Sabado, Marso 15, 2014

Foreign Student


Hindi ko malimutan ang sabi ni Ma’am Maribel noong unang araw ng klase, history instructor at sampung taon nasa SITE. Mas marami raw ang teaching load dati. “Ngayon kasi, wala nang mga foreigner. Di raw kasi nag-i-English ‘yung ibang instructor. Di nila maintindihan ‘yung lesson. Halimbawa, Math, Sociology, gusto nila, English din ang medium.”

Naitanong ko na naman sa sarili ko, bakit ba tayo ang nag-a-adjust para sa kanila? Sa France nga (kahit di pa ako napupunta, alam ko), hindi ka kakausapin kung di ka marunong ng French. Mag-iiyak ka muna riyan.

Kinabukasan, Martes, tatlo lang ang klase ko. Sa huli kong klase, sa 1 to 2:30 ko, napako ang mga mata ko sa dalawang esudyante sa likod. Pareho silang maitim, bilugan ang mukha, maiksi ang kulot na mga buhok at itim na itim ang mga mata. Mga Bumbay. Naka-turban pa ang isa. Nailang ako. Self expression man iyon o kung ano, ayoko sa mga naka-cap o turban o may hikaw sa dila.

“P’wede bang pakialis ‘yan?” nakatingin ako sa kanila.

Tumahimik bigla sa classroom. Naglingunan ang mga estudyante.

“We don’t ispik Tagalog,” sabi ng isa.

Natahimik ako. Biglang tumambol ang dibdib ko. Natuyuan ako ng laway. Inisip ko ang tamang pangungusap. Nakakaintindi ako ng English, pero hindi ako fluent dito. Baka mamaya, wrong grammar ang sentence ko. Pagtawanan pa ako. Pagtsismisan. Nakakahiya iyon, kahit pa Filipino teacher ako.

“You’re a foreigner?” tanong ko.

Tumango sila.

“Will you please remove your turban?” mukhang tama naman ang English ko.

“No. Part op ar kultyur.”

Bigla kong naalaala ang sabi sa akin kahapon ni Ma’am Jasmine. “Sir, pag may foreigner kang student, papuntahin n’yo po sa’kin. Sa klase ko sila papasok. Filipino for foreigners.”

“Both of you, you go to Room 210, and look for Ma’am Jasmine.”

“Rum tu wan siro?” tanong ng naka-turban.

“Yes,” tumango ako.“Bring your bag.”

Pagkalabas nila, nagtawanan ang mga estudyante. May pumalakpak pa.

“Epic fail!” sabi ng isa.

“’Lang’ya,” sabi ng isang lalaking nasa unahan. “Pupunta-puntang Pilipinas, di marunong ng Filipino.”

Pagkatapos ng klase, umuwi agad ako. Wala akong ganang mag-ayos ng mga teaching material at kung anu-ano pa. Sa LRT, hindi ako umupo sa bakanteng upuan. Tumayo ako sa tabi ng pintong hindi bumubukas, nakatanaw sa labas. Hinahanap ko ang dangal ko bilang Pilipino. Karamihan sa mga billboard, sa English nakasulat. Ganito rin ang araw-araw kong nababasang mga sign sa kalsada. Sabi ni Ma’am Maribel, ang mga titser na hindi naman English ang subject, Rizal, halimbawa, Psychology, pag may foreigner, napipilitang mag-English? Bakit? Saan nanggaling ang tapang ng apog ng mga foreigner na mag-demand? Bakit nasanay silang bastusin ang wika natin? Wala raw alipin kung walang magpapaalipin. Naisip ko, ako, Filipino instructor na, nag-English pa rin para sa kanila.

Maingay na sa LRT. Ang daming nagkukuwentuhan at nagtatawanan. May lumalampas sa earphone ang sounds. Pero parang naririnig ko pa rin ang boses ng Bumbay.

“Will you please remove your turban?”

“No. Part op ar kultyur.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento