Siya si Ghint, pinakamatalik kong kaibigan.
Maputi siya. Katamtaman ang tangkad.
Balingkinitan. Maganda ang mga mata. At mukhang suplado.
Gaya ko, mahilig din siyang magsulat, at
nangangarap na balang araw ay maging isang mahusay na manunulat,
makapagpalathala ng sarili niyang mga akda, at makapag-ambag sa panitikang
Filipino. At sa husay ng panulat niya, tantiya ko, hindi naman iyong malayong
maabot. Saludo ako sa panulat niya. May isa nga siyang maikling kuwento, na sa
sobrang paghanga ko, hindi ko na maalala kung ilang beses kong binasa. Pati ang
propesor namin sa malikhaing pagsulat, gandang-ganda sa piyesa niyang iyon. May
pamagat iyong “Vheane.”
“Mahusay,” sabi ng propesor namin. “Buhay na
buhay. Parang hindi gawa ng baguhan. ‘Yong ganitong mga akda, metaphysics ang
konsentrasyon nito. Tinatalakay ang mga paksang hindi naaabot ng physics.
Diyos. Langit. Paglikha. Alam mo ba ‘yon?”
Umiling lang si Ghint.
“O? Mas magaling,” parang di makapaniwala si
Sir. “Nakasulat ka ng eksistens’yalismo nang hindi mo alam kung ano ‘yon.”
Ang pangunahing tauhan niya roon ay si Vheane,
isang dokumentarista. Sa dami ng taong nakasalamuha ni Vheane, mahirap,
mayaman, pulitiko, magsasaka, kriminal, pulubi, at sa dami ng kanyang naging
karanasan, lumalim ang pananaw at pagtingin niya sa buhay, hanggang sa
hinahanap na niya ang kahulugan niyon. Bakit daw may maganda pa’t guwapo? Hindi
raw patas ang buhay. Bakit may mayaman pa’t mahirap? May isang linya nga roon
na talaga namang tumatak sa akin. Masarap mabuhay. Kung isa ka sa mga
pulubi sa Quiapo, sa sahig natutulog at nagra-rugby para lang huwag magutom,
tingin mo, kaya mong sabihin ‘yan? At dahil hindi maintindihan ang
buhay, lagi, bago matulog, ipinagdarasal niya, sana hindi na siya magising.
Hanggang isang umaga, dahil naiinis nang lagi siyang nagigising, tumingala siya
sa kisame. Wakas.
Kinilabutan ako nang mabasa ko iyon. At kahit
nang basahin ko iyon nang ilan pang ulit, nakararamdam pa rin ako ng lungkot.
Nilalamon pa rin ang utak ko ng mga mga tanong.
Apat na taon kaming magkaklase ni Ghint sa
kolehiyo, kung saan ko siya nakilala at naging kaibigan. Sa apat na taong iyon,
madalas, siya ang kasama ko’t kausap, sa pag-uwi at sa pagpasok, tuwing kainan,
sa pagsasaliksik sa silid-aklatan, at kung saan-saan pa. Sa mga proyekto at
pangkatang-gawain, madalas, nasa iisang pangkat lang kami. Gayondin, sa klase,
kalimitan, kami ang magkatabi, maliban na lang kung may seat plan ang
propesor namin. At dahil nga sa mga iyon, natutukso kaming kambal.
Nagsimula ang pagkakaibigan naman ni Ghint nang
minsang magkasabay kami sa pag-uwi, sa dyip na pa-Divisoria. Katanghalian
noon. Katirikan ng araw. Nakipag-unahan ako sa pagsakay sa dyip, at sa
loob, pag-angat ko ng tingin, nakita ko siya. Magkaharap lang kami. Nakilala ko
siya sa mukha, ngunit hindi ko maalala ang pangalan niya.
Saglit niya akong tiningnan. “Di ba classmate
kita?” sabi niya.
Tumango lang ako, saka ngumiti nang bahagya.
“Sa’n ka umuuwi?”
“Valenzuela, ‘kaw?” sagot ko.
“Valenzuela din. Sa’n ka sa Valenzuela?”
“Canumay, ‘kaw?”
“Magkalapit lang pala tayo, e,” sabi niya.
“Paso de Blas lang ako, e. Anong sinasakyan mo?”
Noon din, napansin kong may pagkamadaldal siya.
Malayong-malayo sa tahimik na anyo ng kanyang mga mata.
“Bus, d’yan sa Avenida.”
“O, talaga? D’un din ako, e,” bahagyang
napalakas ang boses niya, at napansin kong pinagtinginan kami ng ibang
pasahero. “Sabay na tayo, a.”
Dala ng hiya, hindi ako nakakibo. Tumango na
lang ako. Kung hindi nga lang siya palatanong, ayoko na talagang kumibo.
“Bayad na tayo.”
Oo nga pala, hindi pa nga pala ako nagbabayad.
Dumukot ako ng pera sa bulsa ng pantalon ko.
Dalawampung pisong papel ang nadukot ko.
“Ma, bayad po,” iniabot ko ang bayad.
“Dalawang Avenida po ‘yan, estudyante.”
Dahil Sabado, mabilis ang biyahe. Paahon na sa
tulay ng Nagtahan ang dyip.
“Ibinayad mo ‘ko? 'Eto, o,”, inabutan
niya ako ng pera.
Hindi ko kinuha. “'Wag na.”
“Ano ka ba, pinagtatrabahuhan 'yan ng mga
magulang mo,” inilapit pa niya ang abot.
Nakahihiya na kung hindi ko pa rin kukuhanin.
Inabot ko. Barya. Palagay ko’y siyete pesos. Pero hindi ko na tiningnan.
Ibinulsa ko na agad.
“Sukli, o,” iniabot ng tsuper ang sukli,
hanggang sa nakarating sa akin.
Tatlong piso lang. Kulang pa ng tatlong piso.
Nakapanghihinayang. Ngunit hindi na ako kumibo. Nakahihiya kung kukuhanin ko pa
ang kulang. Pinabayaan ko na lang, tutal, tatlong piso rin lang naman iyon.
“Ma, kulang po ‘yung sukli. Dalawang
Avenida lang po ‘yon, galing Stop and Shop, estudyante,” malakas
niyang sabi.
Napatingin sa amin ang ibang pasahero.
Nagulat ako, at maski papaano, napahiya rin,
pagkat ikinahihiya kong bawiin ang tatlong pisong akin naman talaga.
Iniabot ng tsuper ang kulang. Tatlong piso.
Sakto na.
Sa bus, naupo kami sa upuang pangdalawahan,
iyong malapit sa pintuan. Siya ang naupo malapit sa bintana.
“Ano na ngang pangalan mo?” tanong niya, nang
palabas na ng Doroteo Jose ang bus.
Nakatutuwa, kanina pa kami magkasama, pero
hindi pa pala namin alam ang pangalan ng isa't isa. Nagpakilala na kami sa
klase, ngunit sa dami nila, iilan lang ang natandaan ko. Kasama na roon iyong
magaganda.
“Mark, ‘kaw?”
“Ghint.”
Pagkabanggit niya ng pangalan niya, bigla kong
naalaala, na siya iyong kinatuwaan ng propesor namin dahil sa kakaibang
pangalan.
“A, oo,” nasabi ko na lang. “Pa'no iispel
‘yung name mo?”
“Ghint. Ji. Eych. Ay. En. Ti. Ghint.”
“A, silent eych,” sabi ko nang may
paghanga. “Ganda ya. Ano raw ang ibig sabihin?” dala ng pagiging kakaiba,
naging interesado ako sa kahulugan niyon.
“Wala lang. Maganda lang daw, sabi ni Mama.”
Magmula noon, lagi na kaming sabay sa pag-uwi
at pagpasok. Lagi kaming naghihintayan, sakaling may isang mauuna.
Isang oras din kasi ang biyahe, nakaiinip kung wala man lamang makausap.
Hindi ko na rin mabilang kung ilang ulit na
akong nakapunta at nakakain sa kanila, ganoon din siya sa amin. Ngunit
iba ang kaso tuwing pupunta ako sa kanila. Nakahihiya. Mayaman kasi sila.
Pakiramdam ko, kalabisan ang pagpunta-punta ko roon, at isa pa, nakahihiya rin
sa mga magulang ni Ghint.
Napaisip tuloy ako kung bakit sa PUP siya
nag-aral, gayong kaya naman niyang mag-aral sa mga pribadong paaralan, o maging
sa UP. Mayaman naman sila, at matalino naman siya, na kalaunan ay sinagot niya,
at sinabi niya sa akin na higit sa alinmang pamantasan, PUP ang
pinakasumasalamin sa lipunang Pilipino. Sa kanya, ito ay lipunang nagkukubli sa
anyo ng isang pamantasan.
Samantala, sa dyip man o sa bus, tuwing
magkasabay kami, malimit naming mapag-usapan ang panitikan, at higit, ang
kagandahan, kasalimuotan at kahiwagaan ng buhay, na sa akin, bilang isang manunulat,
ay mahirap ngunit kaysarap unawain. Sa bawat pag-uusap namin, hindi maaring
hindi ako hahanga sa kanya. Sadyang matalino siya. Iyong uri ng talino na hindi
pang-akademya. Iyong uri ng talino na naiiba, at nagmamarka at nag-iiwan ng mga
palaisipan sa sinumang makauusap niya nang seriyosuhan.
Sadyang marami siyang paliwanag tungkol sa
buhay, at alam ko, maski hindi ko pa naitatanong sa kanya, marami rin at
malalalim ang mga tanong niya tungkol doon.
“Alam mo,” sabi ko sa kanya, nang minsang nasa
dyip kami, gaya nang dati, doon kami naupo sa unahan, sa tabi ng tsuper,
“habang tumatagal, nagiging kawawang lalo ang kalagayan ng mga Pilipino,”
nakatingin ako sa payat na batang dumadaan sa pagitan ng mga dyip, at nag-aalok
ng kendi at yosi.
“Sinabi mo pa,” sabi niya. “Pero sa isang
banda, parang mapalad din ‘yong mga gaya nila.”
Napatingin ako sa kanya ako sa kanya.
Nakatingin siya sa side mirror, nakatingin sa imahe niya.
“Kasi pera lang ang pinoproblema nila,” sabi
niya. “Mapalad ‘yong mga taong pera lang ang problema.”
Tumango-tango ako. “Tama ka d’yan.”
Sa klase, kami ang laging magkakompitensiya.
Kung magtatanong ka sa mga kamag-aral namin kung sino ang pinakamahusay sa
klase namin, lagi na'ng pangalan namin ni Ghint ang isinasagot nila. Kami ang
madalas na nagpapalitan ng puwesto sa may pinakamataas na marka, maliban na
lang kung minsan na nahihigitan kami ng ilan naming mga kamag-aral, iyong likas
na masisipag, pagkat likas na yata sa amin ni Ghint ang pagiging tamad kung
minsan.
Nang makatapos kami ng kolehiyo, nawalan na ako
ng komunikasyon sa iba naming mga kaklase, pero hindi kay Ghint, maski pa
magkaibang kompanya ang pinapasukan namin. Una akong natanggap at
nakapagtrabaho sa larangan ng pagtuturo, habang siya naman ay sa publikasyon ng
isang lingguhang pahayagan. Naging madalang ang pagkikita namin, at umunti rin
ang balita namin sa isa’t isa, maski pa may cellphone naman na
magagamit, at maski pa isang sakay lang naman ng traysikel, at kaunting lakad
ang pagitan ng aming mga bahay.
Minsan, isang hapon, makalipas ang ilang buwan
din naming hindi pagkikita, nag-text siya sa akin. Pinapupunta ako
sa kanila. Kailangang-kailangan daw. Tatanungin ko sana kung bakit, kaso, wala
akong load.
Galing sa paaralang pinapasukan ko, sa kanila
na ako dumiretso. Sa daan, hindi ko maiwasang isipin kung ano kaya ang dahilan
ni Ghint sa pagpapapunta sa akin.
Madilim-dilim na rin nang dumating ako sa
kanila. Malungkot at parang nagluluksa ang kalangitan.
“'Sa roof top si Ghint,
Mark," sabi sa akin ng katulong, ni Ate Venus, pagkakita sa akin.
Nang nasa itaas na ako, naramdaman ko agad ang
malamig na hamyos ng hangin sa balat ko. At malayo pa lang ako, nasa pintuan pa
lang ako, sa makapal na dilim na hinahawi ng liwanag ng buwan at ng mga ilaw ng
bumbilya, naaninag ko na siya. Nakaupo siya sa isang silya, nakatingin sa akin.
Parang walang emosyon at may kung anong minamasdan sa di kalayuan. May isang
mesa sa harapan niya.
Lumapit ako sa kanya, at habang papalapit ako,
napansin ko ang mga nasa ibabaw ng mesa. Iyon ay isang boteng alak, isang
pitsel ng tubig, dalawang baso at isang mangkok na bagama’t hindi ko pa alam
ang laman ay natitiyak ko nang pulutan.
Naka-polo shirt siyang itim, nakapantalong
maong, nakatsinelas. Mukhang kagagaling lang niya sa trabaho.
“Ba’t mo ‘ko pinapunta?” umupo
ako sa silyang plastik. “Mukhang broken-hearted ka
ya,” bagama’t pilit, bahagya akong tumawa sa biro ko.
Hindi ako pinansin ni Ghint. Parang hindi niya
ako nakitang dumating. Parang wala siyang narinig. Nakatingin pa rin siya sa
pintuan. Tahimik, ngunit parang kayraming gustong sabihin.
“Inom ka muna,” nagulat pa ako nang bigla
siyang magsalita. Sinalinan niya ng alak ang basong may yelo, saka iniabot sa
akin.
Inabot ko. Puno ng kulay tubig na alak ang
baso. Gustong-gusto ko na siyang tanungin kung ano ang problema, ngunit
minabuti kong manahimik na lang. Mas maigi kung siya ang magbubukas ng usapan
tungkol doon.
Ininom ko ang alak. Ubos. Mapait. Gumuguhit sa
lalamunan ko ang pait. Naalala ko, ilang buwan na nga rin pala akong hindi
umiinom.
“Konti lang a,” ibinaba ko sa mesa ang
baso. “May klase pa kasi ‘ko bukas e.”
Pinuno ko ng tubig ang isa pang baso. Ininom
ko. Naramdaman ko ang pagguhit ng malamig na tubig sa lalamunan ko. Parang may
pinapatay na apoy. Ang sarap. Ngunit naiwan pa rin doon ang pait na dulot ng alak. Ayaw maparam.
Tiningnan ko si Ghint. Nakatingala siya sa
kalawakan. Parang may hinahanap at may nais makita. Sa suot niyang itim na polo
shirt, parang bahagi na rin siya ng dilim.
“Tingin mo, nasaan ang langit?” walang
ano-anong tanong niya, habang nakatingin sa kalawakan.
Nagulat ako sa tanong niya. Minsan na niya
iyong itinanong sa akin, isang gabing pauwi kami't nakasakay sa bus. At sabi pa
nga niya, hindi naman talaga langit ang bughaw na nasa itaas, dahil pag lumipad
ka, lulan ng isang dyet, halimbawa, kalawakan na agad. Outer space na.
Pero ngayon, sa di ko matukoy na dahilan, higit na mabigat ang dating sa akin
ng tanong niyang iyon. Para bang ito ang unang pagkakataon na itinanong niya
iyon sa akin.
Tingin mo, nasaan ang langit?
Umaalingawngaw sa utak ko ang bawat himaymay ng
mga kataga niyon.
Wala sa loob, napatingala rin ako sa langit.
Nagbabaka-sakaling mahagilap doon ang sagot. Iginala ko ang tingin ko sa
kalawakan, sa malalim at madilim na kalangitan, sa maliwanag na mukha ng buwan,
sa maninipis na ulap, sa mga bituing walang kakurap-kurap sa pagkakatitig sa
amin at sa lahat ng nasa daigdig.
Hindi ako sumagot. Hindi ko alam ang isasagot
ko. Hindi ko nahagilap sa kalangitan ang sagot. Bigla, parang nawala ang pait
sa lalamunan ko.
“Ano kaya'ng mangyayari sa ‘tin pag namatay
tayo?”
Umihip ang hangin. Lalo kong naramdaman ang
lamig. Parang may dala iyong lungkot.
“Pag mabuti ka, sa langit. Pag hindi, sa
imp’yerno,” bigla kong naisagot, habang nakatingala sa langit.
Tumawa siya. Mahina lang, parang pilit pa nga.
Tawang parang walang lamang saya. Tawang parang nangungutya.
Napatingin ako sa kanya.
“Naniniwala ka ba sa D’yos, Mark?”
Sa mukha niya, lalo na sa kanyang mga mata,
bagama't madilim ang paligid, napansin kong parang mayroong lungkot.
Hindi ako sumagot. Hindi ko alam ang isasagot
ko.
“Saka ba’t dinamay N’ya tayo sa kasalanan nina
Eva't Adan? ‘Kala ko ba mapagpatawad S’ya. 'Kala ko ba maunawain S’ya. Di naman
tayo'ng nagkasala sa kanya ,a,” nakatitig pa rin sa akin ang mga mata ni Ghint,
ang mga mata niyang may pagkamukhang suplado, pero sa sandaling iyon ay parang
may itinatanong ngunit hindi masagot-sagot, parang may inuunawa ngunit hindi
maunawaan. “Saka ba't may mayaman pa't mahirap? Ba't may bakla't tomboy?
Ba't di patas ang buhay? Saka di ba, Mark, ampanget naman 'ata kung kaya lang
Siya sinusunod ng mga tao ay dahil ayaw nilang mapunta sa imp'yerno? Di naman
pagmamahal 'yon, e.”
Bigla kong naalaala ang maikling kuwento niya.
Hindi ko na alam ang isasagot ko. Bigla,
naisip ko na lang na sana ay Linggo na bukas. Sana may simba na kinabukasan
din, para maitanong ko na sa pastor namin ang mga tanong sa isip ni Ghint.
Gusto kong sagutin ang mga tanong niya.
Gustong-gusto ko. Pero hindi ko alam ang isasagot ko. Natatakot din ako na baka
kung ano pa ang ibunga ng magiging sagot ko. Natatakot ako.
Muling tumingala sa kalawakan si Ghint. Ngunit
hindi na gaya kanina na parang may hinahanap at nais makita, ngayon, parang
mayroon na siyang kung anong pinagmamasdan at tinititigan.
Tumingala rin ako sa langit. Nagulat pa ako.
Wala na roon ang mga bituin, maging ang maliwanag na mukha ng buwan. Ang naroon
na lang ay makakapal na ulap, na parang mga bangkang nagsisipaglayag sa
karagatan, sa marahan at payapa nitong pag-usad sa kalawakan.
“Tama na siguro ‘to.”
Tumingin ako sa kanya. Nakatingin siya sa akin.
“Di ba sabi mo, may klase ka pa bukas?”
Nagulat ako. Hindi ko inaasahan na siya pa ang
mag-aaya ng pagtigil ng inuman, gayong nakaiisang tagay pa lang ako.
“Ayaw mo na?” di pa rin ako makapaniwala.
Tumango lang siya.
“Tara na. Hatid na kita sa labas,” tumayo
na siya. “‘Papaligpit ko na lang ‘to kay Ate Venus.”
“Pinauuwi mo na yata ako, e,” nakangiting
sabi ko. Tumayo na rin ako.
Naisip ko, bagama’t di ko alam ang problema ni
Ghint, mas makabubuti na rin siguro kung ihihinto na namin ang inuman,
para makapagpahinga na rin ako. Lalo na siya.
Nauna akong lumakad palapit sa pintuan, pababa
ng roof top. At nang malapit na ako sa pintuan, naramdaman ko
na lang ang palad niya sa balikat ko. Humarap ako.
“O, lasing ka na ‘yata, e,” natatawang
sabi ko.
“Mark, masaya kong nakilala kita,”
tinapik-tapik niya ako sa balikat.
“Ako rin,” bahagya ko siyang hinampas sa
braso. “Lasing ka na siguro, ‘no?” biro ko.
“Hindi,” parang basag ang boses niya.
“Tara na nga.”
Bumaba na kami ng hagdan. Sa loob, naninibago
pa ang mga mata ko sa liwanag. Nagulat pa ako nang makita ko ang oras sa
malaking orasang nakasabit sa dingding. Pasado alas-nuwebe na ng gabi! Hindi na
ako nakapaghapunan.
“Sige Ghint, uwi na ‘ko,” sabi ko, saka
ako tumalikod.
“Tuparin mo ‘yung gusto mo, a. Dapat
maging sikat na writer ka. Dapat maging national artist ka,”
sabi niya.
Basag nga ang boses niya. Di ako maaaring
magkamali. Basag iyon na para bang tinig ng sa gustong umiyak.
Humarap ako sa kanya. “Oo ba. Dapat ikaw rin.”
Hindi siya kumibo. Ngumiti lang siya.
Ngayong higit na maliwanag, lalong naging agaw
pansin sa akin ang pamamanglaw ng kanyang mga mata. Parang tuluyan na
iyong nilisan ng ora nitong may pagkasuplado.
“’Ge na nga. Daming komers’yal. Alis na ‘ko,”
tumalikod na ako.
Hindi na siya kumibo. Hindi ko na rin siya
nilingon pa. Parang hindi ko na kayang makita pa ang kanyang mga mata.
Nang pauwi na ako, habang minamasdan ko ang
makupad na usad ng mga sasakyan, ang nakakumot na dilim, at ang paroo't
paritong mga tao, naisip ko si Ghint. Naisip ko ang mapanglaw niyang mga mata.
Naisip ko ang maikling kuwento niya. Naisip ko si Vheane. At ewan ko ba, walang
ano-ano, napatingala ako sa langit, at bigla kong naisip na ang pangalang “Vheane”
ay anagrams ng “Heaven.” Langit.
Hindi ko alam kung bakit, pero bigla akong
kinabahan.
Sa bahay namin, hindi ako makatulog. Ayaw akong
dalawin ng antok, gayong alam ko namang pagod ako. Sa isipan ko, parang
nakikita ko pa rin si Ghint, nakatingala sa langit. Nakapako sa isipan ko ang
mga mata niya, ang mapanglaw niyang mga mata.
Nagising ako sa tunog
ng cellphone ko. May tumatawag. Nakatulugan ko pala ang pag-iisip kay
Ghint.
Mabigat ang talukap ng mga mata, at parang
nananaginip pa rin, inabot ko ang cellphone ko. Mama ni Ghint,
si Tita Maureen!
Kinabahan ako. Hindi ko gusto ang pagkakakita
ko sa pangalan niya sa cellphone ko. At ba’t naman kaya siya tatawag
sa akin sa ganoon kaalanganing oras?
Sinagot ko. Umiiyak siya. Parang nawala ang
antok ko sa sinabi niya. Parang gusto kong mawalan ng malay. Hindi ako
makapaniwala. Nagpakamatay si Ghint!
Nagpunta ako sa kanila, di pa man kinukuha ng
punerarya ang bangkay ni Ghint, ng pinakamatalik kong kaibigan. Hinintay raw
talaga nina Tita Maureen na makita ko muna ang anyo ni Ghint, bago ito kuhanin
ng punerarya.
Nakahiga siya sa kama niya, wala nang
buhay. At sa suot niyang itim na polo shirt, parang bahagi na rin siya ng gabi.
Tangan niya ang isang bote ng asidong panlinis ng alahas. Habang pinagmamasdan
ko siya, pakiramdam ko, nananaginip pa rin ako. Binabangungot. Gusto kong
gumising, kaso, hindi ito isang panaginip.
Naalaala ko ang karakter niyang si Vheane.
May kinuha si Tita Maureen na papel na
nakapatong sa mesa ni Ghint. Iniabot niya iyon sa akin. Iyon ay isang
pilas lang ng dahon ng kuwaderno, na nakatupi sa tatlo. Binasa ko ang nakasulat.
Mark,
Tuparin mo ang pangarap mo. Dapat maging
manunulat ka. Ngayong binabasa mo
‘to, wala na ako. Sa wakas, makalipas ang ilang taon kong pagpapasya, makikita
ko na rin ang langit, hindi nga lang siguro ako roon mapupunta. Pero masaya na
rin akong mauunawaan ko na ang buhay, matatanong ko na ang Diyos.
Ingatan mo palagi ang sarili mo.
Kaibigan mo, ngayon at sa habang panahon,
GHINT
P. S.
‘Wag na ‘wag mo akong tutularan, dahil ang
mga gaya ko ay sadyang kaawa-awa.