Pinipilit mong
maniwalang
may ekwalidad sa
kamatayan,
espesyal na uri ng
pagkakapantay-pantay,
na sa huling hantungan
walang mahirap, walang
mayaman.
Pinipilit mong
maniwalang
may mga bagay
na hindi saklaw
ng lupit, ng sama, ng
saklap—
ng lipunang walang
habag.
Nakikipagbuno ka sa
pagkabagot.
Hinihintay maupos
ang mumurahing kandila
sa apartment na
libingan
ng iyong ina,
samantalang nakatingin
ka
sa pamilyang nangakapustura
sa musuleong putting-puti
ang pintura
at nalulusaw
ang mga ice cream na
Magnolia.
11/1/16
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento