Miyerkules, Mayo 30, 2012

Daga


Naka-indian seat si Chard sa sopa, nagbabasa ng “Eleven Minutes” ni Paulo Coelho, nang mapansin niya ang daga sa ilalim ng computer table, nakatitig sa kanya, parang itim na butones na ang mga mata. Ibinaba niya agad ang aklat, sumuot sa ilalim ang daga, dinampot niya ang walis-tambo.

Mabilis kumilos ang daga, pero pasensiya na lang ito, mabilis din siya. Nadadakma niya ang mga butiki sa dingding, nahahampas ng tsinelas ang rumorondang putakti, nasisipa ang nagtatatakbong pusang-kalye.

Matapos ang ilang minutong silip-takbo-suot-gapang, nahuli niya ang daga, kalahating dangkal ang haba.

Inilagay niya ito sa timba sa banyo, saka binuhusan ng dalawang tabong tubig. ‘Wag daw paglalaruan ang mga daga, sabi. Dahil pag nabuhay, sisirain daw ang lahat ng damit mo. Pinanood niya ang daga sa paghihirap nito, at tiniyak niya munang patay na ito, bago niya itinapon. Paano pa ngayon itong makasisira? Wala rin siyang pakealam sa mga damit niya. Hindi ang mga ‘yon ang dapat na pinag-uukulan ng pera.

Kinabukasan, pagkagising niya, kinuha niya ang “Eleven Minutes” niya, at nakita niyang may ngatngat ng daga ang lahat ng aklat sa salansanan niya, wala na halos mapakikinabangan.

1 komento: