Lunes, Disyembre 26, 2016

Sapagkat Lagi Tayong Nagmamadali


Hindi na tayo kumakanta kung naliligo,
hindi na halos nakikipagtawanan kung kumakain,
hindi na kinakausap ang sarili sa salamin.
Hindi na natin tanda
kung kailan natin huling pinagmasdan
ang dapithapon at bukangliwayway,
kung kailan huling ikinagalak
ang biglaa’t malakas na ulan.
Hindi na tayo nakikipagkumustahan
sa mga kapatid, mga kaibigan
hinggil sa kanya-kanyang kalagayan.
Nalilimutan na natin ang rikit
ng payak at libreng mga bagay.
Nagmamadaling makina na
ang tingin natin sa buhay.
At sa pagitan ng bawat pagsalubong natin
patakbo
sa paparating na dyip,
sagsag na paglakad
papasok sa trabaho,
naiiwan natin sa hindi na nahalong kape
ang mga munting piraso
ng ating pagkatao.


12/13/16