Biyernes, Enero 16, 2015

Best in Student's Evaluation


“Ayoko ngang nagko-compute ng grades, nakakabaho ng hininga!” malakas na sabi ni Sir DJ.

Tawanan. Hindi ko agad nakuha. Nangiti na lang ako nang ma-gets ko na. Hindi sa biro kundi sa pagiging slow ko. Natawa rin ako sa irony, na kay Sir DJ ko pa iyon narinig.

English teacher si Sir DJ, bading at mahilig sa musika. Maganda ang boses, mala-David Pomeranz. Iyon ang palagay kong dahilan kung bakit gusto niyang tinatawag siyang DJ. Parang disc jockey. Ipinipilit, dahil Daniel San Jose ang buo niyang pangalan. DSJ ang talagang inisyal.

Nasa 33 anyos na siguro si Sir DJ. Payat na matangkad. Medyo blonde ang buhok. Mabait daw siyang tiyuhin. Siya ang nagpapaaral sa dalawa niyang pamangkin. Isang hayskul at isang kolehiyo. Parehas pa man ding private.

Siya ang nakakuha ng best in student’s evaluation award last semester. Nakakainggit, dahil tinalo niya ang lahat. Sa akin, iyon ang pinakamahalagang award ng teacher. Patunay na gusto ka ng mga estudyante, at na may natutuhan sila sa iyo. Para bang pagiging tao, kapag maraming natutuwa at humahanga sa iyo. Nahiling ko na sa mga susunod na taon, magkaroon din ako ng gayong award. Pagsisikapan ko. Pag-aaralan kong lalo ang mga subject ko. Sasamantalahin kong two preparations lang ako.

Cash at plake ang iniabot sa kanya. Nasa dalawang libo lang siguro iyon, dahil kuripot ang aming eskuwelahan.

“Thanks for this award,” sabi ni Sir DJ, tangan ang plake at ang sobre. “I would like to express my gratitude to Dean and to my immediate supervisor. I did not expect that among us, forty instructors, I would be granted this honor. This is indeed a surprise that I am very thankful of.”

Unang linggo iyon ng Nobyembre, unang linggo para sa ikalawang semestre.

Pero kalagitnaan lang ng Enero, nag-AWOL si Sir DJ.

Patapos na ang Enero nang malaman ko sa kuwentuhan ng mga coteacher ko, o mas maganda yatang tawaging tsismisan, na kinausap ni Sir Renz, head ng GE Department, di Sir DJ. Tinerminate daw si Sir DJ. Nalaman palang nagpa-part time siya sa ibang school, at dalawang school pa.

“Magagalit talaga sa kanya,” bulong ng isang HRM instructor. “Full time s’ya rito, tapos, commited pa s’ya sa iba. S’yempre, against ‘yun sa management practice. Pa’no s’yang makapagbibigay ng magandang service dito?”

“Saka sinabi naman ‘yun nang ma-in tayo rito,” sagot ng NSTP instructor. “Na pag full time ka na rito, hindi ka na p’wedeng magtrabaho sa ibang school. Kahit saan naman, ganu’n ang policy.”

“Pero ang galing n’ya, a. Hindi ko napansing three schools s’ya. Mostly, pakanta-kanta nga lang s’ya,” sabi ng isang IT instructor.

“Pero grabe pa rin ‘yun, ‘no?” sagot ng isang psychology instructor. “Termination agad.”

Sa isang klase ko na klase rin ni Sir DJ, nagtanong ang mga estudyante kung bakit wala si Sir.

“Hindi ko alam, e,” pagmamaang-maangan ko. Ayokong ako naman ang ipatawag ng immediate supervisor ko.

“Wala na raw s’ya, Sir, e.”

Nagulat ako. Wala rin talagang maililihim sa mga estudyante.

“Sayang, napakataas pa namang magbigay ng grade ni Sir.”

Na-curious akong bigla. “Bakit, ano’ng grade mo sa kanya?”

“1.0 po,” mabilis na sagot ng estudyante. “1.5 na po ang pinakamababa sa’min.”

Natahimik ako. Gulat na gulat. World literature na kayhirap na subject, minamani nang ganoon ang grade?


Hindi na nakuha ni Sir DJ sa locker niya ang lahat ng gamit niya. Kamamadali, dala marahil ng kahihiyan, maraming natira. Isang umaga, binuksan iyon ni Sir Renz. Bukod sa amin, sila lang ni Dean ang may susi sa mga locker namin. Ipinatong niya sa katabing mesa ang natirang mga gamit ni Sir DJ. Napapapalatak siya at napapailing.

Kinabukasan niyon, narinig ko sa bulungan ng mga coteacher ko, na walang tsek ang mga prelim exam ng mga estudyante ni Sir DJ. Maging ang lahat ng mga seatwork.

Isang nakatambay ako sa harap ng bahay namin, nagtsatsaa at patingin-patingin sa mga bituin, napansin ko na lang sa sarili ko na hindi na ako ganoon kainterasado sa best in student’s evaluation award.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento