Noong nakukuha ko pa’ng lahat sa
pagngalngal
kailangan pang subuan at paliguan
tabihan ng walis-tambo para lang matulog
napakahalaga sa mundo ng lalagyan ng
pulbo
ng baha sa rampa, ng kantang “Ako ay May
Lobo.”
At ang mundo noon, isang paraiso.
Noong magpatuli ako
nagpatuli rin yata’ng lahat ng tao
at natutong umibig lahat ng mga puso.
Nang tumungtong ako sa mataas na
paaralan
makaramdam ng kakaiba sa katawan
tuwing makakakita ng makikinis na
balikat
makikitid na baywang
wala nang mahilig sa laruan
hindi na paraiso ang mundo
at malibog na’ng lahat ng tao.
Nang magtatapos na ako sa sekondarya
mga programa sa tersiyarya na’ng laging
paksa
nagliliparan na’ng mga pangarap
at parang kanser na’ng libog ng lahat.
Nang naroon na ako sa napiling kurso
hindi na paraiso ang mundo
at parang nalilito na’ng lahat
basura na’ng mga laruan
kasintahan na’ng kailangan
mga guwapo’t maganda na’ng bida
hindi ang matatanda sa eskuwela.
Pagkatapos kong mag-aral
doctoral at masteral naman
ang nasa hapag-usapan.
At ngayong beynte-dos na ako
hindi ko na alam
kung ano ba talaga ang kasiyahan
hindi na ako marunong makontento
at hindi ko na alam
kung saan ba patungo ang tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento