Sabado, Agosto 11, 2018

Liwanag



Darating ang gabi, anak,
hindi mo na mapapansing
sinusundan ka ng buwan.
Hindi mo na siya titingnan, o kakawayan.
Kasabay iyon ng panahong
hindi ka na natutuwa sa ulan,
o sa eroplanong mababa ang lipad.
Ito ang yugtong mas madilim na ang gabi,
at hindi basta mapagliliwanag
ng pisikal na mga tanglaw.
Pero huwag mangamba, anak.
May sariling liwanag ang iyong dibdib.
Matuto ka lang itong hanapin.
Gagabayin ka niya
sa pinakamadidilim mang landasin.

Lunes, Agosto 6, 2018

Pusang Itim


Bata, bata, huwag akong katakutan.
Wala akong dalang malas.
Ibaon mo na sa lupa
ang itim-puting mga paniniwala.
Kung tumawid ako, at
ika’y nagdaraan, magpatuloy ka lamang.
Wala akong dalang malas,
mayroon lang ding pupuntahan.
Kakulay ko ang malusog mong buhok,
ang tinta mong gamit, ang punong kamagong.
At gaya ng gabing tahimik,
huwag kang matakot sa akin.
Kasinghiwaga ng dilim ang mga mata namin,
may ibubukas sa iyong marikit,
at mahiwagang daigdig.