Sabado, Disyembre 4, 2010

Sa Mendiola


Sa Mendiola
sa krus na kalsada ng Recto’t Legarda
hindi lamang ugong ng dyip
at busina ng mga kotse
iyong maririnig
kundi maging walang humpay na panawagan
ng sambayanang sadlak
sa umaaalingasaw na lusak.


Sa Mendiola
hindi lamang mga gusali’t eskuwelahan
iyong makikita
kundi pati ang nangakataas na kamao ng masa
kapit-kamay at may iisang diwa
mula noon, hanggang ngayon ay umaasa
na maibubuwal
pader ng kinakalawang na sistema.


Sa Mendiola
sa lugar na laging mabigat
daloy ng trapiko
hindi lamang usok
iyong malalanghap
kundi pati masangsang na amoy ng paghihirap
ng mga Pilipinong nagsusumikap
habang ang mga namumuno’y umiinom ng alak
nagkakamot ng bayag, nambabae
nangungurakot, nagpapasarap.


Sa Mendiola
hindi miminsang lumigid ang mga mikropono’t kamera
ng d'yaryo, radyo’t telebisyon
upang ibuyangyang sa sambayanan
mauling na mukha ng karalitaan
at pihikang katarungan.


Sa Mendiola
sa tapat ng rebulto ni Chino Roces
minsan nang damanak ang dugo.
Iyon ay dugo ng mga Pilipino
na sa kagustuhan ng maayos na buhay,
binambo, binaril, pinagpapatay.


Sa Mendiola,
hindi mamamatay
mga panawagan,
hindi mapaparam
alab ng pag-ibig sa bayan,
hanggang masumpungan
mailap na katarungan,
hanggang makaahon ang bayan,
hanggang sa ang kalayaan ay maging tunay,
at hindi na isang larawan.