Sabado, Oktubre 31, 2015

Gusali


Bigla na lamang silang nagsulputan.
Mga punong lumalago,
mga ataul na nakatayo.
Sa ibaba, kay gandang tingnan:
mga kandilang nakahalukipkip,
matikas ang tindig;
malayo ang tingin,
wari’y laging dapat sundin.
Ngunit sa itaas natin tingnan.
Hayan, hayan.
Ang siyudad, isang libingan.

At sa loob ng mga iyan,
nabubulok na mga laman.


Billboard


I
Makikinis na kutis,
labis ang ningning. Ngunit
talagang iba pa rin
tinakpan nitong langit.

II
Mga halimaw silang
laging nakapamaywang.
Pinapastula’y kan’lang
nilasong sambayanan.