Kasabay mo na naman sa
bus
ang diyos ng tag-araw,
at naglipana sa labas
ang likha niyang mga
halimaw.
Mga dambuhalang
nagbabaga ang hininga,
mabaho, nakapapaso.
Sinasakal ang mumunting
mga hanging
nakatalaga sa paligid.
Hindi umuusad ang
inyong sasakyan,
nakapalibot sa
abot-tanaw ang dahilan:
sugatang mga daan.
Alam mong mula ang
sugat
sa kapiling nitong mga
manggagawa’t
sasakyan,
at na nagmumula ang
kanilang lakas
sa matamlay na ninyong
mga kalamnan.
Ngunit alam mo ring
kasangkapan lamang sila.
Bahagya mo pang
nakikita
sa kanilang bumbunan
ang antenna.
Sa malamig na tanggapan
na hindi abot ng iyong
tanaw,
kumukuya-kuyakoy ang punongbayan.
Nilalaro ng mga daliri
ang controller
at nakapatong sa mesa
ang nangangatog na baso
ng soda.