Miyerkules, Mayo 11, 2011

Otso Pesos



Ikaw na laging rumerenta ng kompyuter
para mag-You tube at  mag-Facebook
ikaw na hindi nawawalan ng load
alam mo ba kung saan
ang hangganan
ng biyaheng pang-otso pesos
na kumakalansing sa iyong bulsa
nagmumukmok sa madilim na alkansya
at madalas guwardiya sa iyong pitaka?

Alam mo ba kung
hanggang saan aabot
otso-pesos na iyan
kung iyong isusubo’t lulunukin?
Tingin mo
maitae mo pa kaya iyan
at mahalukay sa inodoro
o bumara lang
o  matunaw sa iyong sikmura?

Alam mo ba
kung ilang balat ng kendi
maiipon mo
mula sa iyong otso-pesos
o kung ilang gatang ng bigas
maari niyang maging katumbas?

Alam mo ba
kung magiging gaano kainit
iyong puwet
kung isasakay ka niyan sa dyip
o kung gaano karaming
tanawin iyong makikita
kung ilululan ka niyan sa traysikel?

Kung ilaglag mo kaya iyan
sa lansangan,
tingin mo
may magdalawang isip kayang
pulutin ‘ya’t ibulsa
pag nahagip ng kanyang mga mata?


Ikaw na laging rumerenta ng kompyuter
para mag-You tube at  mag-Facebook
ikaw na hindi nawawalan ng load
hawakan mong maige
otso-pesos mo
dahil alam ko
kung gaano ‘yan ikinangangawit
ng mga opisyal ng MMDA,
kung gaano ‘yan ikinamamalat
ng mga barker ng dyip
dahil alam ko
isang oras ‘yang ‘pinagtatrabaho
ng mga bell boy
ng mga motel.