Linggo, Pebrero 7, 2016

Power Trip


Nagulat ka sa sanlaksang pulang langgam
na nagkukumpulan
sa itinapon mo kaninang tira
sa mamahaling tsitsirya.
Maligalig sila.
Maliliksi, masaya.
Nagkabituin ang iyong mga mata.
Dali mong kinuha
ang makunat nang piraso,
at nilunod
sa bunganga ng inodoro.

Natanong mo ang sarili, pagkatapos.
Matapos titigan
ang nagtititigok na mga langgam.

Ano nga ba ang napala mo
kumpara sa buhay
ng sangkaterbang insekto?


Panibugho


May natutulog na insekto
sa ating pinakaloob
na kung nagigising
ay nag-aalburuto.
Panay ang lipad
at kay likut-likot.
Kung gayon tayo dinadalaw
ng kakaibang lungkot,
hindi makatulog
o kung makatulog ma’y
sa sama ng loob.
May nagpayo sa aking
ingatang huwag magising
ang insekto.
At ang sagot ko,
“Papaano ba iiwasan
ang pag-ibig sa ibang tao?”