Nagluluksa
ang langit
kakaunti
ang ulap, walang bituin,
nang
magkita-kita kaming magkakaibigan
sa dating
tagpuan
habang
tinatanglawan
ng kulay
nilagang kamoteng-kahoy na buwan.
“Bakit
ganoon ang tao?"
basag ang
tinig, napatitig ako sa bukid.
“Bakit may
mga kaibigang kailangang mawala sa’kin?”
Sumagot
ang punong akasya,
alingawngaw
sa yungib ang tinig niya,
“Hindi
kasi kayo gaya namin,
iba-iba
ang inyong destinasyon
kaya sa
daan lang kayo nagkakasalubong.
May
kanya-kanya kayong kaluluwa, pangarap, layon.”
Kumumpas
ang maliit niyang sanga,
nagpalingon-lingon
ang nakatiklop niyang mga dahon,
bumilis
ang kembot ng mga damo
at narinig
ko ang tinig ng hanging amihan.
“Kaibigan,
‘wag kang magdalamhati
kung may
lumilisan,
tandaan,
malaya ang mga tao.
Iba ang buhay
nila sa iyo.
Sabi nga
ng isang maya,
ang
kaibigan sa tao, parang dahon ng akasya,
may
nawawala, oo, marami,
pero
tingnan mo’ng kanyang mga sanga,
inuusbungan
ng bagong mga dahon.”
Napatingin
ako sa punong akasya.
“Hindi
ganoon.
Oo, may
mawawalang dahon at may tumutubo.
Ngunit
hindi sapat na dahilan ‘yon
upang di
ako malungkot.
Oo nga’t
may pumalit sa mga nawala,
subalit
iba ang dumating sa lumisan.
Sa
tag-ulan ko kasama ang mga umalis
sa
tag-araw ko naman kapiling
ang mga
bagong dating.
May mga
karanasan akong kaya nilang unawain,
na ni
hindi kilala ng mga bagong dating,
may mga
alaala kaming mababalikan
na di
kayang puntahan
ng ilang
milyon mang bagong kaibigan,”
tumulo ang
aking luha.
Natahimik
ang mga dahon ng akasya,
humina ang
hangin,
nalumbay
ang mga damo sa bukid,
at
naramdaman kong may humalik sa aking luha.
“Paumanhin,
Kaibigan, paumanhin.
‘Wag kang
mabahala,
dalawa sa
mga kaibigan mo ang di lilisan.”
Tumulo
muli ang luha ko.
Napayuko
ako,
umihip ang
banayad na hangin sa aking kinatatayuan
para akong
niyayakap.