magbibihis. Inuna lang kita,” sabi niya, habang isinisintas ang sapatos ni Aldrin.
Tahimik lang ito.
Kukuya-kuyakoy ang kabilang paa.
Niyakap niya ito.
“Papakabait ka, a.
Mahal ka ni Nanay,” tuluyan na siyang naiyak.
Niyakap din siya nito.
“’Miiyak ka? Ha, Nanay?” tanong ni Aldrin, nang maglayo
sila sa pagkakayakap. “Lagi ka na lang ‘miiyak. Naalala mo siguro sila Kuya
Imo, ‘no Nanay?”
Nakarinig siya ng ugong
ng kotse. Huminto ito sa tapat nila.
“’Eto na si Elsa!” sigaw
ni Mang Tasyo.
“’Alika na, anak.
Dali,” hinawakan niya sa kamay si Aldrin. Sa kabilang kamay, bitbit niya ang
lumang bag na katamtaman ang laki.
“Pahalik nga muna si
Nanay,” sabi niya, nang nasa labas na sila. Hinalikan niya sa pisngi si Aldrin.
“Payakap nga uli.”
Yumakap sa kanya si
Aldrin. Mahigpit. Niyakap din niya ito. Mas mahigpit.
“’Papakabait ka ya,”
ikinulong niya sa mga palad niya ang mukha ng bata.
Hindi umimik si Aldrin.
Kukurap lang ang singkit nitong mga mata.
“Kunin mo na ‘yung
bag,” sabi ni Elsa.
Kinuha ng tsuper sa
kanya ang bag, at inilagay iyon sa kotse, doon sa upuan sa unahan.
“Sige na, Elsa,” mabilis
niyang pinahid ang luha niya.
Hinawakan ni Elsa sa
kaliwang kamay si Aldrin. Nagulat ito. Kumawala ito.
“Anak, tara na,”
hinawakan uli ito ni Elsa sa kamay.
Nagpilit kumawala si
Aldrin, pero mahigpit na ang hawak ni Elsa.
“Nanay!”
Nakatingin lang siya
rito. Parang hihimatayin siya.
“Nanay! Nanay! Tatay!
Nanay!” umiiyak na si Aldrin.
Naglupasay ito sa lupa. Napabitaw si Elsa. Tumakbo sa kanya
si Aldrin. Yumakap sa mga hita niya.
“Kunin mo nga!”
Nilapitan ito ng tsuper,
pilit na kinukuha. Kumapit ito sa bestida niya. Tinanggal ng tsuper sa
pagkakakapit ang mga kamay nito. Pinangko ito, dinala sa kotse.
“Nanay! Nanay ko!”
Panay ang sigaw nito.
Iyak ito nang iyak.
Tumulo na naman ang luha
niya. Parang gusto niyang humagulgol. Parang gusto niyang sumigaw. Alam niya,
hindi na niya muling makikita si Aldrin. Bigla, naalala niya ang madalas nitong
sabihin sa kanya, tuwing katatapos lang ng Undas, Pasko’t Bagong Taon at Mahal
na Araw, at pauwi na sa kani-kanilang bahay ang mga anak niya’t apo.