Nagpapasok ng tubig sa CR si Annie
nang mapansin niyang nakatayo na sa pintuan ang kanyang si Angie. Biglang
gumaan ang pakiramdam niya. Parang nalusaw ang pagod niya.
“Kape?”
nakangiti niyang sabi. Mahilig sa kape ang anak niya. Kahit kainitan, kape ang
hinahanap. Ito ang namana nito sa kanya.
Umiling ito, ni
hindi tumingin sa kanya. Bagsak ang mga balikat nito. Malungkot ang mga mata.
Parang malalim ang iniisip.
Hindi niya
pinansin ang anak. Baka pagod lang sa pag-aaral. Hindi niya ugaling uriratin
ito, dahil alam niyang mahirap mag-college — kahit na hindi niya ito naranasan,
dahil ni hindi siya nakatapos ng hayskul. Pero iba ang itsura nito ngayon.
Mukhang hapung-hapo. Mukhang namatayan. Pero hindi pa rin siya nagtanong.
Bumalik siya sa
likod-bahay. Isinalin sa timba ang huling planggana ng mangitim-ngitim na tubig,
ipinasok sa CR, at ibinuhos sa pandak na dram.
Ganito siya
katipid. Ang pinagbanlawan sa paglalaba, hindi niya itinatapon. Ang mga ito ang
ginagamit nilang pambuhos sa CR. Pag naliligo siya, isinasabay na niya ang
pag-eeskuba sa naka-tiles na sahig ng banyo, nang makatipid sa tubig. Kaya ang
tubig nila, buwanan, P200 lang. Sa kapitbahay nila na tatlo lang din sa bahay,
P400. Pag siya lang ang nanonood ng TV, na madalas namang mangyari dahil gabi
kung dumating ang mag-ama niya, hinihinaan lang niya ang volume — nang tipid sa
kuryente. Kung mag-isa siya at naiinip siya, at wala pang magandang palabas sa
TV, nangangapitbahay na lang siya. Ang kapitbahay namang pinupuntahan niya,
nagraradyo. Hindi TV. Ang dahilan, nang tipid din sa kuryente. Hindi niya
pinagpaplantsa si Angie, dahil mabagal itong mamlantsa. Sa isang linggo, isang
beses lang sila kung mamlantsa. Abot-abot ang pagbubunganga niya pag may
biglang lakad si Angie at kailangan na namang mamlantsa. Kung dalawang t-shirt
na lang ang paplantsahin, pinapatay na niya ang plantsa. Nakakaplantsa pa rin
ang tira nitong init. Ganoon din pag nagluluto. Pag huling tatlong minuto na
lang, pinapatay na niya ang apoy.
Sa sobrang
katipiran nga niya, Mrs. Matipid na ang tawag sa kanya ng buong looban. “Hindi
naman kayo Ilokano, ‘Te Annie, ba’t ang tipid-tipid mo?” sabi sa kanya.
Ang katuwiran
niya, college na si Angie. Second year college. HRM ito sa UM. Marami nang
gastos. Lalo sa mga susunod na taon. Sakto lang ang sahod ng asawa niyang si
Romy, na guwardiya sa isang pabrika ng papel. Pag nag-fourth year si Angie,
magkakahirapan na. Kailangang magtipid.
Noong dalaga pa
siya, pangarap na pangarap niya ang magandang buhay. Pero disiotso lang siya
nang mabuntis ni Romy. Ngayon, umaasa siyang si Angie ang magpapatuloy ng mga
pangarap niya. Malaki raw ang sahod ng mga gumagradweyt ng HRM. Kukuha lang ito
ng isang taong experience, tapos, mag-a-abroad na. Magkakaroon na sila ng
sariling bahay. Labingwalong taon na silang nangungupahan.
Maging sa
pagkain, walang nasasayang sa kanila. Walang tutong na naitatapon.
Pinapagalitan nga niya ang mag-ama pag hindi nahimay nang mabuti ang isda at
marami pang tira.
“Wala na ‘yan,
Ma,” sabi ni Angie.
“Syento beynte’ng
kilo ng galunggong, sinasayang mo,” kinuha niya sa pinggan ng anak ang isda, at
pinakasimot.
Kangina pa patay ang ilaw, pero
gising pa rin siya. Alam niyang gising pa rin si Romy. Parehas silang hindi
makatulog.
Iniangat niya
ang kanang palad niya. Tiningnan-tingnan. Parang ibinulong sa kanya ng dilim
ang sagot. Ang pangangarap at mga paghihirap niya ang dahilan. Kaya kanginang
sabihin ni Angie na buntis siya, nabigyan niya ito ng dalawang sunod at
malalakas na sampal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento