Miyerkules, Marso 30, 2011

Sumapit Man ang Araw na Iyon


Natatakot akong
sumapit ang araw
na ang ibinubulong, isinisigaw
ng aking mga titik
ay tuluyan nang
hindi pansinin
ng nalilitong mga mata,
daan-daanan na lang
ng nagmamadaling mga paa,
balewalain
ng nag-aapuhap na mga kaluluwa.

Natatakot akong
dumating ang panahon,
ang daigdig
ay maging masyadong abala
upang pansinin pa't pakinggan
sinasambit ng aking mga titik.

Ngunit, marahil,
kung ngayon pa lamang
makabubuo na ako,
makalilikha
ng mga titik
na makikipagbuno sa panahon,
hindi ko ikatatakot ang araw na iyon.


Tuwing Alas-seis Hanggang Alas-nuwebe ng Umaga



Tuwing alas-seis hanggang alas-nuwebe ng umaga,
pag papasok na 'kong eskuwela,
napapansin kong tayuan sa mga bus
biyaheng Cubao at Santa Cruz,
tulakan, agawan, siksikan
sa mga dyip na pa-Monumento't Santa Mesa,
at parang mga pelikula
na hari ng takilya
mga kahon ng Em Ar Ti't El Ar Ti.

Tuwing alas-seis hanggang alas-nuwebe ng umaga,,
masikip ang kalsada
ng NLEX, Mac Arthur at EDSA,
parang may welga
ng mga sasakyan sa Mendiola.

Tuwing alas-seis hanggang alas-nuwebe ng umaga,
nagkakandamalat kasisigaw
mga barker ng dyip
para sa baryang bayad ng tsuper.

Tuwing alas-seis hanggang alas-nuwebe ng umaga,
mas madalas akong makakita
ng mga buwaya sa kalsada,
at sa mabigat na daloy
ng mga sasakyan sa kalsada,
sa nakatutulig na mga busina,
gustong-gusto kong murahin
ang kinakalawang na sistema.


Miyerkules, Marso 23, 2011

Balita


Ayoko na pong
manuod ng balita.
Ayoko nang makinig
ng radyo.
Ayoko nang magbuklat
ng d'yaryo.
Ayoko nang magbukas
ng tv.

Sawang-sawa na kasi 'ko
sa mga nangyayari,
sa korapsyong sasambulat
uukilkilin, lilitisin
tatangayin ng hangin
sa mga pulis na kriminal
sa pagtaas
ng presyo
ng kuryente, bigas,
pamasahe't petrolyo.

Sukang-suka na 'ko
sa damuhong k'wento
ng maaarteng artista
sa tsismisang walang k'wenta.

Sabihin n'yo na lang po
sa akin
pag natuldukan na
kinakalawang na sistema
pag masa na nasa tuktok
ng tatsulok
tiyak, nagkukumahog
manunuod ako ng balita.


Martes, Marso 22, 2011

Mag-aral Ka, Anak


Anak, Anak ko,
ipangako mo sa akin
pag nag-aral ka
hindi mo sila gagayahin.

Ayokong matulad ka,
Anak, sa kanila
na palasak at hungkag
ang pangarap.

Anak, mag-aral ka
hindi para sa diploma,
hindi dahil sa Ti O Ar,
dahil sa Recto
p'wede mong ipagawa
mga papel na iyan
ng UP, PUP, Ateneo, La Salle.

Mag-aral ka, Anak,
'wag na upang igalang
ng mapanghusgang lipunan,
dahil minsan,
mas karespe-respeto pa
mga puta
kaysa sa mga may pinag-aralan.

Mag-aral ka, Anak,
para sa iyong mga pangarap,
mag-aral ka,
para sa karanasan,
mag-aral ka,
para sa karunungan.
Dahil ang mga iyan, Anak,
ay hindi mga papel
na naipagagawa sa Recto.


Linggo, Marso 20, 2011

Pagbutihin Mo



Ikaw
na umaalis ng bahay nang maaga
may baon, nakauniporme
kumpleto sa gamit
kuntodo postura
pero di pumapasok sa eskuwela
pagbutihin mo.

Ikaw
na diyos-diyosan
ng mga adik sa DOTA
ngunit parang latak sa eskuwela,
ikaw na
masipag tumanga
kasama ang barkada
pagbutihin mo.

Ikaw
na walang ibang inatupag
kundi makipaglandian
manigarilyo, makipag-inuman
makipagligawan
pagbutihin mo.

Ikaw
na doktor ng pirma
ng iyong mga magulang
at mananahi ng mga gasgas na palusot
pagbutihin mo.

Ikaw
na masipag magbukas ng facebook
ngunit tamad magbuklat ng libro
laging may baong
pulbo't pabango
ngunit laging nanghihiram
ng bolpe't yellow pad
pagbutihin mo.

Pagbutihin mo lang, pagbutihin mo
dahil yakang-yaka
ka pa namang tustusan
ng minamahal
mong mga magulang.
Marami pa namang maititindang gulay
inuuban mo nang nanay.
Marami pa namang pasaherong
maihahatid-sundo
tricycle driver mong tatay.

Ngunit ikaw
ikaw na mabuting anak
'wag kang matutulog
dahil baka sa pagniniig ng iyong
mga pilik-mata
sagpangin ka ng bangungot
likha ng iyong konsens'ya
baka di mo na masilayan
nanlalabo mo nang umaga.


Huwebes, Marso 17, 2011

Supremo


Siguro nga, Supremo,
hindi larawan mo
nakaukit sa piso.
Siguro nga,
wala kang pambansang parke
gaya ng Luneta
o museo
tulad ng Fort Santiago.
Marahil hindi rin ganoon karami,
Supremo, mga bayan,
gusali’t paaralan
na isinunod sa iyong ngalan,
di gaya nina Quezon at Rizal.
Pero ito ang tandaan mo, Supremo,
kundi marahil sa iyong itak
at kundi umalingawngaw
sa bawat kanto ng Pilipinas
sigaw mo sa Balintawak,
baka hindi naiwagayway
ni Aguinaldo sa Cavite
watawat ng ating kalayaan.


Siguro nga, tama sila,
hindi ka puwedeng maging pambansang bayani
dahil naitatag mo lang naman
ang Katipunan
nang matibag ang La Liga Filipina,
dahil lumaban ka lang naman
nang matanaw mong nasindihan na
ng Noli at Fili
mitsa ng rebolusyon.
Pero naniniwala pa rin kaming mga aktibista, Supremo,
kaming nananalig sa dahas
at hindi sa pawang pakiusap,
na hindi mo tinalunton ang pilapil
na hinulma ni Rizal,
bagkus, naniniwala kami,
na hinawan mo ang mga damong-ligaw
para makalikha ng higit
na mahusay na kalsada
tungo sa tinitingala nating demokrasya.