Ilang araw pa lang nang makalipat kami ng bahay, tinanong
ko si Mama kung parehas bang nag-aaral ang dalawang anak ni Kuya Jobert,
kapitbahay namin, kumpare ni Papa at tumulong sa amin sa pagbababa ng mga gamit
namin mula sa trak at pagpapasok ng mga ito sa bahay.
“Hindi, ‘yung panganay lang,”
sabi ni Mama. “’Yung lalaki.”
“Bakit? E ‘yung sumunod?”
“Wala. D’yan lang sa bahay. Hindi
kayang pagsabayin, e.”
Bata pa lang kaming magkakapatid,
kilala na namin si Kuya Jobert. Nagpupunta silang mga tricycle driver sa bahay
kung birthday ni Papa. Inuman. Pero nang malipat kami, saka lang kami napalapit
sa kanya. Dalawang beses kada linggo, nagdadala siya ng ulam sa bahay. Minsan
na siyang nagdala ng tinola, adobong sitaw at diningding. Napapaupo siya saglit
at nakikipagkuwentuhan kay Papa habang tangan ang mangkok na may kapalit nang
ulam galing sa amin.
Maitim si Kuya Jobert, matangkad,
payat at medyo mahaba ang leeg. Walang trabaho ang asawa niya, si Ate Rose, sa
bahay lang, kasama ang anak na babae, si Daisy. Gusto raw magtrabaho ni Daisy sa
Jollibee pero ayaw payagan ni Kuya Jobert dahil baka hindi nito kayanin.
Delikado rin daw ang mag-uuwi kung gabi. Maraming sira-ulo. Sabi ni Papa,
alagang-alaga raw ni Kuya Jobert ang anak. Wala raw itong kagawa-gawa sa bahay
liban sa pagwawalis at paghuhugas ng mga pinggan. Katunayan, sa mga inuman sa
bahay, madalas ipagmalaki ni Kuya Jobert ang anak.
Maganda nga si Daisy, maamo ang
mukha. Hindi kaputian ngunit makinis. Ang kagandahan ng anak ay yamang
maipagmamalaki ng mga magulang sa iba at sa sarili.
Hindi naman sa pangmamata, pero kumpara sa amin, mas hirap
sa buhay sina Kuya Jobert. Sa amin, tatlo kaming nagtatrabaho — ako, si Ate at
si Papa. At may regular na trabaho sa pabrika si Papa, nagtatraysikel lang kung
Linggo, at kung umaga, bago pumasok, at kung hapon, pagkagaling sa trabaho.
Marahil, kalahating taon na kami
sa bahay nang mapansin kong parang nag-iba si Kuya Jobert. Kasunod iyon ng
panahong madalas kong mapagririnig sa TV ang mga balita tungkol sa pagtataas ng
presyo ng gasolina, pamasahe, bigas at mga pangunahing bilihin. Nag-P300 nga ang
kada kilo ng bawang. Hindi na siya nagdadala sa amin ng ulam. Bihira ko na rin
siyang makita. Sabi ni Papa, alas-kuwatro pa lang daw ng umaga, bumibiyahe na.
At alas-onse na ng gabi kung umuwi.
Isang umagang nasa labas ako ng
bahay, hapon pa ang turo ko sa kolehiyo, natiyempuhan ko ang Bumbay na
inuutangan nila. Naka-motor.
“Ate! Ate!” panay ang busina
nito. Pero walang sumasagot. Nakasara ang pinto. Parang walang tao.
Mga dalawang minuto rin itong
tumawag, saka umalis nang nakasimangot. Maya-maya, nakita kong sumilip sa
bintana si Ate Rose.
Kinabukasan, ganoon ulit. Bumukas
lang ang pinto nang wala na ang Bumbay.
Nang sumunod na umaga, nakita ko si
Daisy, nakapantalong maong at asul na blouse. Naka-body bag. Kahit nakatalikod
at nasa malayo na, pansin na pansin ang magandang hubog ng katawan nito.
“Naaawa ‘ko ke Pare. Puro b’yahe
na lang,” sabi ni Papa nang naghahapunan kami.
“Nagagalit na nga raw ‘yung me
ari ng bahay. Dal’wang b’wan na pala silang di nakakabayad,” sabi ni Mama.
“Parang tulala nga kaninang nakasabay
ko sa pila,” sabi ni Papa. Parang may malungkot na bagay na biglang naalaala. “Pinayagan
na pala n’yang mag-apply sa Jollibee si Daisy.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento